2012
Ang Pamaskong Panyo
Disyembre 2012


Ang Pamaskong Panyo

Taun-taon noong bata pa ako, tinutulungan ko ang nanay ko na magbalot ng mga Pamaskong regalo sa pamilya. Mayroon akong 5 kapatid na may-asawa at 13 pamangkin, kaya hindi ito simpleng gawin. Pero kahit na abalang-abala, napansin ko na tila laging panyo ang ibinabalot naming regalo sa kapatid kong babae. Kahit binibigyan siya ni Inay ng pantulog o blusa o ilang gamit sa kusina, may panyo ulit para kay Ann. Naunawaan ko na praktikal at mura ang mga panyo, pero nagsimula kong isipin kung ano ang iisipin ng kapatid ko tungkol sa napakadalas na pagtanggap ng ganitong regalo.

Isang Disyembre, sinabi ko rin sa wakas: “Isang panyo na naman para kay Ann? Inay, halos taun-taon po ninyong binibigyan siya ng panyo. Hindi po ba ninyo naisip na baka marami na siyang panyo sa ngayon? Ilan po ba ang kailangan niya? At mas mahal nang ipadala sa koreo ang pakete para sa kanyang pamilya kapag nagdagdag ng isa pang regalo. Palagay ko hindi na po ninyo kailangang gawin ito.”

Itinabi ng nanay ko ang kanyang gunting. “May ikukuwento ako sa iyo. Siguro mauunawaan mo ang dahilan pagkatapos. Nangyari ito bago ka isinilang.

“Alam mo kung paano ako nakarating sa bansang ito.” (Alam ko. Nabigla ang pamilya ng nanay ko nang nagpakasal siya sa isang balo na may apat na anak at nagulat sila dahil lilisanin niya ang Holland para magpunta sa Estados Unidos.) “Pero may ilang bagay kang hindi alam. Nang pumarito tayo, walang-wala tayo. Mahirap ang buhay. Dalawa ang trabaho ng tatay mo pero maliit ang suweldo. Naglabada ako at namalantsa. Pero hindi pa rin sapat ang pera natin.

“Si Ann ay 17 anyos noon at naunawaan niya kung magkano ang utang namin. Nagpasiya siyang tumulong. Nagtrabaho siya. Nakakita siya ng trabaho sa lungsod sa isang tindahan ng kendi. Kinailangan niyang sumakay ng bus papunta roon at tumayo sa tindahan buong maghapon. Ibinigay niya sa amin ang halos buong suweldo niya, na nagtatabi ng sapat para sa pamasahe at pambili ng kaunting pananghalian, dahil hindi siya puwedeng magbaon.

“Sabi sa akin ni Ann, natutuwa siya’t nagkatrabaho siya at makatutulong sa amin ang suweldo niya. Pero hindi niya sinabi sa akin na nag-aalala siya sa nakababata niyang mga kapatid na lalaki. Malapit na ang Pasko noon. Nag-uusap-usap ang bago nilang mga kaibigang Amerikano tungkol sa mga laruang hiniling nila kay Santa. Paano kung hindi magdala ng anumang regalo si Santa sa bahay namin?

“Ilang araw bago sumapit ang Pasko, binigyan ako ni Ann ng kaunting pera. Pero hindi pa niya suweldo. Itinanong ko kung saan niya kinuha ang pera. Sabi niya naipon niya iyon dahil hindi siya kumakain ng tanghalian. Hindi iyon malaking pera, pero alam ko na ang kahulugan niyon ay hindi siya kumain ng tanghalian sa loob ng ilang linggo. Sinabi niyang kunin ko ang pera at ibili ng mga Pamasko ang mga kapatid niya. Nagtiwala siya sa akin, na bago niyang madrasta, na bibilhin ko kung ano ang tama.

“Kinailangan kong bumili ng maliliit na bagay. Pero ipinasiya ko na maaari akong makabili ng regalo para sa buong pamilya. Mga tangerine na makakain, mga sabong teddy bear, mga krayola, maliliit na laruang kotse, medyas para sa tatay mo. At ibinili ko ng panyo si Ann. Simple iyon, pero hatinggabi na akong natulog para burdahan iyon at pagandahin. Masayang-masaya ako na binigyan kami ng regalo sa Pasko ng bago kong anak na babae. Gusto kong magkaroon din siya ng isang espesyal na bagay sa Pasko.

“Sumapit ang Pasko. Nagulat kami nang dalhan kami ng mga kaibigan namin sa simbahan ng isang Christmas tree at isang kahong puno ng mga regalo. Humingi sila ng paumanhin na mga simpleng bagay lang iyon na nakabalot sa diyaryo, pero napakaganda niyon! Napakaraming mapapakinabangang bagay at masasarap na pagkain. At may isa pang sorpresa, na sikreto namin ni Ann: may regalo kami para sa pamilya! Tuwang-tuwa ang mga kapatid mo! Hindi nagtagal nasa sahig na sila ng maliit na salang iyon, pinaaandar ang mga laruang kotse sa ibabaw at ilalim ng diyaryo. Nagkalat ang diyaryo! At binuksan ni Ann ang regalo niya at nakita ang panyo. Napaiyak siya. Medyo napaiyak din ako.

“Naghanda kami ng pagkain sa Pasko. Ah, nagkaroon kami ng pagkaing matagal na naming hindi natitikman! Pagkatapos ay naglinis kami. Umalis si Ann para itago ang kanyang panyo. Pero nawala iyon. Naghanap kami sa buong paligid. Pagkatapos ay naisip ko, naku po, naitapon na ng tatay mo ang diyaryo sa apoy. Napasama ba sa apoy ang panyo? Siguro kasi hindi na namin iyon nakita. Pero hindi nagreklamo si Ann. Nangyari na ang nangyari. Sabi niya masaya siya dahil masaya ang mga kapatid niya.

“Nang sumunod na Pasko, binigyan ko ng panyo si Ann. Siniguro kong hindi mawala ang isang iyon. Nang mag-asawa siya at lumipat ng bahay, pinadalhan ko siya ng panyo sa Pasko sa pamamagitan ng koreo. Hindi ko siya binibigyan ng panyo ngayon dahil sa iniisip kong kailangan niya iyon. Binibigyan ko siya ng panyo para sabihin sa kanya na hinding-hindi ko malilimutan ang ginawa niya para sa unang Pasko namin na sama-sama kami.”

Ilang taon matapos itong ikuwento sa akin ni Inay, naipagdiwang namin ang Pasko na kasama ang buong pamilya namin. Sa gitna ng ingay at katuwaan, pinanood ko ang pagbubukas ng kapatid ko sa panyo. Nakita kong kumislap ang kanyang mga mata nang abutin niya at pisilin ang kamay ng aming ina. Naunawaan ko na. Hindi lamang iyon isang panyo. Iyon ang espesyal na alaala nila ng pagmamahal, mga regalo, at pagsasakripisyo. At, sa simpleng paraan nito, ipinaalala nito sa akin kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pasko—dahil sa regalong napakaganda at puno ng pagmamahal na nangailangan ng sakripisyo.

Paglalarawan ni Sam Lawlor