2012
Inaanyayahan ang mga Miyembro na Ibahagi ang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng mga Suskrisyon ng Magasin
Disyembre 2012


Inaanyayahan ang mga Miyembro na Ibahagi ang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng mga Suskrisyon ng Magasin

Bilang supervisor ng Materials Management ng Simbahan sa Thailand, regular na nakatatanggap si Kanogwan Wongwiraphab ng mga kahilingan mula sa mga miyembro para sa mga kagamitan at suplay ng Simbahan gaya ng mga sagradong kasuotan at mga lathalain ng LDS.

Ngunit nagulat siya isang araw nang bumisita sa kanyang opisina ang isang babae para magpanibago ng kanyang suskrisyon sa mga magasin ng Simbahan. Sa dakong iyon ng daigdig, karaniwang binabago ng mga miyembro ang kanilang mga suskisyon sa magazine representative ng kanilang unit. Gayunpaman, ipinaliwanag ng babae na wala siyang ward representative. Isa siyang Buddhist at nalaman niya ang tungkol sa mga magasin ng Simbahan nang regaluhan siya ng suskrisyon ng kanyang kaibigan na miyembro ng Simbahan.

“Sinimulan niyang sabihin sa akin ang magagandang bagay tungkol sa mga magasin ng Simbahan at kung gaano ito kahalaga sa kanyang mga anak,” pagsulat ni Sister Wongwiraphab. “Nang umuwi mula sa eskwelahan ang mga anak niya at nakita ang mga magasin, tuwang-tuwa sila, at binasa at tinapos ito kaagad.”

Pinuri ng babae ang “kahalagahan” ng mga magasin at ang pagtuturo nito sa kanyang mga anak ng magagandang aral at bokabularyo. Hangang-hanga siya kaya nagbayad siyang muli para sa sarili niyang suskrisyon at niregaluhan ng suskrisyon ang kanyang mga kasamahan sa trabaho para makinabang din ang kanilang mga anak.

“Madarama at makikita kahit ng hindi mga miyembro ang kahalagahan [ng mga magasin], at gusto [nila] itong ibahagi sa iba,” pagsulat ni Sister Wongwiraphab.

Patuloy na hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na basahin ang mga magasin ng Simbahan at ibahagi ang mga ito sa iba.

Binigyang-diin ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol ang napakalaking tulong ng mga magasin. “Ang magandang diwa sa mga magasing ito ay tutulong sa pagpuno ng inyong mga tahanan ng pagkagiliw, pagmamahal at lakas ng ebanghelyo,” sabi niya (“Ang Kahalagahan ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2003, 42).

Si Elder Craig A. Cardon ng Pitumpu ay naglilingkod bilang Assistant Executive Director sa Priesthood Department at Editor ng mga magasin ng Simbahan, at nakikita niya ang kahalagahan nito sa bawat tao.

“Ang mga magasin ng Simbahan ay mahalagang bahagi ng may-karapatang tinig ng Simbahan kung saan ang mga ipinahayag na payo ng Panginoon ay ipinararating sa lahat ng anak ng ating Ama sa lahat ng panahon sa mga bagay na makabuluhan ngayon,” sabi niya. “Bawat buwan, ang magaganda at nakaaantig na mga artikulo ay tumatalakay sa mga kalagayang karaniwan sa lahat ng tao sa buong mundo, miyembro man ng Simbahan o hindi. Lahat ng matatapat na naghahanap ng katotohanan ay natutulungan nang lubos sa magagandang turo at gabay na naroon.”

Kung ang bawat subscriber ng mga magasin ng Simbahan ay magreregalo ng suskrisyon ng Liahona sa isang kaibigan o kamag-anak na hindi miyembro, halos 1.7 milyong bagong subscriber ang magkakaroon ng magandang ugnayan sa Simbahan buwan-buwan.

Sa Online Store—store.lds.org—ng Simbahan mabilis at madaling makakapag-subscribe ang mga tao ng isa o mahigit pa sa mga magasin o makapagreregalo ng suskrisyon ng mga magasin sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan. Ang Friend, ang New Era, at ang Ensign ay makukuha lamang sa wikang Ingles, samantalang ang Liahona, na naglalaman ng mga artikulong sabay ding nakalimbag sa tatlong magasing Ingles, ay makukuha sa napakaraming wika.

Napatunayan ng isang bishop sa Arizona’s Peoria Stake na ang pagreregalo ng isang-taong suskrisyon ng Friend sa mga bata sa kanyang ward ay epektibong paraan para mapalibutan sila ng mga salita ng buhay na propeta at mga apostol.

Si Penélope B. Woodward ng Texas, USA ay nagregalo ng suskrisyon ng Liahona sa kanyang pinsan, gayundin sa kanyang kaibigan at guro sa ibang bansa.

“Sana makatulong ito para matutuhan ng [pinsan ko] ang kahalagahan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan,” ang isinulat niya. Idinagdag pa niya na ang regalong suskrisyon ay isang paraan ng “paghahanda ng daan sa [kaibigan ko] upang balang-araw ay pakinggan at tanggapin niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo.”

Para makaorder o makapagregalo ng suskrisyon, pumunta sa store.lds.org. Ang impormasyon para sa pag-order ng magasin ay nasa kaliwang bahagi ng pahina. Sa pag-order online tutulungan din kayo kung paano magpanibago ng suskrisyon, mag-subscribe, at magregalo ng suskrisyon.

Ang store.lds.org ay nasa mga wikang Chinese, English, French, German, Italian, Japanese, Korean, Portuguese, Russian, at Spanish. Ang mga hindi marunong magsalita ng mga wikang iyon o walang akses sa internet ay maaaring umorder o magregalo ng mga magasin sa pamamagitan ng pagkontak o pagbisita sa mga distribution center na matatagpuan sa maraming bansa.

Ang mga miyembro ay hinihikayat na ibahagi ang ebanghelyo sa mga kaibigan at pamilyang hindi miyembro sa lahat ng edad, relihiyon, at pinagmulan sa pamamagitan ng pagreregalo ng subscription ng mga magasin ng Simbahan.

Larawang kuha ni Rick Wallace