2012
Muling Pagtuklas sa Diwa ng Pasko
Disyembre 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Muling Pagtuklas sa Diwa ng Pasko

Pangulong Thomas S. Monson

Noong binatang elder pa ako, tinawag ako at ang iba pa sa isang ospital sa Salt Lake City para basbasan ang mga batang maysakit. Pagpasok namin, napansin namin ang isang Christmas tree na may maliliwanag at kaaya-ayang mga ilaw at nakita namin ang magagandang nakabalot na regalo sa ilalim ng malalapad na sanga nito. Pagkatapos ay ginaygay namin ang mga pasilyo kung saan ang mga batang lalaki at babae—na ang ilan ay nakasemento ang braso o binti, at ang iba naman ay may mga karamdamang marahil ay hindi madaling gamutin—ay nakangiting sumalubong sa amin.

Isang batang lalaking malubha ang sakit ang tumawag sa akin, “Ano po ang pangalan ‘nyo?”

Sinabi ko sa kanya ang pangalan ko, at itinanong niya, “Maaari po ba ninyo akong basbasan?”

Ibinigay ang basbas, at pagtalikod namin para umalis, sinabi niya, “Marami pong salamat.”

Ilang hakbang pa lang kaming nakalalayo ay narinig ko siyang tumawag, “Ah, Brother Monson, maligayang Pasko po sa inyo.” Pagkatapos isang magandang ngiti ang nasilayan sa kanyang mukha.

Nasa batang iyon ang diwa ng Pasko. Ang diwa ng Pasko ay isang bagay na sana ay mapasapuso at mapasabuhay nating lahat—hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa buong taon.

Kapag nasa atin ang diwa ng Pasko, naaalala natin Siya na ang pagsilang ay ating ginugunita sa panahong ito ng taon: “Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon” (Lucas 2:11).

Sa ating panahon malaki ang nagagawa ng pagreregalo sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Makabubuti kaya kung tatanungin natin ang ating sarili, Ano kayang mga regalo ang gusto ng Panginoon na ibigay ko sa Kanya o sa iba sa mahalagang panahong ito ng taon?

Hayaang imungkahi ko na nanaisin ng ating Ama sa Langit na ibigay natin sa Kanya at sa Kanyang Anak ang regalo ng pagsunod. Nadarama ko rin na hihilingin Niyang magparaya tayo at huwag tayong maging makasarili o sakim o palaaway, tulad ng mungkahi ng Kanyang mahal na Anak sa Aklat ni Mormon:

“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na … inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:29–30).

Sa kagila-gilalas na dispensasyong ito ng kaganapan ng panahon, tunay na walang hanggan ang mga oportunidad nating magmahal at maglingkod, ngunit lumilipas din ang mga ito. Ngayon may mga pusong pasasayahin, magagandang salitang sasabihin, mga gawaing gagawin, at mga kaluluwang ililigtas.

Isinulat ng isang taong malinaw na nakaunawa sa diwa ng Pasko:

Ako ang Diwa ng Pasko—

Ako ay pumapasok sa tahanang maralita, na nagpapasaya sa nahahapis na mga bata.

Ibinubuka ko ang nakatikom na palad ng sakim at inaantig ang kanyang kaluluwa.

Pinasisigla ko ang puso ng matatanda at sila ay pinatatawa tulad noong sila ay mga bata pa.

Pinananatili kong buhay ang pag-ibig sa puso ng kabataan, at pinahihimbing ang kanilang pagtulog sa masasayang panaginip.

Ako ang humihikayat sa tao na tumulong, na nagdudulot sa puso ng mga natulungan ng pagkamangha sa kabutihan ng mundo.

Napahihinto ko sandali ang alibugha sa kanyang walang-habas na paggastos at siya ay nahihikayat na magbigay ng munting alaala sa nababalisang mahal sa buhay na napapaluha sa kagalakan—mga luhang pumapawi sa kalungkutan.

Ako ay pumapasok sa madidilim na selda, at ipinapaalala sa nasaktang pagkatao ang maaaring mangyari at sinasabing asamin nila ang magagandang araw na darating.

Ako ay marahang pumapasok sa tahimik at puting tahanang puno ng paghihirap, at mga labing lubhang nanghihina na kumikibot lamang upang makapagpasalamat.

Sa napakaraming paraan, pinatitingala ko ang pagod na mundo sa mukha ng Diyos, at kalimutan sandali ang maliliit at walang halagang mga bagay.

Ako ang Diwa ng Pasko.1

Nawa’y muling matuklasan ng bawat isa ang diwa ng Pasko—na siyang Diwa ni Cristo.

Tala

  1. E. C. Baird, “Christmas Spirit,” sa James S. Hewitt, ed., Illustrations Unlimited (1988), 81.

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Kapag ibinahagi ninyo ang mensahe ni Pangulong Monson sa pamilya, isiping bigyang-diin ang tanong niya kung anong mga regalo ang gugustuhin ng Panginoon na ibigay natin sa Kanya o sa ibang tao sa panahong ito. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na itala ang kanilang mga kuru-kuro at ideya (o, para sa mga batang musmos, magpadrowing ng larawan) kung paano “muling matutuklasan ang diwa ng Pasko—na siyang Diwa ni Cristo.”

Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.