Dahil sa mga Pamilya
Naisip na ba ninyo ang lahat ng paraan na nabiyayaan kayo dahil sa pagiging bahagi ng isang pamilya?
Walang dalawang pamilya na magkatulad, gayunman ay inorden ng Diyos ang pamilya bilang “pinakamahalagang yunit ng lipunan sa buhay na ito at kawalang-hanggan.”1 Saanman kayo nakatira o anuman ang klase ng inyong pamilya, matutulungan kayo ng ebanghelyo sa pagkakaroon ng mas matibay na ugnayan at espirituwal na kalakasan sa pagdudulot nito ng mas malaking kaligayahan sa inyong pamilya. Basahin ang sinasabi ng mga tinedyer na ito mula sa iba’t ibang panig ng daigdig kung bakit mahalaga sa kanila ang pamilya.
Ang Pamilya ay Walang-Hanggan
Si Erin, na taga-North Carolina, USA, at ang kanyang pamilya (kaliwa) ay may iisang mithiin noon pa: ang maging walang-hanggang pamilya. Gayunman, hindi miyembro ng Simbahan ang ama ni Erin.
“Siyempre gusto ng nanay ko at mga kapatid ko na makabahagi ang aking tatay sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Napaligaya kami ng ebanghelyo ni Jesucristo, at gusto naming madama ni Itay ang kaligayahang ito. Gustung-gusto rin naming lahat na mabuklod magpakailanman bilang isang pamilya,” sabi ni Erin.
Dahil determinadong maging walang-hanggang pamilya, ginawa ni Erin at ng kanyang mga kapatid at ng nanay nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya para masunod ang mga kautusan at magkaroon ng malakas na pananampalataya, at sama-sama silang nagdasal para maantig ng ebanghelyo ang puso ng kanilang ama.
Bagama’t tumagal nang ilang taon, sa huli ay nabinyagan at nakumpirma ang tatay ni Erin. Sampung araw pagkatapos ng kanyang binyag, bininyagan niya ang mga nakababatang kapatid ni Erin. Hindi magtatagal matutupad na rin ang mithiin ng kanilang pamilya na mabuklod sa templo.
Ang Pamilya ay Nagdudulot ng Lakas at Suporta
Mula nang pumanaw ang kanilang ama, si Elizabeth at ang kanyang kapatid na si Enaw, na taga-Cameroon, Africa, ay nakaasa na sa kanilang ina. “Siya lagi ang tumutulong sa amin mula nang mamatay ang aming Itay. Pinagpapala at pinoprotektahan kami ng Diyos sa lahat ng aming ginagawa,” sabi ni Elizabeth.
Nagtipon ang pamilya ni Elizabeth (itaas) nang mamatay ang kanyang ama. At, pagkatapos nilang sumapi sa Simbahan noong 2010, nalaman nina Elizabeth at Enaw ang walang-hanggang kahalagahan ng pamilya.
“Isa sa mga pinakamahalagang bagay na natutuhan namin [mula sa ebanghelyo] ay ang tungkol sa kahalagahan ng pamilya,” sabi ni Elizabeth. “Naging mahalaga sa akin ang pamilya dahil sa pamamagitan ng aking pamilya, narating ko ang kung ano ako ngayon.”
Ang Pamilya ay Naghahatid ng Pag-unlad at Kapayapaan
Nalaman ni Adina, na taga-Switzerland, kung paano magkakatulungan ang mga miyembro ng pamilya na paunlarin ang mga talento habang sama-sama silang nasisiyahan sa mga makabuluhang paglilibang.2 Ang kanyang pamilya ay nagpaplano ng buwanang family outing kung saan nalalaman pa nila ang tungkol sa mga libangang kinawiwilihan ng bawat isa. “May pagkakataon kaming bigyan ang aming mga kapatid ng mas malalim na pananaw tungkol sa aming buhay at mga nais naming gawin,” sabi niya. Minsan, tinuruan ng kanyang Itay ang pamilya tungkol sa dog training (ibaba). “Nakatutuwang makita ang kanyang kasabikan at kung gaano siya kaligaya na ibahagi sa amin ang isang mahalagang bahagi ng kanyang buhay at kanya ring libangan,” paggunita ni Adina.
Sa pamamagitan ng mga aktibidad na ito ng pamilya, maraming natutuhang kasanayan si Adina. Napansin din niya na naging mas payapa ang kanyang buhay: “Ang pamilya ay isang lugar kung saan makapagpapahinga ako sa araw-araw na mga gawain ng buhay at mapapanatag, at magkakaroon din ng lakas at malalaman na hindi ako kailangang manindigang mag-isa sa buhay na ito. Ipinagpapasalamat ko ito dahil napakabilis ng takbo at napakaingay ng mundo ngayon. Natutuwa ako na may lugar ako para makapagpahinga at manumbalik ang aking sigla.”
Bagama’t maaaring magkakaiba ang kanilang mga dahilan, napag-alaman ng mga tinedyer na ito na makaaasa sila sa kanilang mga pamilya para sa kinakailangang suporta, kapayapaan, at pagmamahal.