Ang Ilaw ng Sanglibutan
“Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22).
Nakatayo si Erin sa Temple Square sa Salt Lake City na nakatingin sa kasinglaki ng tao na mga estatwa ng belen at naghihintay sa pagsisimula ng musika at kuwento. Kumislap-kislap ang mga Christmas light sa kanyang paligid. Pero parang hindi dama ang Kapaskuhan.
“Okey ka lang ba?” tanong sa kanya ni Inay.
Tumango si Erin, pero hindi siya sigurado.
Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, isang batang lalaking kaklase ni Erin ang namatay sa isang aksidente. Nakita niya ang maraming tao na nag-iiyakan sa libing, at umiyak din siya nang umiyak. Hindi niya gaanong kilala ang bata, pero alam ni Erin na mahal na mahal ang bata ng kanyang pamilya tulad ng pagmamahal sa kanya ng kanyang pamilya. Natakot siya na malaman na maaaring mangyari ang gayon sa isang kaedad niya.
Ngayon ay hindi na siya nasasabik sa pagsapit ng Pasko. Palagi siyang nag-aalala—takot na sumakay sa kotse, takot na mapawalay sa kanyang mga magulang, takot na umalis ng bahay dahil baka may masamang mangyari sa kanya habang nasa labas. Hindi kayang burahin ng lahat ng mga Christmas light sa Temple Square ang nadarama niyang pag-aalala. Paano siya magiging maligaya sa isang mundo na kung saan ay hindi siya palaging ligtas?
“Magsisimula na,” sabi ni Itay. Itinuro niya ang belen.
Tumunog na ang mga loudspeaker, at nagsimula nang marinig ang isang tinig. Tumugtog na ang musika, at nakatuon ang mga spotlight sa estatwa ng mga pastol, ng mga Pantas na Lalake, ni Maria, at Jose. Pinakinggan ni Erin ang pamilyar na kuwento. Ang sanggol na si Jesus ay isinilang at inihiga sa isang sabsaban. Nagkantahan ang mga anghel. Sumamba ang mga pastol. Nagalak ang mga Pantas na Lalake.
Tiningnan ni Erin ang mukha ng kanyang mga magulang at ang mga taong nakatipon sa paligid ng belen. Parang masaya silang lahat. Pero bakit napakasaya ng lahat tungkol sa sanggol na si Jesus kung ang Kanyang pagsilang ay hindi nakapagpatigil sa masasamang bagay na nangyayari? Hindi gusto ni Erin ang tanong na paulit-ulit na pumapasok sa kanyang isipan. Ang gusto lamang niya ay mawala na ang kanyang takot.
Natapos ang kuwento, at narinig sa loudspeaker ang nakarekord na tinig ng propeta. Ibinigay niya ang kanyang patotoo at binasa ang isang talata mula sa Biblia: “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (I Mga Taga Corinto 15:22).
Bumilis ang tibok ng puso ni Erin. Inulit niya ang mga salita sa kanyang isipan, sinisikap na alalahanin ang mga ito. Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.
Sinasabi sa banal na kasulatan na lahat ay mamamatay—mga kabataan, matatanda—lahat. Siyempre, alam iyon ni Erin, pero hindi niya ito masyadong naisip noon. Inisip niya na napakabata pa niya para isipin ang gayong mga bagay. Pero hindi siya napakabata para hindi magkaroon ng patotoo ng katotohanan: dahil kay Jesucristo, lahat ay mabubuhay na muli. Iyon ang dahilan kung bakit nagalak ang mga pastol at ang mga Pantas na Lalake. Naunawaan nila ang dahilan ng pagparito ni Jesus.
Mula sa munting sabsaban ay tumingin si Erin sa isang bintana sa visitors’ center sa likuran ng belen. Sa loob ng gusali isang liwanag ang nakatuon sa malaking estatwa ni Jesus na nakaunat ang mga Kamay Niyang may marka ng pako. Naisip ni Erin ang munting sanggol sa sabsaban at kung paano Siya lumaki at nagkaroon ng lahat ng kapangyarihan. Gayon pa man pinili Niyang isakripisyo ang Kanyang buhay para sa kanya. Ipinanganak Siya upang muli siyang mabuhay. Kahit ano pa ang mangyari, dama ni Erin na ligtas siya sa pag-ibig ni Jesus.
Napuno siya ng kapayapaan. Hindi niya maipaliwanag kung paano, pero naglaho ang kanyang pag-aalala. Nang tingnan niya ang estatwa ni Jesucristo, na mas maningning kaysa kumikislap na mga Christmas light, halos hindi niya napansin ang madilim na kalangitan ng gabi. Damang-dama niya ang kapanatagang dulot ng pag-asa sa kanyang kalooban.