2012
Sana May Magmahal sa Kanya
Disyembre 2012


Sana May Magmahal sa Kanya

Brittney Pyne, Utah, USA

Noong tatlong taong gulang ang aking anak na lalaki at apat na taon ang aking anak na babae, bahagi na sila ng isang preschool group sa aming lugar. Noong taglamig na iyon ipinasiya naming mga namamahala sa grupo na gumawa ng isang proyekto sa Pasko kung saan bawat bata ay magbibigay ng isang laruan sa isang pamilyang nangangailangan.

Nagturo kami ng maraming aralin sa nagdaang mga linggo tungkol sa kung paano tayo sumasaya sa pagpapasalamat at pagbabahagi sa iba. Sinabi ko sa aking mga anak na isipin na nila kung aling mga laruan ang gusto nilang ibigay, dahil gusto kong maranasan nilang pumili ng ibibigay. Limitado ang pera ng aming pamilya, at gusto kong malaman kung alin sa iilang laruan nila ang handa nilang ipamigay.

Isang Sabado ng umaga sinabi ko sa mga bata na oras na para piliin ang ipamimigay nila. Tinulungan ko si Hunter na balutin ang laruang trak na napili niya at pagkatapos ay kinumusta ko si Mikelle. Naiyak ako sa tagpong nasaksihan ko mula sa pintuan ng kanyang kuwarto.

Hawak ni Mikelle ang paborito niyang manyikang si Mella, na suot ang pinakamaganda nitong damit, at kinakantahan ito. Pagkatapos ay nagtupi siya ng isang maliit na kumot sa ilalim ng isang bag na pangregalo. Nginitian niya ang manyika, niyakap at hinalikan ito, at magiliw itong inilagay sa bag. Nang makita niya ako, sabi niya, “Handang-handa na po si Mella, Inay. Sana may magmahal sa kanya.”

Batid ko kung gaano kamahal ng anak ko ang manyikang ito, nagulat ako na ipamimigay niya ito. Muntik ko nang sabihin kay Mikelle na hindi niya kailangang ipamigay ang paborito niyang manyika, pero pinigil ko ang sarili ko.

“Naiintindihan niya ang pagbibigay,” naisip ko. “Ibinigay niya ang pinakamaganda.”

Bigla kong natanto na may bahagi sa pagkatao ko na handang magbigay at magbahagi ngunit hindi ang magsakripisyo nang malaki. May hangganan ang pagkakawanggawa ko, at nalaman ko na kailangan kong magbago.

Naisip ko kung paano ipinagkaloob ng Ama sa Langit ang Kanyang kaisa-isang sakdal na Anak at tinulutan Siyang magdusa at mamatay para sa akin. Naisip ko ang isang mapagmahal na Ama sa Langit na hinahagkan ang Kanyang Pinakamamahal na Anak at isinusugo Siya sa lupa bilang isang sanggol, sa pag-asang mamahalin at susundin natin Siya.

Ang Tagapagligtas Mismo ay walang ipinagkait at ibinigay ang lahat ng mayroon Siya.

Inisip ko kung magbabago ang isip ni Mikelle bago sumapit ang Christmas program, kung kailan ipamimigay ang mga laruan, pero hindi iyon nangyari. Inisip ko kung pagsisisihan niya kalaunan ang kanyang pasiya at malulungkot siya, pero hindi ito nangyari.

Nang makita ko ang halimbawa ng aking anak na katulad ng kay Cristo, nagpasiya ako na marami man o kakaunti ang aking maibigay, masaya kong ibibigay palagi ang pinakamainam kapag nagkaroon ako ng pagkakataong magbahagi.