Mga Dekorasyon sa Pasko, mga Kaibigang Katulad ni Cristo
Habang naghahanda para lagyan ng dekorasyon ang aming Christmas tree, inilabas ko ang laman ng isang kahon na may mga dekorasyon para sa Pasko na hindi ko nakita o nagamit nang ilang taon. Habang hinahalungkat ko ang mga Christmas light at linen, nakita ko ang isang kahong puno ng mga dekorasyon sa pasko na nakolekta ko noong dalaga pa ako at nagtuturo sa paaralan. Nakita ko ang isang simpleng cross-stitch na dekorasyon na ang nakasulat lang ay “Christmas Open House—1984.” Naalala ko ang nangyari noong taong iyon. Dalaga pa ako at nag-alangan akong lumipat sa family ward mula sa young single adult ward.
Gustung-gusto ko ang Kapaskuhan, pero ang ilan ay napakalungkot para sa akin. Dahil nasa 30s na ako, dalaga, at walang anak, dama ko kung minsan na nag-iisa ako. Madali para sa akin ang maawa sa sarili, ang madaig ng tinatawag kong “pagkaawa sa sarili.” Sa partikular na taong iyon, 1984, naaalala ko na nagpasiya akong paglabanan ang pagkaawa sa sarili ko, na hindi lang sarili ko ang isipin ko at tingnan kung ano ang magagawa ko para mapasaya ang ibang tao sa Pasko.
Medyo bago pa ako sa ward at naisip ko na kapag pinapunta ko sa apartment ko ang mga miyembro ng Relief Society, maipagdiriwang ko ang Kapaskuhan at higit ko silang makikilala.
Habang ginugunita ko ang open house na iyon, naalala ko ang munting Christmas tree na nilagyan ko ng mga dekorasyong nagmula sa kahon ko, ang amoy ng shortbread cookies na niluto namin ng mga kaibigan kong dalaga, at ang tamis ng “white Christmas punch” ni Inay na isinilbi ko sa mga panauhin.
Nang suriin ko ang sari-saring dekorasyon, nakadama ako ng pagmamahal at pasasalamat nang maisip ko ang maraming kaibigang katulad ni Cristo, bata at matanda, na nagmahal at nagturo sa akin sa mga oras ng pagsubok.
Kinuha ko ang inalmirol na snowflake na lace na ginantsilyo ng isang matandang babae para sa akin at naalala ko ang pagmamalasakit niya. Naisip ko ang matatandang babae sa maraming ward na kinabilangan ko na nagturo sa akin ng nalalaman nila. Natuto akong maggantsilyo, mag-knitting, manahi, at gumawa ng lace mula sa mababait na kababaihang ito na handang mag-ukol ng panahon at nagtiyaga lalo na para matamasa ko ang kanilang natamasa.
Hawak ko ang maliit na brass horn at naisip ko ang imbitasyon ng choir director na mahusay sa musika na nag-imbita sa akin na sumali sa mga praktis sa madaling-araw para sa isang espesyal na programang musikal noong tinedyer pa ako. Ang pagtitiwala niya ay nagtanim sa puso ko ng pagmamahal sa klasikong musika at ng tiwalang sumali sa mga choir sa buong buhay ko.
Nakangiting kinuha ko ang dekorasyong Mickey Mouse at nagpasalamat ako sa mag-asawang nagpahiram ng kanilang mga anak sa akin. Ang mga anak nila ay naging parang mga anak ko rin. Hawak-hawak ko sila sa simbahan, binasahan ko sila, nakipaglaro ako sa kanila, at minahal ko sila, na nakatulong upang mapunan ang kalungkutan at kahungkagang nadarama ko.
Itinuro sa atin ng Tagapagligtas sa Mateo 10:39, “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.”
Ang pasiyang iyon noong 1984 na “mawalan ng buhay” sa pamamagitan ng pagtulong sa iba ay tunay na naging daan para “masumpungan” ko ang aking sarili. Nang pag-isipan kong mabuti ang nakaraan, natanto ko na marami ang sumunod sa mga salita ng ating Tagapagligtas at hindi inuna ang sarili para sa akin. Ang mga dekorasyon sa Christmas ay naging magandang paalala tungkol sa mga kaibigang katulad ni Cristo.