Mga Propeta sa Kapaskuhan
Ang buhay ng ating 16 na propeta sa mga huling araw ay halimbawa ng diwa ng Pasko, na nagpapaalala sa atin ng walang katulad na kaganapang nangyari sa sabsaban sa Betlehem mahigit 20 siglo na ang nakararaan: ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi tayo magkakamali kailanman sa pagsunod sa kanilang halimbawa—lalo na sa Pasko.
Mga Regalo ng Pagmamahal
Ang pagbibigay ng regalo ng pagmamahal at paglilingkod sa di-gaanong mapapalad ay makikita sa mga karanasan ng mga propeta tuwing Pasko. Noong 1931, sa panahon ng Great Depression, si Pangulong Harold B. Lee ang pangulo ng isang malaking stake sa Salt Lake City, Utah. Nagpasiya si Pangulong Lee na aalamin niya ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng kanyang stake at gagawin ang lahat para matugunan ang kanilang pangangailangan. Sa pagtatanung-tanong nalaman niya na mahigit kalahati ng kanyang stake, halos 5,000 katao, ang nakaasa sa tulong ng iba, pati na ang halos 1,000 batang wala pang edad 10. Pinagkolekta niya ng mga laruan ang mga miyembro at nag-organisa siya ng mga workshop para makumpuni, mapinturahan, at malinis ang mga lumang laruan o gumawa ng mga bago para may laruan ang lahat ng bata sa Pasko. Ipinasiya niya na bawat pamilya sa stake ay dapat magkaroon ng pagkain sa Pasko at nangalap siya ng mga donasyong pagkain para mangyari iyon.1 Kalaunan bilang Apostol, iniutos kay Elder Lee na iorganisa ang welfare program ng Simbahan batay sa gayon ding mga alituntunin ng paglilingkod, pagsasakripisyo, at pagtatrabaho.
Noong bata pa siya, ipinagdiriwang ni Pangulong Thomas S. Monson ang Pasko nang magulat siya sa tanong ng kanyang kaibigan, “Ano ang lasa ng pabo?” Sumagot siya na lasang manok iyon, pagkatapos natanto rin niya na maging iyon ay hindi pa natitikman ng kapus-palad niyang kaibigan. Hindi lang iyan, kundi walang kahit anong pagkain sa bahay ng kaibigan niya na maihahanda sa Pasko. “Nag-isip ako ng solusyon,” sabi ni Pangulong Monson. “Wala akong pabo, manok, at pera. Pagkatapos ay naalala ko na may alaga akong dalawang kuneho. Agad kong hinawakan sa kamay ang kaibigan ko at humangos kami sa kulungan ng kuneho, inilagay namin ang mga kuneho sa isang kahon, at ibinigay ko ang kahon sa kanya at sinabing, ‘Narito, kunin mo ang dalawang kunehong ito. Masarap kainin ito—lasang manok.’ … Napaluha ako kaagad nang isara ko ang pintuan sa kulungan ng kuneho na walang laman. Pero hindi ako malungkot. Napuspos ng masigla at di-maipaliwanag na kagalakan ang puso ko. Hinding-hindi ko malilimutan ang Paskong iyon.”2
Pagkakaisa Bilang Pamilya
Ang isa sa pinakamasasayang Paskong naalala ni Pangulong Ezra Taft Benson ay noong 1923, nang umuwi siya sa Bisperas ng Pasko sa bukid ng pamilya sa Whitney, Idaho, USA, pagkatapos ng kanyang dalawa’t kalahating taong misyon sa England. Ang masayang muling pagkikita-kita nilang ito ng kanyang mga magulang at 10 kapatid ay puspos din ng sigla at katuwaan para sa Pasko. Bilang espesyal na regalo, pinayagan siya ng kanyang mga magulang na huwag matulog para tumulong sa paghahanda para sa Pasko nang magsitulog na ang iba pang mga bata. Habang tinutulungan ang kanyang mga magulang, pabulong niyang ibinahagi ang kanyang mga karanasan sa misyon. Hindi niya napigilang umiyak sa “espesyal na gabi” na iyon sa kanyang tahanan noong bata pa siya.3
Ang buhay ng mga propeta ay humihikayat sa atin na mapalapit sa ating pamilya sa Kapaskuhan. Naalala ni Pangulong Joseph F. Smith ang isang Pasko noong bata pa siyang ama na wala siyang kapera-pera—ni isang sentimo—para ibili ng mga regalo ang kanyang mga anak. Bago sumapit ang Pasko lumabas siya ng bahay at ginaygay ang kalsada, na tumitingin sa lahat ng magagandang bagay sa tindahan ngunit batid na wala siyang mabibili sa mga iyon. Nang halos mawalan ng pag-asa, nakakita siya ng isang pribadong lugar at “humagulgol na parang bata” para maibsan ang sakit ng kanyang kalooban. Ngunit, matapos pahiran ang luha sa mga mata, umuwi siya at maghapong nakipaglaro sa kanyang mga anak, na “nagpapasalamat at masaya dahil lamang sa kanila.”4 Sa kabila ng kawalan ng kakayahang regaluhan sa Pasko ang kanyang mga anak, naibigay pa rin niya sa kanila ang pinakamagagandang regalong maibibigay ng kahit sinong ama—ang kanyang pagmamahal at panahon.
Ginugol ni Propetang Joseph Smith ang Pasko noong 1838 na nakakulong sa Liberty Jail sa Missouri. Ikinulong siya at ang ilang kasamahan niya sa isang maliit na bartolina sa basement na malamig, marumi, at mausok dahil sa sigang napilitan silang gamitin. Napakababa ng kisame kaya hindi sila makatayo nang tuwid. Ngunit may isang masayang sandali noong Paskong iyon. Nakadalaw ang asawa ng Propeta na si Emma kay Joseph nang ilang araw bago sumapit ang Pasko. Bukod pa rito, nadala niya ang kanilang anak na si Joseph Smith III. Dama ang pagmamahal ng kanyang pamilya, isinulat ni Joseph ang mga kataga ng panghihikayat sa mga Banal mula sa bartolina: “Nagpupuri kami sa aming pagdurusa, dahil alam namin na sumasaamin ang Diyos.”5
Noong 1937, si Pangulong Joseph Fielding Smith ay parang naninibago pa sa buhay sa pagpanaw ng pinakamamahal niyang asawang si Ethel, na kamamatay lamang. Hiniling ni Ethel na si Jessie Evans, isang dalagang may magandang tinig, ang kumanta sa kanyang libing. Sa paghaharap na iyon, mas nagkakilala sina Jessie Evans at Joseph Fielding Smith at nauwi sa pag-iibigan ang paghanga nila sa isa’t isa. Tinanggap ni Jessie Evans ang alok niyang magpakasal pagkaraan lamang ng Pasko. Habang pinag-iisipan ang mga regalong natanggap niya noong Pasko ng 1937, isinulat ni Pangulong Smith, “Natanggap ko [si Jessie] bilang regalo sa Pasko, na pinasasalamatan ko.”6 Ikinasal sila nang sumunod na Abril.
Isa sa mga taunang tradisyon ng pamilya ni Pangulong David O. McKay ang pasakayin ang mga apo nila sa bobsleigh na hatak-hatak ng isang grupo ng matitikas na kabayo, na may “mga kampanilya sa leeg na kumukuliling.” Ang pagsakay na iyon ay isa sa mga paborito nilang tradisyon. Ipinagpatuloy ito ni Pangulong McKay hanggang sa lumampas siya sa edad 80. Para hindi ginawin, isinusuot noon ni Pangulong McKay ang kanyang mahaba at makapal na raccoon coat at malalaking guwantes. Sumasakay ang maliliit na apo sa sleigh, ngunit ang mga nakatatanda ay “nagsisidating sakay ng sarili nilang sled” na nakatali sa likod ng bobsleigh. Ang di-malilimutang mga pagdiriwang na ito sa Pasko ay nagtatapos kung minsan sa mga pagkanta ng mga awiting Pamasko sa paligid ng piyano at pagkanta ng “Pag-ibig sa Tahanan.”7
Isang Patotoo Tungkol kay Jesucristo
Marahil ang pinakamahalaga, itinuturo sa atin ng mga karanasan ng mga propeta sa araw ng Pasko na palakasin ang ating patotoo tungkol kay Jesucristo habang nakatuon sa Kanya ang ating mga pagdiriwang. Noong 1876 malapit nang matapos ang St. George Utah Temple. Ang seremonya sa paglalaan para sa basement, main room, at sealing room ay iniskedyul noong Enero 1, 1877.8 Dahil pitong araw lang bago ang paglalaan ay Pasko na, marami sa St. George ang nagmadali sa pagtatrabaho para matiyak na matatapos sa oras ang templo.
Itinala ni Pangulong Wilford Woodruff, na nagsilbing unang pangulo ng templo, sa kanyang journal na sa araw ng Pasko ay abala ang mga tao sa paglalagare at ginugol ng 40 babae ang maghapon sa templo sa pananahi ng mga karpet. Naglatag sila ng karpet at nagkabit ng mga kurtina.9
Bagama’t muntik na silang hindi makatapos sa oras, sulit ang pagod sa alay nila sa Kapaskuhang iyon. Ang gawaing ito ang naging pagdiriwang nila ng Pasko. Sa harap ng 2,000 kataong naroon noong Enero 1, ibinigay ni Pangulong Woodruff ang panalangin sa paglalaan para sa mga bahagi ng templo—mahigit 30 taon matapos mapilitang lisanin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Nauvoo Temple.
Noong Ika-II Digmaang Pandaigdig, maraming lungsod sa Estados Unidos ang nagpatupad ng blackout gabi-gabi para makatipid ng kuryente. Sa Salt Lake City pinatay ang mga ilaw sa Salt Lake Temple. Maraming taon na nanatiling madilim ang templo sa isang madilim na lungsod. Nang ideklarang tapos na ang digmaan sa Europa, iniutos ni Pangulong Heber J. Grant na sindihang muli ang mga ilaw ng templo.
Para sa Pasko ng 1945, gumawa si Pangulong George Albert Smith ng isang nakapagbibigay-inspirasyon at makabuluhang Christmas card. Sa harapan nito ay may larawan ng tatlong eastern spire ng Salt Lake Temple na naiilawan nang maganda sa matingkad na asul na background at nakatayo sa ibabaw nito ang estatwa ng anghel na si Moroni. Sa ilalim ay nakasulat ang mga salitang “Pasko—1945” at ang mensaheng “Muling binuksan ang mga ilaw.”10 Wala nang iba pa na higit na kakikitaan ng kagalakan na nadama ng lahat pagkaraan ng napakaraming taon ng kamatayan at pagkawasak.
Ngunit ang magandang Christmas card na ito ay paraan din ni Pangulong Smith ng pagbabahagi ng kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Tulad ng pagtatapos ng digmaan na naghatid ng kapayapaan at liwanag sa madidilim na lugar, ang Panunumbalik ng ebanghelyo pagkatapos ng napakahabang Apostasiya ay “muling nagbukas” sa mga liwanag ng katotohanan para sa lahat ng tao sa mundo.
Pinatototohanan ng mga halimbawa ng pagmamahal, paglilingkod, pananampalataya, at pagsasakripisyo ng ating mga propeta sa mga huling araw na ang tunay na kagalakan sa Kapaskuhan ay nagmumula sa pamumuhay na tulad ni Cristo. Sabi nga ni Pangulong Howard W. Hunter, “Ang tunay na Pasko ay dumarating sa kanya na tumanggap kay Cristo sa kanyang buhay bilang isang buhay, makapangyarihan, at nagpapalakas na puwersa. Ang tunay na diwa ng Pasko ay nasa buhay at misyon ng Panginoon.”11