2012
Magkasamang Umunlad Bilang mga Deacon
Disyembre 2012


Magkasamang Umunlad Bilang mga Deacon

Bagama’t magkaiba ang kanilang hitsura, maraming bagay na magkatulad sa dalawang binatilyong ito.

dalawang deacon

Larawang kuha ni Mindy Raye Friedman

Si Tyler W. ay anim na talampakan (1.8 m) ang taas, pula ang buhok, at size 13 ang sukat ng kanyang sapatos. Si Gerrit V. ay apat na talampakan at walong pulgada (1.4 m) ang taas, brown ang buhok niya, at size 2 1/2 ang suot niyang sapatos. Ngunit kahit magkaiba ang kanilang pangangatawan, “kambal” ang tawag sa kanila ng kanilang mga pamilya dahil matalik silang magkaibigan at maraming magkatulad sa kanilang dalawa.

Sina Gerrit at Tyler ay kapwa 12 taong gulang at nasa iisang korum ng mga deacon. Kapwa sila nasisiyahan sa paglalaro ng sports, pag-uukol ng panahon sa kanilang mga pamilya, at pag-alam ng mga bagong bagay. Kapwa rin sila may patotoo sa ebanghelyo at sinisikap na igalang ang Aaronic Priesthood. “Kailangan naming gampanan ang aming mga tungkulin sa priesthood para matuto kami,” sabi ni Gerrit.

Kapwa sila nasisiyahan sa pagtupad sa mga tungkuling iyon sa pamamagitan ng pagpapasa ng sakramento at pagkolekta ng mga handog-ayuno.

Tumutulong din sila sa pagkaibigan sa iba pang mga deacon sa kanilang ward sa pamamagitan ng pag-imbita sa kanila na lumapit kay Cristo. “Kung may isang hindi dumalo, isa sa amin ang susulat ng maikling liham sa kanya tungkol sa lahat ng natutuhan namin sa simbahan. Pagkatapos ay ibibigay namin ito sa kanya na sinasabing, ‘Punta ka naman sa simbahan,’” sabi ni Gerrit.

Sina Gerrit at Tyler ay nakikibahagi rin sa Tungkulin sa Diyos. Nagplano silang lalo pang basahin ang mga banal na kasulatan. “Makatutulong talaga ito sa iyong paniniwala at nagpapalakas ng iyong patotoo,” sabi ni Tyler.

Ang mga binatilyong ito ay mga deacon din na tulad mo o ng mga kakilala mo. May mga bagay na magkaiba sa kanila at may mga bagay na magkatulad sa kanila. Ngunit ang pinakamahalaga, sila ay kapwa mga anak ng Diyos at nais nilang maglingkod sa Kanya, kaisa ng kanilang korum sa priesthood.