2012
Popcorn, mga Pioneer, at Kapayapaan
Disyembre 2012


Popcorn, mga Pioneer, at Kapayapaan

Shirlee Hurst Shields, Utah, USA

Naglagay si Inay ng mga brick sa oven at pagkatapos ay ibinalot ang mga ito sa kumot para hindi lamigin ang aming mga paa habang naglalakbay kami sakay ng aming kotse na walang heater. Taong 1935 noon, at nilalakbay namin ang 60-milya (96 km) mula Salt Lake City hanggang Payson, Utah, para bisitahin ang mga lolo’t lola ko noong mga unang araw ng Disyembre. Marahang bumabagsak ang niyebe sa aming paligid at umikut-ikot na parang maliliit na buhawi sa daan sa aming harapan. Si Kuya Fred at ako ay nakasuot ng makakapal na jacket at makakating medyas na yari sa lana at mga balabal sa leeg. Tila walang katapusan ang paglalakbay para sa akin na pitong taong gulang.

Palagi namin itong ginagawa tuwing Disyembre. Hindi talaga nagsisimula ang Kapaskuhan hangga’t hindi kami naroon sa kusina nina Lola at Lolo Tanner at nagluluto ng mga popcorn. Sisindihan ni Lolo ang kalan, at pupunuin ni Lola ng popcorn ang isang basket na yari sa alambre at aalugin ito nang husto sa ibabaw ng apoy hanggang sa mapuno ito ng nagputukang puting mga butil ng mais. Pagkatapos ay bubuhusan ni Lola ng mainit na honey butter ang popcorn sa isang malaking kaldero at hahaluan ito ng mani. Kapag lumamig na ang hinalo, kakain na kami gamit ang kamay naming puno ng mantikilya at gagawa kami ng magaganda at pabilog na popcorn na ibibigay sa mga kapamilya at kaibigan.

Gayunman, ang Paskong ito ay maiiba. Karaniwan ay nakasakay kami ni Fred sa upuan sa likod, pero ngayong taon nakasiksik kami sa pagitan ng mga magulang ko sa upuan sa harap. Isang maliit na kabaong na hinihimlayan ng bangkay ng isang-taong-gulang na kapatid kong si Gerold ang naroon sa upuan sa likod. Tigdas na nauwi sa pulmonya ang kanyang ikinamatay. Bago iyon nagpunta kami sa punerarya para kunin ang maliit na kabaong na yari sa kahoy.

Habang naglalakbay nang dalawang oras, nanguna si Itay sa pagkanta ng mga Pamaskong awitin. Nagduweto sina Inay at Itay, at napanatag kami sa magandang musika habang nagdadalamhati kami sa pagkamatay ng bunso namin.

Pagdating namin sa bahay ni Lolo, tahimik na naghihintay ang karaniwang masayang grupo ng pamilya at mga kamag-anak. Inilabas ang kabaong mula sa upuan sa likod at dinala sa napakalinis na sala ni Lola. Nagsalita nang kaunti ang bishop ng mga lolo’t lola ko, at pagkatapos ay nagbalik na kami sa kotse para magpunta sa sementeryo, kung saan nag-iyakan kaming lahat habang inililibing sa malamig na lupa ang munting batang ito na mahal namin.

Sumapit nga ang Pasko. Nasindihan na ang kalan, napaputok na ang popcorn, at naipadala na ang mga bilog na popcorn sa sleigh ni Lolo na hatak-hatak ng mga kabayo. Malungkot ang araw na iyon pero mapayapa rin habang nakikinig ako sa pagbabasa ng matatapat na lolo’t lola ko ng kuwento ng pagsilang ni Cristo.

Ang mga lolo’t lola ko ay isinilang sa mga magulang na pioneer na naglibing ng maraming sanggol. Habang nagdadalamhati kami sa pagkamatay ng kapatid ko, bumaling kami sa pinagbalingan ng aming mga ninuno—sa Anak ng Diyos at sa Kanyang mga salita. Naalala ko ang kuwento ng Pasko noong taong iyon nang may kakaibang damdamin, sapagkat dahil sa sanggol na isinilang sa isang sabsaban ay mabubuhay muli at mapapasaamin ang sanggol na inilibing namin.

Maraming dekada pa ang lumipas simula noon, pero tuwing Pasko ay nagbubuhos pa rin ako ng honey butter sa popcorn, hinahaluan ko ito ng mani, binibilog ang hinalo, at nagbabalik-tanaw.