Sa mga Balita
Inorganisa ang Unang Stake sa Cape Verde
Araw ng Linggo, Abril 29, 2012, inorganisa ni Elder Erich W. Kopischke, na noon ay Europe Area President, ang unang stake sa Cape Verde (kilala rin bilang Cabo Verde) sa kabiserang lungsod ng Praia, na dinaluhan ng mahigit 1,000 miyembro ng Simbahan.
Ang tinawag at itinalagang mamuno sa bagong Praia Cape Verde Stake ay si Rosiveltt Teixeira, pangulo, kasama sina Adilson Monteiro bilang unang tagapayo at si José Pires bilang pangalawang tagapayo.
Paglalaang Muli ng London Chapel Naghatid ng Ebanghelyo sa Maraming tao
Ang makasaysayang Hyde Park Chapel ng Simbahan sa London, England, ay muling inayos at inilaang muli para magsilbing sambahan at visitors’ center bago magsimula ang 2012 Olympics, noong Hulyo 1, 2012.
Si Elder Erich W. Kopischke ng Pitumpu, na noon ay Pangulo ng Europe Area, ang muling naglaan sa gusali. “Umaasa ako na sa paglipas ng mga taon daan-daang libong tao ang magpupunta sa gusali para malaman ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo,” sabi niya.
Ipinagdiriwang ng New Caledonia ang Paglago ng Simbahan
Noong Mayo 27, 2012, inorganisa ni Elder James J. Hamula ng Pitumpu, Pacific Area President, ang unang stake sa New Caledonia habang nakamasid ang 800 miyembro ng Simbahan.
“Ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang buong New Caledonia ay pagpapalain habang ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo at tinatanggap ng mas maraming tao,” sabi ni Elder Hamula.
Ang bagong stake, ang Noumea New Caledonia Stake, ay kinabibilangan ng 2,000 miyembro at walong meetinghouse.
“Ang pinakamahalagang misyon natin ay ipangaral ang ebanghelyo at ang lahat ng alituntunin nito sa mga tao ng New Caledonia, na magdudulot ng kaligayahan sa kanila, sa kanilang mga pamilya, at sa kanilang mga pinagtatrabahuhan at komunidad,” sabi ni Georgie Guidi, na tinawag na maging unang pangulo ng stake. Sina Marc Mocellin at Thierry Gorodey ay tinawag na maging kanyang mga tagapayo.
Unang LDS Meetinghouse sa Ethiopia
Nakikita na ng mga miyembro sa Ethiopia ang mga pagpapalang dulot ng unang meetinghouse sa bansa. Matatagpuan sa highway na nasa pagitan ng mga lungsod ng Addis Ababa at Adama, ang gusali ay may tatlong palapag at paradahan sa ilalim nito.
Ngunit mas mahalaga pa sa mga teknikal na aspeto ng meetinghouse ang kung paano ito nagsisilbing sagisag ng pananampalataya sa mga miyembro ng branch, na nagdaraos ng mga pulong sa isang residensyal na gusali na di-kalayuan sa bagong gusali.
Sabi ng Branch president ng Debre Zeit Branch na si Efrem Aemero Mekonen, “Sa tuwing mapapadaan ako sa bagong gusali lagi kong naaalala ang ating mga tipan. Tulad nang itaas ni Kapitan Moroni ang bandila ng kalayaan, nakadama ako ng dagdag na lakas.”