2012
Ang Tradisyon ng Ilaw at Patotoo
Disyembre 2012


Ang Tradisyon ng Ilaw at Patotoo

Mula sa mensahe sa debosyonal na ibinigay noong Enero 24, 2012, sa Brigham Young University–Idaho. Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Elder L. Tom Perry

Tiyakin na lumilikha kayo ng magandang kapaligiran kung saan maaaring asamin ng inyong pamilya ang espesyal na mga okasyon ng taon na pinagsasama-sama kayo ng mga tradisyon bilang isang malaking walang-hanggang pamilya.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay na isang pandaigdigang Simbahan. Magkagayunman, mahalagang malaman na hinding-hindi magkakaganito ang Simbahan kung hindi nagkaroon ng isang dakilang bansa, ang Estados Unidos ng Amerika. Naghanda ang Panginoon ng bagong lupain upang maakit ang mga tao sa mundo na naghahanap ng kalayaan bilang mamamayan at kalayaan sa relihiyon. Ang bagong lupaing ito ay pinagpalang magkaroon ng malalakas na pinuno na nakadama na responsibilidad nilang magtatag ng isang pamahalaan na nagtutulot sa mga tao na sumamba ayon sa dikta ng kanilang sariling konsiyensya.

Naniwala ang mga Tagapagtatag ng Estados Unidos na ang pananampalataya sa Diyos ay mahalaga sa pagkakaroon ng matatag na pamahalaan. Gayunman, nalimutan ng maraming tao sa mundo ang tunay na kahalagahan ng mga paniniwala ukol sa relihiyon sa paggawa ng mga patakaran, batas, at reglamento ng pamahalaan. Halimbawa, hindi nauunawaan ng maraming Amerikano na ang mga tagapagtatag ng bansa ay naniwalang mahalaga ang gagampanan ng relihiyon sa ating panahon tulad din noong kanilang kapanahunan. Hindi itinuring ng mga tagapagtatag ng bansa ang relihiyon at moralidad bilang mga bagay na kailangan pang pag-isipan at unawain nang husto—iginiit nilang ito ay mahalagang sangkap sa mabuting pamamahala at kaligayahan ng sangkatauhan.

Ang bagay na ito ay ipinaliwanag ng unang pangulo ng Estados Unidos na si George Washington sa kanyang Mensahe ng Pamamaalam. Sabi niya:

“Sa lahat ng disposisyon at gawing humantong sa kaunlarang pulitikal, hindi maaaring wala ang suporta ng relihiyon at moralidad. … Huwag tayong maniwala na mapananatili ang moralidad nang walang relihiyon. … Batay sa nalaman at naranasan natin hindi makapananaig ang moralidad sa bansa kung wala ang relihiyon.

“Talagang totoo na ang kabutihan o moralidad ay mahalagang simulain ng matatag na pamahalaan.”1

Ang Estados Unidos ang lupang pangako na binanggit sa Aklat ni Mormon—isang lugar kung saan pinatnubayan ng langit ang inspiradong mga lalaki na lumikha ng mga kalagayang kailangan para sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagkakatatag ng Estados Unidos ng Amerika ang tumapos sa Malawakang Apostasiya, nang ang daigdig ay nabuhay noon sa karimlan dahil walang mga propeta at paghahayag. Hindi nagkataon lamang na nangyari ang magandang umaga ng Unang Pangitain mga ilang dekada lamang matapos itatag ang Estados Unidos.

Ang Unang Pangitain ang nagpasimula sa pagdagsa ng inihayag na katotohanan. Ipinanumbalik ang kaalaman tungkol sa katangian ng Panguluhang Diyos. Isang bagong salin na banal na kasulatan ang naging ikalawang saksi at tipan ni Jesucristo. Ang panunumbalik ng priesthood ay pagkakaloob muli ng kapangyarihan at awtoridad sa sangkatauhan na kumilos para sa at alang-alang sa Diyos sa pangangasiwa ng mga ordenansa ng priesthood at muling pagtatatag ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Mapalad tayong maging mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan.

Isang Plano para sa Espirituwal na Seguridad

Isa sa mga pagpapala ng ipinanumbalik na Simbahan ay ang mga buhay na propeta. Napakalinaw na naunawaan ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973) ang tungkol sa mga priyoridad. Itinuro niya, “Karamihan sa ginagawa natin bilang isang samahan [sa Simbahan] … ay balangkas na susuporta, sa hangarin nating [patatagin] ang indibiduwal, at hindi natin dapat ipagkamali ang balangkas bilang kahalili ng kaluluwa.”2

Hindi binabalewala ni Pangulong Lee ang papel ng Simbahan sa kaligtasan ng kalalakihan, kababaihan, at mga pamilya. Bagkus, mahusay niyang itinuro na ang sentro ng ebanghelyo ni Jesucristo ay ang mga tao, pamilya, at tahanan, na sinusuportahan ng Simbahan.3 Samakatwid, ang Simbahan ang suporta sa pagtatatag natin ng mga walang-hanggang pamilya.

Kabilang ako sa angkan ng pamilya Wing. Pag-aari pa rin ng mga miyembro ng pamilya Wing ang pinakalumang bahay na itinayo sa New England. Ito ay tinatawag na Old Fort House. Bahay iyon ni Stephen Wing at ng kanyang pamilya pagkarating nila sa Amerika bandang 1635.

Ang sentro ng bahay ay itinayo para magbigay proteksiyon. Ang mga dingding niyon ay dalawang talampakan (0.6 m) ang kapal, yari sa mga pinutol na troso ng oak na ibinaon sa lupa para magtayo ng karaniwang garison sa New England. Ito ay may dalawang magkahiwalay na dingding. Ang espasyo sa pagitan ay puno ng sandstone para hindi tagusan ng mga pana at bala. Ang kuta ang sentro ng bahay. Nang lumaki ang pamilya Wing, nagdagdag ito sa mga gilid ng orihinal na bahay. Ngunit nanatiling proteksyon nila ang kuta, ang kanilang ligtas na kanlungan.

Marahil dapat isipin ng bawat isa sa atin na magtayo ng mga istruktura para sa ating espirituwal na seguridad na ligtas sa mga impluwensya ng mundo—mga lugar kung saan mapoprotektahan at matuturuan natin ang mga miyembro ng pamilya kung paano tumugon sa mga hamon ng mundong palaging nagbabanta sa mga pinahahalagahan ng ebanghelyo. Mas gusto kong maging optimistiko, kaya umaasa pa rin ako na magkakaroon ng magandang pagbabago sa mundo. Pero mulat din ako sa katotohanan, kaya gumawa ako ng alternatibong plano sakali mang walang mangyaring magagandang pagbabago. Ang alternatibong plano ko para sa espirituwal na seguridad ay dapat nagpapaliwanag sa lahat—kapwa mabuti at masama—na isinusulong sa pamamagitan ng iba’t ibang media. Saan ako maghahanap para matuto akong gumawa ng alternatibong plano para sa espirituwal na seguridad ng aking pamilya? Umaasa ako sa Simbahan—ang suporta para maitatag ko ang isang walang-hanggang pamilya.

May dalawang pangunahing dahilan kaya pinasasalamatan ko ang paghahambing ni Pangulong Lee sa Simbahan bilang suporta sa ating walang-hanggang pamilya. Una, tinutulungan ako nitong maunawaan kung ano ang Simbahan. Pangalawa, at mahalaga rin naman, nauunawaan ko na kung ano ang hindi tungkulin ng Simbahan.

Marahil pinakamainam na mailalarawan ang Simbahan bilang suporta sa pahayag ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng Simbahan. Sabi niya, “Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”4 Ang mga walang-hanggang alituntunin ang suportang laan ng Simbahan. Ang mga walang-hanggang alituntuning ito ay matatagpuan sa mga doktrina ng kaharian ng Diyos at makikita sa Kanyang walang-hanggang plano ng kaligayahan. Nagpupulong tayo bilang mga miyembro ng Simbahan para ituro at matutuhan mula sa isa’t isa ang mga alituntunin ng kabutihan at matanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa upang maging matatag at matibay ang suporta natin sa pagbuo ng ating walang-hanggang pamilya.

Pansinin na hindi tungkulin ng Simbahan na gawin ang responsibilidad ng mga magulang; sa halip, ginagabayan nito ang gawain ng mga magulang. Ang Simbahan ay nagbibigay ng walang-hanggang huwaran. Bilang mga tagabuo ng walang-hanggang pamilya, tinitiyak sa atin ng mga pangako na kung magtatatag tayo ayon sa walang-hanggang huwarang ito, ang ating pagsisikap ay makapaglalaan ng kaligtasan at proteksyong hinahanap natin para sa mga mahal natin sa buhay.

Ang hamon sa atin ay gamitin ang Simbahan bilang suporta para magkaroon ng pamilyang kasing-tatag o mas matatag ang espirituwalidad kaysa pisikal na katatagan ng Old Fort House. Paano natin ito gagawin?

Ang Kahalagahan ng mga Tradisyon

Naniniwala ako na ang mga tradisyon ng pamilya ay parang mga pinutol na troso ng oak na ibinaon sa lupa para itayo ang Old Fort House. Gawing priyoridad ang paggalang sa mga tradisyon ng pamilya—mga tradisyon sa pista-opisyal, kaarawan, araw ng Linggo, hapunan—at ang pagkakaroon ng mga bagong tradisyon habang kayo ay nabubuhay. Igalang, isulat, at tiyaking nasusunod ninyo ang mga ito. Makikita sa mga pag-aaral na kaya sumasama sa mga barkada ang mga kabataan ay dahil sa tradisyon at ritwal na makabilang sa isang grupo na higit na makatutugon sa kanilang pangangailangan. Ganyan dapat ang pamilya. Tiyakin na lumilikha kayo ng magandang kapaligiran kung saan maaaring asamin ng inyong pamilya ang espesyal na mga okasyon ng taon na nagkakasama-sama kayo dahil sa mga tradisyon bilang isang malaking walang-hanggang pamilya.

Unawain na hindi ito simple ni madaling gawin. Tulad ng hindi itinatag ang Roma sa loob ng isang araw, gayon din naman ang mga tradisyon ng pamilya. Ang mga tradisyon ng pamilya ay makapagbibigay ng mahalaga at matibay na suporta, ngunit maraming dapat itatag sa paligid nito. Marahil ay epektibo lamang ang mga tradisyon ng pamilya kapag binigyan nila ng papel na gagampanan ang bawat miyembro ng pamilya at nagkakaisa sila sa pagsisikap na patatagin ang mga ito. Ibig sabihin, kailangang magkasama-sama at matutong magtulungan ang mga miyembro ng pamilya. Pagdating sa mga pamilya, hindi magiging makabuluhan ang pagsasama-sama ng pamilya kung hindi ito pinag-ukulan ng panahon.

Halimbawa, kapag balak ninyong magtrabaho, pag-isipang mabuti kung gaano karaming oras kayo kailangang magtrabaho bawat araw. Kakailanganin ba ninyong magtrabaho nang 14 na oras sa isang araw at hindi kayo makauuwi nang gising pa ang inyong mga anak? Hindi ko sinasabi na hindi ninyo dapat piliin ang gayong klaseng trabaho, pero kung pipiliin ninyo ito, kailangan ninyong humanap ng mga paraan para makaugnayan pa rin ang inyong pamilya. Ipaaalala sa inyo ng Simbahan ang inyong mga walang-hanggang priyoridad.

Pinili kong magtrabaho sa retail business. Bukas ang mga tindahan namin nang anim na araw sa isang linggo mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi. Ang normal na araw ng trabaho ko ay hindi kukulangin sa 10 oras, kung minsan ay 12 hanggang 15 oras. Kinailangan kong maging maingat na mag-ukol ng oras sa mga anak ko, at naniniwala ako na dahil itinuring kong suporta ang Simbahan, patuloy kong naalala ang aking mga walang-hanggang priyoridad.

Halimbawa, binigyan ko ng part-time job ang lahat ng anak ko sa mga tindahan namin. Dati-rati ay pumaparoon ang panganay kong babae at ina-update ang mga benta para laging nasa oras ang reporting ko at mapaghambing ko ang mga benta taun-taon. Pinagawa ko sa anak kong lalaki ang accounts payable tuwing summer. Itinuro ko sa bunso kong babae kung paano gumamit ng cash register para maging part-time cashier siya. Nagbigay ito sa amin ng oportunidad na magkita-kita sa maghapon, sama-samang mananghali nang ilang araw sa isang linggo, at gumugol ng mahalagang oras na magkakasama. Ang pinakamasayang oras ng pagsasama-sama ay sa pagbiyahe papasok sa trabaho at pauwi.

Suporta para sa Ating Propesyonal na Buhay

Naniniwala rin ako na makabibigay ng suporta ang Simbahan sa ating buhay bilang propesyonal. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kinakatawan natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Simbahan. Para sa atin, hindi sapat ang maging kasimbuti ng isang taong iba ang relihiyon. Itinuro ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951) ang aral na ito nang sabihin niyang:

“Noong nakaraang taon, nagkaroon ako ng pribilehiyong makilala at makausap tungkol sa ebanghelyo ang ilang kalalakihang nakatira sa komunidad na ito [Salt Lake City], na hindi mga miyembro ng ating Simbahan. Ang isang lalaki ay dalawampung taon nang nakatira dito, isang lalaking walang kapintasan ang buhay, isang mabuting mamamayan, isang kahanga-hangang negosyante, isang taong mabait sa ating mga miyembro. Sinabi niya sa akin na … napag-isip-isip niya na kasimbait lang tayo ng iba pang mga tao na miyembro ng ibang simbahan; wala siyang makitang anumang kakaiba sa atin.

“Nais kong sabihin sa inyo, mga kapatid ko, na para sa akin iyan ay hindi papuri. Kung hindi ako nagawang mas mabuting tao ng ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin hindi ako umunlad na tulad ng nararapat, at kung ang ating kapwa na hindi kabilang sa Simbahang ito ay makakahalubilo natin taun-taon at walang makikitang katibayan ng kabutihang dulot ng pagsunod sa mga utos ng Diyos sa ating buhay, ibig sabihin kailangan ng pagbabago sa Israel.”5

Ang isang miyembro ng Simbahan na karapat-dapat sa temple recommend ay dapat mamukod-tangi palagi sa anumang grupo ng mga propesyonal na kinabibilangan niya. Magkaroon ng lakas-ng-loob na maging kakaiba. Huwag mag-alala na masasaktan ang iba dahil ipinamumuhay ninyo ang mga pamantayan ng Simbahan. Ipinapangako ko sa inyo na ang pagsunod sa mga pamantayan ng temple recommend ay magpapala sa inyo at hindi makasasakit sa inyo sa anumang sitwasyon.

Ipakita ang Liwanag ng Tagapagligtas

Kapag nababasa at napapanood ko ang mga balita bawat araw, nabibigla ako sa mga problemang idinudulot natin sa ating sarili. Habang nagbabago at nagiging mas kumplikado ang mga sitwasyon, tila lalong nagiging kaunti ang mga taong bumabalikat ng mga responsibilidad na mamuno sa positibong pagbabago. Hinahamon ko kayong mga lider at magiging lider na matanto na ang mundo ay mabilis na nagbabago. Kailangang-kailangan ang mga lider na may kakayahan at tapang na harapin ang malalaking hamon sa atin ngayon.

Ang pundasyon ng moralidad na batay sa mga tradisyong itinuro ng mga Judio at Kristiyano ay tila nanghihina na sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa. Ang tradisyong ito ay batay sa katarungan, habag, at paggalang sa dangal ng tao. Hindi ito batay sa mga batas at reglamento kundi sa Liwanag ni Cristo sa bawat mabuti at disenteng mamamayan.

Ang bilang ng mga taong tumatanggap sa mga paniniwala at pagpapahalagang ito ay nababawasan, ngunit kayo at ako ay nananatiling tapat. Nakipagtipan tayo sa Tagapagligtas na magiging kinatawan Niya tayo. Sa pagkatawan kay Jesucristo at pagpapakita ng Ilaw ni Cristo sa ating buhay, matutulungan natin ang marami sa ating mga kapatid na maalala ang kanilang mga tradisyon at pamana ng mga Judio at Kristiyano.

Kailangang maging matapang tayo sa pagpapahayag at pagpapatotoo ukol sa kabanalan ni Jesucristo. Nais nating malaman ng iba na naniniwala tayo na Siya ang pinakamahalaga sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang Kanyang buhay at mga turo ang sentro ng Biblia at ng iba pang mga aklat na itinuturing nating mga banal na kasulatan. Inilarawan sa Lumang Tipan ang mga nangyari bago ang mortal na ministeryo ni Cristo. Inilarawan naman sa Bagong Tipan ang Kanyang mortal na ministeryo. Ang Aklat ni Mormon ang nagbigay sa atin ng ikalawang saksi sa Kanyang mortal na ministeryo. Naparito Siya sa lupa upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo bilang pundasyon para sa buong sangkatauhan upang lahat ng anak ng Diyos ay makilala Siya at malaman ang Kanyang mga turo. Pagkatapos ay ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Tanging sa pamamagitan ni Jesucristo maliligtas ang tao. Kaya nga naniniwala tayo na Siya ang pinakamahalaga sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ang ating walang-hanggang tadhana ay lagi nang nasa Kanyang mga kamay. Napakasayang maniwala sa Kanya at tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas, ating Panginoon, at ating Guro.

Tandaan ang lahat ng nagawa, ginagawa, at magagawa ng Simbahan para sa inyo at sa inyong pamilya. At tandaan na hindi lamang ito basta ibang simbahan; ito ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Mga Tala

  1. Washington’s Farewell Address, ed. ni Thomas Arkle Clark (1908), 14.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee (2001), 175.

  3. Tingnan sa Mga Turo: Harold B. Lee, 175.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 329.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), 8–9.

Paglalarawan ni John Luke © IRI

Paglalarawan ni Dan Burr

Ang Panginoong Jesucristo, ni Del Parson, © 1983 IRI; paglalarawan © IRI