2012
Ang Regalo Ko kay Jesus
Disyembre 2012


Ang Regalo Ko kay Jesus

“Lahat ng anak ng Diyos, sumasamba, naghahandog ng pag-ibig sa Kanya” (“The Shepherd’s Carol,” Children’s Songbook, 40).

“Oras na para sa family home evening!” pagtawag ni Itay.

Nagmamadali akong nagpunta sa sala. Palagi kaming nagkakasayahan sa unang family home evening ng Disyembre.

Ang nakababata kong kapatid na si Michelle ay nakipag-unahan sa akin at umupo sa malambot na kulay asul na armchair.

“Ang daya!” sabi ko. “Diyan ka na umupo noong isang linggo. Ako naman ngayon.”

“Nauna ako rito, kaya ako ang uupo rito,” sagot niya. “Puwede ka namang umupo sa sopa.”

“Ayokong umupo sa sopa,” ang inis na sabi ko.

Nagpunta ako sa tumba-tumba at ipinihit ito para hindi ko makita si Michelle. Talagang ginagalit niya ako kung minsan! Iniisip niyang makukuha niya kahit ano ang gustuhin niya. Sa tuwing magrereklamo ako, sinasabihan ako ni Inay na huwag akong maramot.

Pagkatapos kumanta ng aming pamilya ng isang himno at nagdasal, sinabi ni Itay, “Ang Pasko ay kapana-panabik na panahon, at kailangan nating tandaan ang tunay na kahulugan nito. Ngayong gabi magsisimula tayo sa mga regalo natin kay Jesus.”

Mga regalo namin kay Jesus. Nakalimutan ko ang tungkol doon!

“Nagdiriwang tayo ng Pasko dahil isinilang si Jesus,” pagpapatuloy ni Itay. “Ginawa Niyang posible na matanggap natin ang pinakadakilang regalo—buhay na walang-hanggan sa piling ng Ama sa Langit.”

“At ano ang ipinagawa Niya sa atin bilang kapalit?” tanong ni Inay.

“Sumunod sa Kanya at sundin ang Kanyang mga utos,” sagot ng kapatid kong lalaki.

Binigyan ni Inay ang bawat isa sa amin ng kard at bolpen. Dapat naming isulat kung paano namin ipakikita kay Jesus na mahal namin Siya. Iyon ang regalo namin—ang pumili ng isang bagay na gagawin namin para maging higit na katulad ni Jesus.

Alam ko na agad kung ano ang dapat kong iregalo. Itinuro ni Jesus na mahalin ang iba, kahit sila ang dahilan ng ating pagkagalit. Alam kong gusto ni Jesus na mahalin ko ang kapatid ko. Isinulat ko ang, “Magiging mabait ako kay Michelle.”

Inilagay namin ang aming mga kard sa isang kahon na nakabalot nang kulay ginto. Inilagay namin ang kahon sa ilalim ng Christmas tree. Sa tuwing titingnan namin ang kahon, dapat naming alalahanin ang regalo sa amin ng Tagapagligtas at ang aming regalo sa Kanya.

Makalipas ang ilang araw, nakita kong kinuha ni Michelle ang paborito kong kamiseta nang hindi nagpapaalam. Gusto ko siyang sigawan. Pagkatapos ay tumingin ako sa ginintuang kahon at naalala kung gaano ko kamahal si Jesus. Maipapakita ko ang pagmamahal sa Kanya sa pagiging mabait sa aking kapatid. Sabi ko, “Ang ganda mo ngayon, Michelle.”

Ngumiti siya. “Sori, hindi na ako nagpaalam na isusuot ko ang kamiseta mo. Wala ka nang magbihis ako, at gusto kong maging maganda sa Christmas party ng klase ko ngayon.”

Maganda ang naging pakiramdam ko. Masaya ako na pinili kong maging mabait kay Michelle sa halip na magalit sa kanya.

Sa natitirang mga araw ng buwan, sinikap kong alalahanin ang mabuting pakiramdam na iyon at ang mithiin kong maging katulad ni Jesus. Lalo akong naging mapagpasensya at mapagmahal.

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, binasa ni Itay ang kuwento ng pagsilang ni Jesus, at isinadula namin ito. Nagpasiya akong gumanap bilang anghel sa halip na makipagtalo kay Michelle sa kung sino ang gaganap na Maria.

Pagkatapos ay binuksan namin ang ginintuang kahon at binasa nang malakas ang mga regalo namin kay Jesus. Nang basahin ko ang sa akin, sinabi ni Inay, “Napansin ko na lalo kang naging mabait kay Michelle. Ipinagmamalaki kita!”

Masaya rin ako. Wala pa akong nabuksan na mga regalo, pero may natanggap na akong isang bagay na espesyal: ang damdamin mula sa Espiritu Santo na nagsasabing tama ang ginawa ko.

Paglalarawan ni Laura Andros