Kumanta Kayo Mula sa Inyong Puso
Dafne Analia Romero de Tau, Misiones, Argentina
Noong Disyembre 2000 naghahanda ang stake choir namin bilang punong-abala sa isang choral festival. Ilang choir na bantog na bantog sa lungsod ng Posadas, Argentina, ang nagsabing siguradong lalahok sila, at maraming dadalo. Sa aming pagkanta umasa kaming maibabahagi namin ang aming patotoo tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas.
Bilang choir director, medyo kinakabahan ako. Naragdagan pa ang kaba ko dahil walong buwan na ang kambal sa sinapupunan ko. Sumasakit na ang tiyan ko sa huling praktis namin isang linggo bago sumapit ang concert at kinailangan kong kumumpas nang nakaupo.
Nang matapos ang praktis, hindi na ako makatayo. Binasbasan ako ng aking asawang si Carlos at ng aking ama. Pagkatapos ay dinala ako ni Carlos sa ospital, kung saan nalaman ng mga doktor na lalabas na ang mga sanggol sa araw na iyon. Natakot ako, pero sinabi ni Carlos na magtiwala ako sa Panginoon.
Hindi naglaon narinig ang iyak ng isang bagong silang na sanggol sa buong silid. Tuwang-tuwa ako sa narinig ko, ngunit lumapit ang doktor at sinabi, “Si Kira ang umiiyak, pero hindi pinalad si Abril.”
Hindi ko mailarawan ang damdamin ko. Hindi nagtagal inilipat ako sa ibang kuwarto, kung saan naghihintay ang asawa ko. Nagyakap kami at umiyak.
“Dafne, hindi natin alam ang layunin ng Panginoon sa pagkuha Niya kay Abril,” sabi ni Carlos. “Pero kailangan nating maging matatag, tanggapin ang Kanyang kalooban, at magpatuloy nang may pananampalataya.”
Maya-maya pa, hawak na ni Carlos ang munting katawan ni Kira at binasbasan ito na patuloy na mabuhay. Nabuhay nga siya, ngunit dahil sa mga kumplikasyon, nanatili siya sa ospital nang sumunod na 10 araw.
Pinalabas ako nang sumunod na linggo. Dahil sa madalas na pagbibiyahe sa ospital para makita at mapasuso si Kira, hindi ko inisip ang choir. Noong gabi bago ang festival, tinanong ako ng aking ama kung nakapagpasiya na ako kung ako ang kukumpas. “Ipagdasal mo, Dafne,” wika niya, “at tiyak na anumang desisyon ang gawin mo ay siyang tama.”
Naisip ko si Kira, na nasa ospital pa rin. Naisip ko ang mga miyembro ng choir, na nagpakahirap na maghanda para sa concert. Naisip ko ang Tagapagligtas at ang Kanyang pagsilang, buhay, at sakripisyo. Alam ko na ang kailangan kong gawin.
Ang pagmamahal na ipinakita sa aming pamilya nang sumunod na gabi mula sa mga miyembro ng choir ay lubos na umantig sa amin, at ang pagkakaisa nila ay lumikha ng tapat na hangarin sa aming puso na antigin ang mga dadalo.
Dahil kami ang punong-abala sa festival, ang stake choir namin ang huling kumanta. Nang tugtugin ng piyano at biyolin ang pambungad sa “Ang Unang Noel,” dumaloy ang luha sa aking mga pisngi. Pagkatapos, nang humalo ang mga boses sa mga instrumento, lubos kong nadama na ako ay nasa isang magandang lugar.
Nang matapos kami, humarap ako at nakita ko na karamihan sa mga nanonood ay napaluha. Marahil ang mga taong hindi pa nakarinig ng mensahe ng kapayapaan at pagmamahal ng ebanghelyo ay nadama sa aming musika ang maganda at kagila-gilalas na pagsilang ng Anak ng Diyos.
Pagkatapos, sinabi sa amin ng tagakumpas ng isa sa iba pang mga choir, “Maganda ang pagkanta namin, pero kumanta kayo mula sa inyong puso.”
Pagsapit ng Bisperas ng Pasko nagpasalamat kaming mag-asawa sa Diyos na ibinigay Niya sa amin si Kira at isinugo Niya ang Kanyang Anak sa lupa. Dahil sa Pagbabayad-sala ng Anak at pagbubuklod sa amin sa templo, alam namin na si Abril ay muling mapapasaamin balang-araw.