Makukuha sa mga Language Page ang mga Materyal ng Simbahan sa Mahigit 100 Wika
Para sa mga miyembro sa iba’t ibang panig ng daigdig na hindi nagsasalita ng isa sa 10 wikang ginagamit ng marami—Chinese, English, French, German, Italian, Japanese, Korean, Portuguese, Russian, at Spanish—maaaring maging mahirap para sa kanila ang paghahanap ng mga materyal ng Simbahan sa kanilang katutubong wika. Ngunit para sa mga nakaaalam ng mga language page ng LDS.org, ang pag-akses sa mga pangunahing materyal ng Simbahan ay ilang pag-klik lamang.
Sa kanang itaas o kaliwang ibaba ng LDS.org homepage, mag-klik sa larawan ng daigdig para makita ang mga link sa lahat ng language page sa LDS.org. Sa katapusan ng 2012, umaasa ang LDS.org team na magkaroon ng 108 na language page, kabilang na ang Hrvatski (Croatian), Malagasy (sinasalita sa Madagascar), at Twi (sinasalita sa Ghana).
Ang makukuhang mga materyal sa bawat language page ay magkakaiba, ngunit bawat item ay maaaring i-print at i-download.
Sa taong ito ang mga language page ay dinagdagan ng ilang bagong item, kasama na riyan ang mga PDF ng mga lathalaing lokal ng Liahona sa mahigit 40 wika at simpleng tekstong PDF ng Abril 2012 na pangkalahatang kumperensya sa mahigit 90 wika. Ang mga PDF ng Aklat ni Mormon sa 99 na wika ay nagdagdag ng 24 pang language page sa dati nang naroon sa LDS.org.
Ang mga item na naisalin ay inilalabas ayon sa pandaigdigang plano ng Simbahan sa pagpapabatid ng mga materyal ng Simbahan sa partikular na mga wika.
Sa planong ito na unti-unting pagsasaling-wika, ang mga pangunahing item—mga panalangin sa sakramento, ang Mga Saligan ng Pananampalataya, ang manwal na Gospel Fundamentals, piling mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at ang polyeto na Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith, halimbawa—ang unang isinasalin.
Ang mga karagdagang naisaling materyal tulad ng banal na kasulatan, musika, “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at ang Mga Mensahe ng Unang Panguluhan at ng Visiting Teaching ay inilalabas kapag nadaragdagan ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan na nagsasalita ng isang wika.
Ang mga materyal ay isinasalin at inilalabas matapos aprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari ding hilingin ng mga Area Presidency na maisalin sa isang partikular na wika ang ilang mga materyal kung nakikita nila na kailangan ito.
“Ang mga language page na ito ay magagamit ng lahat ng miyembro sa kanilang personal na pag-aaral o tuwing araw ng Linggo,” sabi ng digital channels senior product manager na si Matt Robinson. “Maaari din itong gamitin ng mga lider sa bawat lugar sa kanilang personal na pag-aaral at hikayatin din ang mga miyembro na gamitin ito sa kanilang mga katungkulan at pamilya.”
Inireport ni Sargis Ayvazyan, pangalawang tagapayo sa Yerevan Armenia District presidency, na natutuwa ang mga miyembrong Armenian na gamitin ang Armenian language page sa pag-print ng mga materyal na nakatutulong sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin. Ginagamit din nila ito sa pagtanggap at pagbasa ng impormasyon tungkol sa Simbahan at sa paghahanap ng mga materyal mula sa pangkalahatang kumperensya sa kanilang katutubong wika.