2012
Pagtutuon ng Pansin sa Walang-Hanggang Pamilya
Disyembre 2012


Pagtuon ng Pansin sa Walang-Hanggang Pamilya

Ang pagtatayo ng templo sa El Salvador ay naging malaking pagpapala para sa dalawang magkapatid na tumulong sa kanilang mga magulang na makabalik sa Simbahan.

Sina Kevin at Jacqueline S., na magkapatid sa El Salvador, ay matalik na magkaibigan, at sinusuportahan nila ang isa’t isa sa lahat ng bagay. Malaki ang pagmamahal nila sa ebanghelyo at sa kanilang pamilya. Gusto nilang magkasama-sama ang kanilang pamilya magpakailanman.

Noong bata pa sina Kevin at Jacqueline, tinatanong ng mga tao sa simbahan ang tatay nila, “Kailan kayo mabubuklod sa templo?” At ang sagot niya, “Kapag may templo na sa El Salvador.”

Pagdarasal para sa Kanilang mga Magulang

Gayunman, nang ibalitang itatayo ang San Salvador El Salvador Temple noong 2007, hindi na nagsisimba ang mga magulang nina Kevin at Jacqueline. Ngunit patuloy na nagsimba si Kevin, na edad 18 na, at si Jacqueline, na edad 15, at nagdarasal na magsimbang muli ang kanilang mga magulang balang-araw.

“Kailanma’y hindi ako tumigil sa pagdarasal at paghiling sa Ama sa Langit na maging aktibo silang muli,” sabi ni Jacqueline. “Alam ko na nais ng Ama sa Langit ang pinakamabuti para sa amin, at nais Niya kaming maging walang-hanggang pamilya.”

Sinikap din nilang maging mabubuting halimbawa sa kanilang mga magulang. “Hindi ako kailanman nawalan ng pag-asa,” sabi ni Kevin. “Lagi akong nagbabasa ng mga banal na kasulatan at nagdarasal, at nakikita ako ng mga magulang ko na nag-aaral at umaalis para mag-home teaching at dumadalo sa mga aktibidad ng Simbahan. Sa pagsisikap kong sundin ang mga utos at umunlad sa ebanghelyo, nakita ng mga magulang ko ang aking halimbawa.”

Pagdama sa Diwa ng Templo

Dininig ang mga panalangin nina Kevin at Jacqueline para sa kanilang mga magulang nang malapit nang matapos ang templo. “Nang ibalita ng aming mga lider ang paglalaan at kultural na pagdiriwang, inanyayahan namin ang aming mga magulang,” sabi ni Kevin. “Sinabi namin sa kanila ang pribilehiyo naming mga kabataan na makibahagi, at naengganyo sila nang husto at natulungan silang umunlad sa espirituwal.”

Bukod sa pagdalo sa kultural na pagdiriwang, nakadalo rin ang pamilya sa open house ng templo.

“Kahit matagal nang hindi nagsisimba ang mga magulang ko, sagrado pa rin ang turing nila sa Simbahan at sa ebanghelyo,” sabi ni Kevin. “Pagpasok namin sa templo, sinimulang ipaliwanag ni Itay sa amin ng mga kapatid kong babae na kapag pumapasok tayo sa templo, nagsusuot tayo ng puti at doon natin isinasagawa ang mga sagradong ordenansa.”

Namangha si Kevin na nanatiling tahimik ang kanyang dalawang-taong-gulang na kapatid na babae, na karaniwan ay malikot, habang nasa loob sila ng templo, at napansin niya kung paano lumuha ang kanyang ina nang tingnan niya ang iba’t ibang silid at mga painting. Nang pumasok ang pamilya sa sealing room, ipinaliwanag sa kanila ng isang volunteer tour guide na dito sama-samang ibinubuklod ang mga pamilya magpakailanman.

“Pagkatapos ay isa-isa kaming hinawakan ng musmos naming kapatid na babae at sinabing, ‘Ang nanay ko, ang tatay ko, si Kevin ko, si Jacqueline ko,’” sabi ni Jacqueline. “Parang nagsalita ang Ama sa Langit sa pamamagitan niya para sabihin sa amin na talagang sa kanya lang kaming lahat.”

“Pagkatapos niyapos niya kami at hinalikan at nakaturo siya sa mga salamin,” sabi ni Kevin. “Tiningnan namin ang aming sarili sa mga salamin, at kamangha-mangha iyon. Paglabas namin ng sealing room noong araw na iyon, nagplano kaming bumalik doon.”

Muling Pagkakaroon ng Pananaw

Matapos dumalo sa temple open house, nagsimulang gumawa ng ilang pagbabago ang pamilya. “Mula nang makapunta kami sa templo, muling nagkaroon ng pananaw ang aming pamilya,” sabi ni Kevin. “Simula noon nagkaroon na kami ng family home evening, at isinasama kami ng mga magulang namin sa simbahan at nauupo sa tabi namin sa mga upuan sa harapan ng chapel.”

Noong Agosto 2011, dama nina Kevin at Jacqueline na mapalad sila at katabi nila ang kanilang mga magulang sa stake center nang panoorin nila ang brodkast ng paglalaan ng templo.

“Nang ibalitang magtatayo ng templo noong 2007, di-gaanong aktibo ang mga magulang ko, at akala ko hindi ako magkakaroon ng pagkakataong makasama sila sa paglalaan,” sabi ni Kevin. “Habang nakaupo sila sa tabi ko, talagang nadama ko na sinagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin. Ang makasama roon ang aking pamilya ay isa sa pinakamalaking mga pagpapala sa buhay ko.”

“Ang karanasang ito sa templo ay nagpalakas sa akin,” sabi ni Jacqueline. “Ang nagpalakas sa akin nang higit kaysa anupaman ay ang makita na binabago ng templo ang mga buhay, dahil tinulungan nito ang mga magulang ko na maging aktibong muli sa Simbahan. Ngayon ay mithiin naming magpabuklod sa templo. Alam ko na nais ng Ama sa Langit ang pinakamabuti para sa atin.”

Mga larawan © IRI