2012
Ang Perpektong Bisperas ng Pasko
Disyembre 2012


Mga Kabataan

Ang Perpektong Bisperas ng Pasko

Habang lumalaki ako, isa sa pinakamagagandang bahagi ng bawat taon ang Bisperas ng Pasko. Kami ng aking pamilya ay gumagawa ng pizza, nagka-caroling, at pagkatapos ay nagtitipon para sa isang Pamaskong debosyonal. Kumakanta kami ng mga himno sa di-perpektong apatang-tinig at malakas na tinutugtog ang mga awiting Pamasko sa kakatwa naming mga instrumento. Laging tinatapos ni Itay ang gabi sa pagbibigay ng isang kaisipan tungkol sa Pasko na nagpapaluha sa amin sa tuwa. Wala nang sasaya pa sa Bisperas ng Pasko.

Noong medyo malaki na ako, sinimulang alagaan ng nanay ko ang batang kapitbahay naming si Kelly. Pumupunta si Kelly sa bahay namin araw-araw pag-uwi mula sa paaralan habang nasa trabaho ang nanay niyang si Patty. Sinundan-sundan ako ni Kelly na parang tuta—maingay at maraming hinihingi. Malaking ginhawa kapag sinusundo na ni Patty ang kanyang anak at iniiwang payapa ang aming tahanan at pamilya.

Isang Disyembre, nabahala ako nang imbitahan ni Inay sina Patty at Kelly na pumunta sa amin sa Bisperas ng Pasko. Aking Bisperas ng Pasko. Ngumiti si Inay at tiniyak sa akin, “Walang mababago.” Pero alam kong mababago ang lahat. Kakainin nila ang lahat ng pizza namin. Pagtatawanan ni Kelly ang pagkanta namin. Inasahan ko nang ito ang magiging pinakapangit na Bisperas ng Pasko sa lahat.

Pagsapit ng gabi, pumunta sa amin sina Patty at Kelly, at nag-usap at nagtawanan at nagkantahan kami. Tama ang nanay ko. Perpekto ang gabing iyon. Pagsapit ng hatinggabi nagpasalamat sila sa amin at atubiling lumisan. Nahiga ako na puspos ng pagmamahal at pasasalamat. Natuklasan ko na ang tunay na mahahalagang regalo ng Pasko ay hindi nababawasan kapag ibinahagi sa iba. Sa halip mas gumaganda at dumarami pa ito kapag ipinamamahagi natin ang mga ito.