Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Mga Sunbeam, Public Affairs, at Kagalakan ng banghelyo
Hango sa isang interbyu sa Mormon Channel. Para mapakinggan ang buong interbyu sa Ingles, magpunta sa mormonchannel.org/conversations/27.
Ano ang kinalaman ng mga Sunbeam sa public affairs? Marami kapag kinakatawan nito ang kagalakan ng ebanghelyo.
Ilang taon na ang nakalilipas, noong kami pa ni Elder M. Russell Ballard ang mga General Authority adviser sa Church Public Affairs Department, natanto namin na kadalasan ang kinokontak ng mga sangay ng media ay ang mga taong hindi mga miyembro ng Simbahan para alamin ang tungkol sa Simbahan. Sa hangaring magkaroon ng pagbabago, sinimulan namin ni Elder Ballard, sa ilalim ng patnubay ng Unang Panguluhan, ang pagbisita sa mga editorial board ng malalaking pahayagan, na ibinabahagi ang mensahe na, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay walang kinikilingan sa pulitika. Wala tayong pinapanigan pagdating sa mga kandidato o partido. Gayunman, gusto natin na tayo mismo ang magsaad ng ating sariling paniniwala. “Gusto namin,” ang sabi namin sa kanila, “na pumunta kayo at makipag-usap sa amin kung ang tatalakayin ninyo ay tungkol sa aming pinaniniwalaan.”
Malugod na tinanggap ang mga pagbisitang iyon, at natuklasan namin na nagkaroon ng epekto ang aming kahilingan. At ngayon ay nakikita naming mas nauunawaan na ng media ang tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ilang dating palagay ay naglaho, at nakikita nating kinikilala na tayo ng ibang mga tao bilang mga mamamayan na may mabuting pag-uugali na nagsisikap na harapin ang buhay nang may kaalaman at sapat na impormasyon. Napansin din namin na natanto ng mga tao sa labas ng Simbahan na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi magkakapareho; ang ating mga miyembro ay magkakaiba sa mabubuti at nakatutuwang paraan.
Sa pagbabagong ito ng mga pananaw tungkol sa atin, napakaganda ng panahong ito na maging miyembro ng Simbahan at magsalita ang mga miyembro at sagutin ang mga tanong ng kanilang mga kaibigan at kapitbahay tungkol sa ating mga pinaniniwalaan. Sa paggawa nito, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa nadarama nating kagalakan at na nagagalak tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Alam natin ang kahihinatnan ng lahat, alam natin kung sino si Jesucristo, at may pagkakataon tayong pagpalain ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.
Nakatutuwang malaman na ang pinakamasisigasig nating mga member-missionary, yaong mga sinasamantala ang pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo, ay kadalasang masayahing mga tao. Noong ako ang Executive Director ng Missionary Department, bigla naming napansin ang ilang pagbibinyag na isinagawa sa France. Dahil sa malaking tuwa, inisip namin kung ano ang mga dahilan, at may ilan kaming nakita. Ngunit ang isa sa mga pangunahing dahilan ay ang sister na nagtrabaho sa umaga ng Lunes at nagsalita tungkol sa mga Sunbeam. Pagkatapos ng Sabbath, —buong kagalakan at tuwa—niyang ikinukuwento sa mga kasamahan niya sa trabaho ang kanyang karanasan sa pagtuturo ng maliliit na bata sa nakalipas na araw. Hindi nagtagal, hindi na makapaghintay ang kanyang mga kasama na banggitin niya ang tungkol sa mga Sunbeam. At ano ang ginawa niyon? Narito ang isang grupo ng mga tao na nag-aalala rin katulad natin tungkol sa ating daigdig at sa ating kinabukasan, at biglang narito ang isang taong hindi lamang nagagalak kundi nagagalak sa mga bata—na sumasagisag sa kinabukasan o hinaharap. Malinaw na mahal ng babaing ito ang Tagapagligtas, at nadama ng iba ang pagmamahal na iyon. Gusto ng mga kasamahan niya sa trabaho na malaman pa ang tungkol dito.
Kung nagagalak tayo sa bagay na nasa atin, kung nadarama natin ang kagalakan at ipinakikita ito, mas maligaya tayo. Ginagawa natin ang nais ng Panginoon na gawin natin, nagiging mas mabubuting tao tayo, at sa pakikihalubilo, ang mga taong nakapaligid sa atin—ang ating mga anak at kaibigan at kapitbahay—ay mas masaya. Kagalakan ang susi. Sa pagbabahagi natin ng kagalakang dulot ng ebanghelyo, naisasagawa natin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon.