Mensahe sa Visiting Teaching
Visiting Teaching, Isang Gawaing Nakapagliligtas
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
Ang visiting teaching ay nagbibigay ng pagkakataon sa kababaihan na pangalagaan, palakasin, at turuan ang isa’t isa—talagang ito ay gawaing nakapagliligtas. Sa visiting teaching, ang kababaihan ay naglilingkod alang-alang sa Tagapagligtas at inihahanda nito ang kababaihan sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan.
“Tayo ay ‘magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya [sa iba] na lumapit kay Cristo’ (D at T 20:59), gaya ng sinabi ng Panginoon sa kanyang mga paghahayag,” sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985). Sinabi pa niya, “Ang inyong patotoo ay napakagandang paraan para maiparating ang inyong mensahe.”1
Kapag pinag-ibayo natin bilang mga visiting teacher ang ating kaalaman sa mga katotohanan ng ebanghelyo, ang ating patotoo ay lumalakas at sumusuporta sa kababaihang naghahandang mabinyagan at makumpirma. Tinutulungan natin ang mga bagong miyembro na maging matatag sa ebanghelyo. Ang ating mga pagbisita at pagmamahal ay tumutulong na “maibalik ang mga naligaw ng landas [at] palakasin ang patotoo ng mga nanlamig sa ebanghelyo.”2 At hinihikayat natin ang kababaihan na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pagpasok sa templo.
“Kayo ay makapagliligtas ng mga kaluluwa,” sabi ni Pangulong Kimball sa mga visiting teacher, “at sino ang makapagsasabi na ang marami sa mga aktibong tao sa Simbahan ngayon ay aktibo dahil sa nagpunta kayo sa kanilang mga tahanan at binigyan ninyo sila ng bagong pag-unawa at pananaw sa buhay. Inihayag ninyo ang mga bagay na hindi nila naunawaan. Nilawakan pa ang naaabot ng kanilang tanaw. …
“Nakita na ninyo, hindi lamang ninyo inililigtas ang kababaihang ito, kundi marahil ay inililigtas din ninyo ang kanilang asawa at kanilang mga tahanan.”3
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Mula sa Ating Kasaysayan
Nang buuin ni Propetang Joseph Smith ang Relief Society, sinabi niya na ang mga kababaihan ay hindi lamang mangangalaga sa mga dukha kundi magliligtas din ng mga kaluluwa. Itinuro din niya na ang kababaihan sa Simbahan ay may mahalagang ginagampanan sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.4 Ginagabayan ng mga alituntuning itinuro ni Propetang Joseph Smith, tayong kababaihan sa Relief Society ay maaaring magtulungan para maihanda ang kababaihan at kanilang pamilya para sa pinakamalalaking pagpapala ng Diyos.
“Magdamayan tayo sa bawat isa,” sabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “at buong pagmamahal na arugain ng [yaong] malalakas ang mahihina hanggang sa lumakas, at gabayan ng mga nakauunawa ang mga mangmang hanggang sa makita nila mismo ang tamang landas.”5