2012
Mga Sagradong Pagbabago
Disyembre 2012


Mga Sagradong Pagbabago

Ang San Salvador El Salvador Temple ay hindi lamang nagpabago ng tanawin; ang impluwensya nito ay nagpapabago ng mga puso, pamilya, at ng buong bansa.

Pagbabago sa Burol

Noong Setyembre 20, 2008, mga 600 Banal sa mga Huling Araw ang nagtipon sa isang burol na basang-basa ng ulan sa lungsod ng San Salvador, El Salvador. Nakatayo sila sa lupaing ginamit nang maraming taon bilang isang malaking taniman. Sa pamamahala ng Central America Area Presidency, sama-sama silang nanalangin at nagbahagi ng patotoo. Ang ilan sa kanila ay nagtusok ng mga bagong pala sa sinaunang lupa, na inaasam ang isang pagbabagong di-maglalaon ay darating sa piling lugar na iyon.

Noong Agosto 21, 2011, binati ng libu-libong mapitagan at masasayang Banal sa mga Huling Araw ang isa’t isa sa burol ding iyon. Hindi na iyon isang malaking taniman, iyon ay naging pinakasagradong lugar sa El Salvador. Nagtipon ang mga Banal sa paligid ng templo. Sabik nilang hinintay ang pagdating ng propeta, si Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan, na maglalaan sa templong iyon sa Panginoon. Sinabi ng isang matagal nang miyembro ng Simbahan, nang halos pabulong, na ang lugar ay parang hiwalay sa kapaligiran nito—“isang munting bahagi ng langit sa lupa.”

Pagbabago ng Isang Pamilya

Noong Abril 2010, nag-alala si Evelyn Vigil na nawawalan na ng pananampalataya ang kanyang asawang si Amado. Hindi na siya nagsisimba kahit saang simbahan sa loob ng 11 taon, dahil naniwala siya na walang totoong Simbahan. Samantala, patuloy si Evelyn sa pananalig sa Diyos, at nagpalipat-lipat siya ng simbahan, sabik na marinig ang Kanyang salita ngunit kailanman ay hindi nasiyahan sa kanyang narinig. May mga umaga na nagigising siyang umiiyak. Sa mga araw na iyon, nagsumamo siya na patnubayan siya ng kanyang Ama sa Langit. Itinanong niya sa Kanya kung bakit hindi tama ang kanyang pakiramdam sa alinmang simbahang dinaluhan niya, kahit gustung-gusto niyang malaman ang tungkol sa Kanya. Nanalangin din siya na magkaisa sa isang simbahan ang kanyang pamilya balang-araw.

Pagsapit ng Agosto 23, 2011, nakaranas ng pagbabago sina Amado at Evelyn Vigil na katulad ng pagbabagong nangyari sa burol na iyon sa kanilang kabiserang lungsod. Nakadamit ng puti, pumasok sila sa isang sealing room kasama ang kanilang anak na si Michelle, edad siyam, at kanilang anak na si Christian, edad tatlo. Sila ang unang pamilyang ibinuklod para sa panahong ito at sa kawalang-hanggan sa San Salvador El Salvador Temple. Gaya ng templong pinasok nila, inilaan nila ang sarili na paglingkuran ang Panginoon, at nagkaisa sila sa katapatan.

Ang Kuwento ng mga Vigil

“Nagsimula ang aming kuwento,” pag-alaala ni Amado, “nang makita namin ang dalawang elder—hindi pala, nang makita nila kami. Papaalis kami sa bahay ng mga magulang ni Evelyn, at dala-dala namin ang aming mga pinamili. Napansin namin na nakita kami ng mga elder at tumawid sila papunta sa amin. Buong kabaitang itinanong ng isa sa kanila kung maaari nila kaming tulungan.

“Itinanong din nila kung papayag kaming bisitahin nila. Sabi ko’y oo, sa kagustuhan kong mag-usisa. Hanggang sa sandaling iyon, wala akong gaanong alam tungkol sa Simbahan—tanging mga komento lamang na narinig ko mula sa ibang tao.

“Matapos akong pumayag na bisitahin ng mga elder sa bahay namin, sinabi ko sa asawa ko, ‘Huwag kang masyadong matuwa tungkol dito. Huwag mong isipin na magdedesisyon akong sumapi sa isang simbahan. Gusto ko lang malaman kung ano ang sasabihin nila.’

“Nagsimulang bumisita sa amin ang mga elder. Handa na akong paalisin sila nang maayos kung may sabihin silang hindi tama para sa akin. Pero napakabait nila, at humanga ako na wala silang sinabing masama tungkol sa ibang mga simbahan. Nagturo sila nang may pagmamahal at sigasig, at matiyaga sila kapag marami akong itinatanong. Agad silang napamahal sa amin.”

Unti-unti, inihanda nina Amado at Evelyn ang kanilang sarili na mabinyagan at makumpirmang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang pinakamalaking hamon kay Evelyn ay ang Word of Wisdom. Nalungkot siyang malaman na kailangan niyang tigilan ang pag-inom ng kape. Walang kailangang talikurang masasamang bisyo si Amado; kinailangan lang niyang matutuhang tanggapin ang katotohanan. Naniwala siya sa itinuturo ng mga misyonero, at kinilala pa niya ang maraming doktrina at gawain na naisip nilang mag-asawa na wala sa ibang mga simbahan, tulad ng mga walang-hanggang pamilya, binyag para sa mga patay, at pakikisalamuha at organisasyon sa Simbahan. Ngunit nag-alangan siyang mangakong magpabinyag. Nag-alala siyang sumapi sa Simbahan at pagkatapos ay malaman lamang na mali ang kanyang desisyon.

Agad naglaho ang mga alalahaning ito. Nanalangin si Evelyn na tulungan siya at natigil ang hilig niyang magkape, at sinabing, “Hindi ko hahayaang makahadlang ito sa akin sa pagtanggap ng mga pagpapala.” Pagkaraan ng mga dalawang buwan ng pag-aalangan, nangakong magpabinyag si Amado. Ngayon, ayon kay Evelyn, madalas nitong sabihing, “Kailangan nating tanggapin ang doktrina.”

Mga Pagbabago at Pagpapala

Sina Amado, Evelyn, at Michelle ay bininyagan at kinumpirma noong mga unang araw ng Hunyo 2011. “Mula noong mabinyagan kami,” sabi ni Evelyn, “nadama ko na nagsisimulang magbago ang lahat. Nagkaisa ang aking pamilya sa Simbahan. Natagpuan namin ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagkaroon kami ng mga pagsubok at karamdaman simula noon, ngunit maraming pagpapala ang ibinigay sa amin ng ating Ama sa Langit.”

Sabi ni Amado: “Ang unang pagbabagong napansin ko ay ang pagkakaisa ng aming pamilya. Hindi naman sa watak-watak kami dati, kundi lalo kaming nagkaisa. Nakatulong sa amin ang mga doktrina ng ebanghelyo. Nang ituro sa amin ng mga lider ng Simbahan ang kasagraduhan ng pamilya, pinag-isipan namin nang husto ang pagpapahalagang dapat naming ibigay sa aming pamilya.”

Nakita rin ng bishop ng mga Vigil, na si César Orellana, ang mga pagbabago sa kanilang buhay. Matapos silang mabinyagan, agad nilapitan ni Amado si Bishop Orellana at sinabi, “Gusto po naming magbayad ng ikapu, pero hindi namin alam kung paano.”

Ipinaliwanag ni Bishop Orellana na ang ikapu ay 10 porsiyento ng kanilang kinita. Medyo nag-alala si Amado. Noon ang may trabaho ay si Evelyn, pero si Amado ay wala. “Lagi po kaming kapos,” paliwanag ni Amado sa kanyang bishop, “pero gusto po naming magbayad ng ikapu.”

Sumagot si Bishop Orellana, “Brother, maraming ipinangako ang Panginoon.” Sabay nilang binasa ang mga talata sa banal na kasulatan tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa tapat na pagbabayad ng ikapu, pati na ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Malakias: “Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, … at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10).

Matapos sabay na basahin ang mga talatang ito, tumingin si Bishop Orellana sa bagong binyag at sinabi, “Kung dahil sa pagbabayad ng ikapu ay hindi ka makabayad ng tubig o kuryente, magbayad ka ng ikapu. Kung dahil sa pagbabayad ng ikapu ay hindi ka makabayad ng renta, magbayad ka ng ikapu. Kahit dahil sa pagbabayad ng ikapu ay wala kang sapat na pera para pakainin ang iyong pamilya, magbayad ka ng ikapu. Hindi ka pababayaan ng Panginoon.”

Nang sumunod na Linggo, muling nilapitan ni Amado si Bishop Orellana. Sa pagkakataong ito wala siyang itinanong. Basta iniabot na lang niya ang isang sobre sa kanyang bishop at sinabing, “Bishop, heto po ang aming ikapu.”

Habang pinag-iisipan ang karanasang ito, sinabi ni Bishop Orellana, “Simula noon, naging tapat na sila sa pagbabayad ng ikapu.” Tumanggap ng ilang aytem ang pamilya mula sa bishops’ storehouse noong nagipit sila sa pera. Bukod pa rito, pinagpala sila ng Panginoon na mapangalagaan nila ang kanilang sarili. Nataas ng puwesto sa trabaho si Evelyn, at nakakita ng magandang trabaho si Amado. Kalaunan nawalan ng trabaho si Evelyn, ngunit patuloy silang nagbayad ng ikapu at tumanggap ng espirituwal at temporal na mga pagpapala dahil sa kanilang katapatan. Minsan ay kinumusta ni Bishop Orellana kay Amado ang kalagayan ng pamilya. Sagot ni Amado, “Okey lang po kami. Kung minsan wala kaming gaanong makain, pero sumasapat pa rin naman. At higit sa anupaman, may tiwala kami sa Panginoon.”

Matapos magbayad ng ikapu nang ilang panahon, kinausap nina Evelyn at Amado si Bishop Orellana tungkol sa mga pagpapalang natanggap nila. Sa pagbanggit sa Malakias 3:10, sinabi nilang, “Napatunayan namin na di kami pababayaan ng Panginoon.” At totoo ang ipinangako ni Bishop Orellana, hindi sila pinabayaan ng Panginoon kailanman.

Isang Bagong Pananaw

Magiliw na ikinukuwento nina Evelyn at Amado ang araw na nagtipon ang kanilang pamilya sa sealing room. Nag-alala sila na kapag natanggap na nila ang kanilang endowment at handa na para sa ordenansa ng pagbubuklod sa araw ding iyon, ay maging malikot ang kanilang mga anak. Nag-alala sila lalo na sa kanilang tatlong-taong-gulang na malikot na anak, na si Christian. Ngunit pumasok ang mga bata sa sealing room nang tahimik at mapitagan, na nagpapakitang naunawaan nila kung bakit sila naroon. At nang oras na para makibahagi ang mga bata sa ordenansa ng pagbubuklod, lumapit si Christian sa altar, nang hindi sinasabihan o binubulungan, at lumuhod sa tabi ng kanyang mga magulang.

Naaalala ni Evelyn na nakita niya ang kanyang pamilya sa mga salamin. Sinabi rin ni Amado na nakita rin niya iyon, hindi lamang sa templo kundi sa araw-araw na buhay. Pinasasalamatan niya ang walang-hanggang pananaw na gumagabay ngayon sa kanyang buhay—isang pananaw na tila dama nina Michelle at Christian nang sila ay nasa bahay ng Panginoon. Ang pananaw na ito ay lumawak pa magmula noon, lalo na nang magkaroon ng isa pang anak na babae ang mga Vigil—si Andrea, na isinilang sa tipan noong Agosto.

Isang Ilaw sa Ibabaw ng Burol

Ang pamilya Vigil ay habampanahong nagbago sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ng impluwensya ng Kanyang templo sa kanilang bansa. Dahil naging sagradong lugar na ang isang taniman, naging mas sagrado ang kanilang sariling tahanan.

Sa maraming paraan kinakatawan nila ang pangako sa buong bansa. Ang El Salvador ay tahanan ng milyun-milyong mabubuti at matatapat na tao na araw-araw na tinutukso ng mga makamundong bagay. Mahal ng mga Banal na Salvadoran ang kanilang lupang sinilangan, at nakakakita sila ng panibagong pag-asa kapag nakikita nila ang templo ng Panginoon doon. Nagkaroon sila ng katiyakan sa mga sumusunod na salita mula sa panalangin sa paglalaan ng templo na ibinigay ni Pangulong Eyring:

“Dalangin namin na mapasa-bansang ito ng El Salvador ang Inyong mga pagpapala. Antigin po Ninyo ang puso ng mga namamahala, nang mabiyayaan ng kalayaan at oportunidad ang mga tao. Nawa’y mamayani ang kapayapaan sa lupain.

“Paunlarin po Ninyo ang Inyong gawain sa lupaing ito. Nawa’y antigin ng mensahe ng ebanghelyo ang puso ng mga tao sa buong bansa. Nawa’y magpabinyag sila, at manatiling nananalig at tapat sa Inyo. …

“… Lakip ang pasasalamat sa aming puso, inilalaan at iniaalay namin ang banal na istrukturang ito at ang kapaligiran nito sa pagsasakatuparan ng Inyong kalooban at pagsasagawa ng Inyong walang-hanggang gawain. Dalangin namin na madama ang impluwensya nito sa buong lupain bilang isang ilaw sa ibabaw ng burol.”1

Halos buong impluwensya nito ay tiyak na madarama sa pamamagitan ng paglilingkod at halimbawa ng mga taong katulad ng pamilya Vigil. Habang pinapahiran ang mga luha at sinisikap magsalita sa kabila ng nadarama, magiliw na ikinukuwento ngayon ni Amado Vigil ang tungkol sa mga misyonero na nagbigay-daan para mapalapit siya at ang kanyang pamilya kay Cristo at matanggap ang mga pagpapala ng templo. “Umaasa kami na magmimisyon ang aming mga anak,” wika niya, “para mapagpala nila ang ibang mga pamilya, tulad ng pagpapalang hatid ng mga binatang iyon sa aming pamilya.”

Tala

  1. “‘May Peace Reign in the Land’—Dedicatory Prayer for El Salvador Temple,” Church News, Ago. 27, 2011, ldschurchnews.com.

Larawang kuha ni Zach Gray, hindi maaaring kopyahin

Mga larawang kuha ni Aaron L. West