Ang Kaligtasan at Kapayapaang Dulot ng Pagsunod sa mga Kautusan
Ang mga huwaran at katotohanang matatagpuan sa Aklat ni Mormon ay malinaw at may itinuturo, simple at mahalaga. Kapag nagsimula tayo sa kabutihan at pagsunod, magtatapos tayo sa mga pagpapala at kagalakan.
Sa panahong ito ng digital information, tila hindi maaaring lumagpas ang balita sa loob ng 24-oras nang hindi paulit-ulit na ipinapakita ang mga kabanata ng isang pamilyar na kuwento. Ang mga tauhan sa pamilyar na kuwento kadalasan ay popular at bantog dahil sa pambihira nilang talento bilang mga artista, atleta, pulitiko, o negosyante. Ang mga taon ng pagsasanay o tapat na paglilingkod at pagsasakripisyo—mga kasangkapang naghatid sa kanila sa rurok ng tagumpay sa isang partikular na trabaho o propesyon—ay nawawasak dahil sa iskandalo.
Ang huling nakikita ng publiko kadalasan ay ang malungkot na hitsura ng mga tauhan na humihingi ng tawad sa hukom, mga may-ari ng kumpanya, o mga mamamayan o sa pamilya, mga kaibigan, o mga tagahanga dahil sa kanilang mga pagkakamali. Ang resulta kadalasan ay maraming di-sinadyang mangyari—kabilang na ang sama ng loob, kahihiyan, at pagdurusa—ng sarili, ng kanilang mga mahal sa buhay, at mga kasamahan.
Ang simple ngunit malalim na mga salita ng sinaunang propeta sa Aklat ni Mormon na si Alma nang payuhan niya ang kanyang anak na lalaki ay tila mahalaga sa ika-21 siglo katulad noong mahigit 2,000 taon na ang nakararaan: “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).
Sa halos lahat ng iskandalo ngayon, ang kaalaman at pagsunod sa mga kautusan na matatagpuan sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay sapat na upang maiwasan ang kapahamakan sa sarili at sa propesyon.
Isang Pormula para Lumigaya
Inihahayag sa isang pormulang matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo ang landas tungo sa kaligayahan. Ito ay isang simple at mahalagang katotohanang matatagpuan sa buong Aklat ni Mormon. Buong husay itong ipinaliwanag sa mga turo ng propetang si Lehi sa kanyang mga anak na lalaki noong malapit na siyang mamatay. Nang kausapin niya ang kanyang anak na si Jacob, itinuro niya, “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Ilang talata pa ay idinagdag niya, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).
Ang mga turo ni Lehi’s sa sermon niyang ito kay Jacob ay maaaring ibuod nang simple: Ang pagsunod at kabutihan ay humahantong sa mga pagpapala, na humahantong sa kagalakan. Sa kabaligtaran, ang pagsuway at kasamaan ay humahantong sa kaparusahan, na humahantong sa kalungkutan. Ang Tagapagligtas ang dakilang Tagapamagitan ng buong sangkatauhan at nagpanukala ng landas tungo sa kaligayahan at buhay na walang-hanggan. Ang diyablo ang kaaba-abang ama ng kasinungalingan at ang nagpanukala ng landas tungo sa pagkabihag at kamatayan.
Malinaw na nauunawaan ng kaaway na hindi natin sadyang pipiliin ang pagkabihag at kamatayan, subalit dahil magiging kaaba-aba siya magpakailanman, hangad din niyang maging kaaba-aba ang buong sangkatauhan (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagbaluktot sa totoong mga kahihinatnan ng kasalanan at pagsuway. Iyan ang isang dahilan kaya siya tinawag na ama ng kasinungalingan.
Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Lahat kayo … ay kilala si Satanas, ang ama ng kasinungalingan. Alam ninyo kung paano niya ginagawang kasinungalingan ang katotohanan. Pinagmumukha niyang maganda, nakasisiya, madali, at mabuti ang kasamaan.”1
Papaniniwalain tayo ni Satanas na ang pormula para lumigaya ay nagsisimula sa kasamaan at kasalanan. Binalaan tayo na ang kanyang mga tukso ay nakabalatkayo nang napakaganda kaya kung minsan ay para siyang “halos katulad ng isang anghel ng liwanag” (2 Nephi 9:9). Inilarawan ng Panginoon ang pagbagsak at mga mithiin ni Satanas:
“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;
“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan” (Moises 4:3–4).
Ang landas tungo sa kaligayahan ay nagsisimula sa kabutihan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ang mga kautusan ay ibinigay sa atin bilang isang banal na gabay upang ilayo tayo sa maraming kapahamakan ng mortalidad. Ipinahayag ito ng Panginoon noong nagsisimula pa lamang ang Panunumbalik: “Dahil dito, ako, ang Panginoon, nalalaman ang kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo, ay tinawag ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (D at T 1:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Sundin ang mga Kautusan
Itinuturing ng ilang tao na hindi makatwiran na ang mga kautusan ang nasa simula ng landas tungo sa kaligayahan sa halip na isang bagay na madadala habang daan. Ang sumusunod na kuwento noong naglilingkod ako bilang mission president sa Nagoya, Japan, ilang taon na ang nakararaan ay naglalarawan nito.
Nakilala namin ng asawa kong si Lesa ang isang dalaga matapos siyang magpunta sa simbahan para dumalo sa English class na itinuturo ng mga missionary. Siya ay palakaibigan, masigla, at kontrolado niya ang buhay niya, at may magandang trabaho, matagal nang kasintahan, at pamilya. Ang pakikisalamuha niya sa mga missionary at miyembro sa English class ang umakit sa kanya sa Simbahan, at sinimulan siyang turuan ng mga missionary. Ang kanyang patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tila yumayabong tuwing makakausap niya ang mga missionary. Nang basahin niya ang Aklat ni Mormon at pag-isipan at ipagdasal ito at ang mga bagay na narinig niya, nalaman niyang totoo ang mga ito.
Nang simulan ng mga missionary na ituro sa kanya ang mga kautusan, alam niyang dapat siyang sumunod. Nakipagkalas siya sa kanyang kasintahan at nagbitiw sa trabaho, kung saan kinailangan niyang magtrabaho kahit Linggo. Sinimulan niyang sundin ang Word of Wisdom at tinanggap niya ang batas ng ikapu. Napakalakas ng kanyang pananampalataya kaya sinimulan niyang sundin kaagad ang mga kautusan nang malaman niya ang mga ito.
Nang sabihin niya sa kanyang pamilya na interesado siya sa Simbahan at pag-aaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo, sinabi sa kanya ng kanyang mga magulang na hindi maganda ang magiging epekto nito sa relasyon nilang mag-anak. Ilang linggo matapos niyang tanggapin ang mga kautusan, natagpuan niya ang kanyang sarili na walang trabaho, walang apartment, o suporta ng pamilya. Malinaw na ang mga bunga ng kanyang pagsunod ay nakaapekto sa kanyang buhay sa tila napakasakit na paraan.
Labis akong nag-alala sa kanyang sitwasyon. Isang hatinggabi, matapos ang abalang maghapon, lumabas kami ni Lesa ng mission home para maglakad-lakad, na naghahanap ng kaunting katahimikan habang magkasama kami. Nagulat kami nang papalapit na kami sa interseksyon ay siya rin namang pagdating ng masiglang kabataang investigator na ito sakay ng kanyang bisikleta. Sinalubong niya kami ng masayang ngiti at yakap. Gulat na nasa labas siya ng bahay nang hatinggabi, itinanong namin kung ano ang kanyang ginagawa.
“Papunta po ako sa bago kong trabaho na panggabi ang pasok sa drive-up window ng isang fast-food restaurant,” masaya niyang sabi.
Ang trabahong ito ay may mababang suweldo, hindi niya linya at di-gaanong maganda ang oras ng pasok hindi tulad ng dati niyang trabaho. Sa kabila ng malalaking pagsubok at problema sa kanyang buhay, kitang-kita ang kaligayahan niya. Pagkatapos ay ibinalita niya na nakatakda na ang petsa ng kanyang binyag. Habang naglalakad kami pabalik sa mission home, namangha kami ni Lesa sa idinulot ng kanyang pananampalataya at pagsunod sa mga kautusan na nagdala sa kanya sa landas tungo sa tunay na kagalakan.
Pagkaraan ng ilang linggo ay nabinyagan siya. Makalipas ang ilang taon, nagkaayos na sila ng kanyang pamilya at nakakita siya ng mas magandang trabaho. Ilang taon matapos siyang binyagan, nabuklod siya sa Tokyo Japan Temple sa isang returned missionary na nakilala niya sa isang young single adult activity. Ngayong isa nang walang-hanggang pamilya, kamakailan ay nabiyayaan sila ng isang malusog na sanggol na lalaki. Inilalarawan ng isang maikli at magandang himno ang nangyari sa kanyang buhay bunga ng pagsunod sa mga kautusan:
Ang mga utos sa t’wina’y sundin!
Dito ay ligtas tayo at payapa.
Mga biyaya’y ibibigay N’ya.
Anang propeta: Sundin ang utos.
Dito’y ligtas at payapa.2
Ang mga huwaran at katotohanang matatagpuan sa Aklat ni Mormon ay malinaw at may itinuturo, simple at mahalaga. Kapag nagsimula tayo sa kabutihan at pagsunod, magtatapos tayo sa mga pagpapala at kagalakan.