2012
Paano Natin Pakakainin ang Napakarami?
Disyembre 2012


Paano Natin Pakakainin ang Napakarami?

Marta Fernández-Rebollos, Spain

Bilang Relief Society president, nalula ako sa mga pangangailangan at hamong dinaranas ng ilang pamilya sa aming maliit na branch. Mahirap ang kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya, at nawalan ng trabaho ang ilang miyembro.

Sa labas ng Simbahan, panghihina ng loob, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa ang makikita sa mga mata ng marami na nahihirapang tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Maging sa mga bata at kabataan ay kitang-kita ang kawalang-katiyakan at pagkaligalig.

Nadama ng mga lider ng branch na kailangang ipadama sa mga higit na nangangailangan ang kaunting pag-asa at pagmamahal—isang bagay na magpapadama sa mga tao sa aming komunidad na alam ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ang kanilang mga pagsubok at pinagmamalasakitan sila.

Habang papalapit ang Pasko, iminungkahi naming imbitahan sa hapunan ang pinakamaralitang mga bata sa aming komunidad. Magdaraos ng fund-raising ang mga miyembro ng branch, bibili ng pagkain mula sa isang fast-food chain, at ihahanda ang aming meetinghouse para sa aming mga panauhin. Lahat ay nakilahok, pati na ang mga bata sa Primary, kabataang babae, at kabataang lalaki.

Nakipag-ayos kami sa fast-food chain para sa pagkain, at kumontak kami ng mga social worker para hanapin ang mga pamilyang talagang malaki ang pangangailangan. Binigyan kami ng mga worker ng listahan ng mga 100 bata, na higit pa sa inasahan namin. Hindi kami pinanghinaan ng loob, ngunit tila imposibleng makalikom ng sapat na perang pambili ng pagkain para sa gayon karaming mga bata.

Nang dumating ang araw ng aming hapunan, kinuha ng branch president, na kasama ang ilang deacon, ang pondong nalikom namin at tumuloy sa restoran, na nag-iisip kung paano namin pakakainin ang napakaraming bata sa limitado naming pondo. Nagdasal sila habang daan, na iniisip na siguro ay iimbitahan na lang namin ang mga batang paslit, hahatiin namin ang mga pagkain, o kakanselahin na lang ang aktibidad.

Pagdating nila sa restoran, inilagay ng branch president ang pera sa counter. Doon nasagot ang kanilang mga dalangin.

Tiningnan sila ng manager ng restoran at nakangiting sinabi na matutuwang mag-ambag ng maraming pagkain ang restoran gaano man karami ang kailangan—nang libre! Hindi ko maipahayag ang kagalakang nadama naming lahat nang malaman namin ang kabaitang ito, na nagtulot sa amin na makapagbigay ng kasiyahan—at maraming pagkain—sa malaking grupo ng mga batang nangangailangan.

Salamat sa kagandahang-loob ng restoran, nagamit namin ang perang nalikom namin na pambili ng pagkain at gumawa ng mga food basket para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

Sa karanasang ito nalaman namin na walang pagsisikap na nawawalan ng saysay kapag ginamit natin ang ating mga talento at mabubuting hangarin sa paglilingkod sa ating kapwa-tao. Lumakas ang aming patotoo na naglalaan ng kalutasan ang Panginoon matapos nating gawin ang lahat.