Ang Ating Paniniwala
Ipinanumbalik ang Ebanghelyo ni Jesucristo sa Pamamagitan ni Propetang Joseph Smith
Matapos Ipako sa Krus ang Tagapagligtas at mamatay ang Kanyang mga Apostol, binago ng mga tao ang ilan sa mga doktrina at ordenansa ng ebanghelyo. Kahit maraming mabubuting taong naniwala kay Jesucristo at nagsikap na maunawaan at ituro ang Kanyang ebanghelyo, wala na ang kabuuan ng katotohanan. Ang resulta nito ay iba’t ibang mga yugto ng apostasiya sa natirang mga Kristiyano. Kahit nasa kanila ang maraming katotohanan, walang isa man sa kanila ang may kabuuan ng mga doktrina, ordenansa, o priesthood ni Cristo.
Batid ng ating Ama sa Langit na mangyayari ang unti-unting pagkawalang ito ng katotohanan, kaya iningatan Niya ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa isang sinaunang aklat ng mga banal na kasulatan na katulad ng Biblia. Noong mga unang taon ng 1800s, isang sugo ng langit na nagngangalang Moroni ang nagturo kay Joseph Smith sa kinaroroonan ng banal na kasulatang ito na maraming siglo nang nakabaon. Nakasulat sa mga laminang ginto, ang talaang ito ay naglalaman ng isinulat ng mga propeta tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Diyos sa ilan sa sinaunang mga mamamayan ng Amerika. Isinalin ni Propetang Joseph Smith ang mga nakasulat sa mga laminang ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Ang talaang ito ay ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.
Ang proseso ng pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay nagbigay ng kaalaman kay Joseph Smith tungkol sa mga doktrina ng Diyos—ang Espiritu ang kanyang guro, at ang Aklat ni Mormon ang kanyang teksto. Nang magkaroon ng tanong si Joseph Smith, nanalangin siya sa Diyos at inihayag ng Diyos ang sagot sa kanya. Ang prosesong ito ay nagturo kay Joseph Smith, isang kabataang hindi mataas ang pinag-aralan, ng mahahalagang katotohanang napakahalaga sa kanyang tungkulin bilang Propeta ng Panunumbalik.
Nagpatotoo si Propetang Joseph Smith
-
“Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon nakakita ako ng dalawang Katauhan, at sa katotohanan kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig dahil sa pagsasabi na nakakita ako ng pangitain, gayon man ito’y totoo; … ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito.”1
-
“Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay isinalin ko ang Aklat ni Mormon mula sa hieroglyphics, na ang kaalaman tungkol dito ay nawala sa mundo, isang napakagandang kaganapang mag-isa kong naranasan, ako na isang kabataang walang pinag-aralan, upang daigin ang karunungan ng mundo at malaking kamangmangan ng labingwalong siglo, sa isang bagong paghahayag.”2
-
“Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”3
-
“Ako … ang maytaglay ng mga susi ng huling kaharian, na dispensasyon ng kaganapan ng lahat ng bagay na winika ng mga bibig ng lahat ng banal na Propeta simula nang magsimula ang mundo, sa ilalim ng kapangyarihang magbuklod ng Melchizedek Priesthood.”4 (Tingnan sa D at T 27:12–13.)
-
“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man, … at dahil sa kagustuhan at mga pagpapala ng Diyos, naging kasangkapan ako sa Kanyang mga kamay, hanggang ngayon, upang isulong ang gawain ng Sion.”5
-
“Sinasabi sa atin [ng Aklat ni Mormon] na ang ating Tagapagligtas ay nagpakita sa kontinenteng ito [ng Amerika] matapos Siyang mabuhay na mag-uli; na itinatag Niya ang kabuuan, at yaman, at kapangyarihan, at pagpapala ng Ebanghelyo rito.”6