Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.
“Ang Tradisyon ng Ilaw at Patotoo,” pahina 10: Ibuod ang artikulo at isiping anyayahan ang inyong pamilya na gumawa ng visual aid para ipakita ang gamit ng scaffolding o balangkas na suporta. Talakayin kung paano binibigyan ng Simbahan ang inyong pamilya ng “balangkas na suporta” para mithiin ninyo ang mas mataas at mapatatag ang inyong pamilya at ang iba pang aspeto ng inyong buhay.
“Mga Propeta sa Kapaskuhan,” pahina 20: Matapos basahin ang ilang kuwento tungkol sa buhay ng mga propeta, isiping ibahagi ang ilang karanasan ninyo kung saan naantig ang buhay ninyo o ang buhay ng iba dahil sa natatanging karanasan noong nakaraang Pasko. Maaari ninyong talakayin ang mga paraan para masundan ninyo ang halimbawa ng ating mga propeta sa kapaskuhang ito.
“Ang Kaligtasan at Kapayapaan ng Pagsunod sa mga Kautusan,” pahina 32: Ang mga may maliliit na anak ay maaaring magdrowing ng mga larawan ng mga taong gumagawa ng mabubuting bagay sa landas na patungo sa templo. Maaaring magpasiya ang ibang pamilya na basahin ang buong artikulo at talakayin ito, na binibigyang-diin na “ang landas tungo sa kaligayahan ay nagsisimula sa … pagsunod sa mga kautusan.”
“Paano Magbibigay ng mga Regalo kay Cristo,” pahina 48: Basahin ang artikulong mula kay Pangulong Henry B. Eyring nang sabay-sabay. Maaari ding isulat ng inyong mga anak ang gusto nilang ibigay sa Tagapagligtas ngayong Pasko at ibalot ang kanilang mga pangako bilang regalo sa Pasko. Isiping pag-usapan ang mga taong kilala nila na maaaring bigyan ng pisikal o espirituwal na tulong o kaya’y kapwa ibigay ito.
“Sinagot ang Isang Panalangin sa Araw ng Pasko,” pahina 68: Basahin ang kuwento tungkol kay Peggy Schonken sa inyong pamilya. Maaari ninyong ibahagi ang mga pagkakataong nakatanggap kayo ng mga sagot sa inyong panalangin at hikayatin ang inyong mga anak na gawin din ang gayon. Isiping alamin o subaybayan ang lahat ng sagot sa mga panalangin na natatanggap ng inyong pamilya sa Kapaskuhan.
Patotoong Walang mga Salita
Ang anak kong si Derek ay may global apraxia, at ibig sabihin nito ay hirap siyang magsalita. Gustung-gusto ni Derek ang family home evening at gumugugol ng ilang buwan sa paghahanda ng mga ituturo niya sa pamilya.
Isa sa kanyang di-malilimutang lesson ay ang “Panaginip ni Lehi.” Nagtali siya ng lubid sa buong bahay at sa labas din nito. Sinimulan namin ang lesson sa pakikinig sa CD ng himnong “Ako’y Naniniwala kay Cristo” at pagtingin sa larawan ng panaginip ni Lehi na nakapatong sa mesa. Pagkatapos ay isa-isa niya kaming pinahawak sa lubid at pinalakad.
Habang lumalakad kami, may mga larawan ni Cristo sa isang panig at sa isang panig naman ay may mga bagay na nakaaagaw ng pansin (tulad ng radyo, TV, at mga laro). Alam naming narating na namin ang dulo nang makarinig kami ng musika—ang paboritong himno ni Derek na, “Buhay ang Aking Manunubos.”
Nang makatapos na ang lahat, binuksan ni Derek ang DVD na The Testaments at ipinapanood niya sa amin ito hanggang matapos, kung saan nagpakita si Jesucristo sa mga tao sa lupain ng Amerika. Nadama namin nang lubos ang Espiritu habang ipinapahayag ng aking anak ang kanyang patotoo sa Tagapagligtas nang walang anumang salita.
Wendy Thompson, USA