Mula sa Misyon
Pagpapakain sa mga Nagugutom
Sa pamamagitan ng maliliit na paraan natugunan namin ang malalaking pangangailangan—kapwa sa pisikal at espirituwal.
Noong Disyembre 2004, naglilingkod ako noon bilang full-time missionary sa Lins, São Paulo, Brazil. Nagpasiya ang lokal na ward at branch na makibahagi sa taunang programang “Natal sem Fome” (Paskong Walang Pagkagutom) sa Brazil. Sa pakikipagtuwang sa ilang entidad o samahan—kabilang na ang mga sundalo mula sa Brazilian army, mga tagahatid ng sulat, at mga miyembro ng iba pang mga relihiyon—dumaan kami sa mga kapitbahayan para manghingi ng pagkain na kalaunan ay ibibigay sa mga taong nangangailangan sa lungsod. Sinamantala din namin ang malaking pagkakataong ito na mamigay ng mga pass-along card, o “mga kard ng pakikipagkaibigan” gaya ng tawag namin sa mga ito. Mga 2,000 kard ang naipamigay.
Maraming miyembro ang nagbanggit tungkol sa napakagandang damdamin na nadama nila habang naglilingkod at ibinabahagi ang diwa ng Pasko sa kainitan ng sikat ng araw sa Brazil. Napakagandang pagmasdan ang mga sundalo na namimigay ng mga pass-along card mula sa simbahan na hindi nila kinabibilangan.
Makaraan ang isang linggo nakatanggap kami ng 127 kahilingan na mabigyan ng Joy to the World na Pamaskong DVD na nagtatampok sa Mormon Tabernacle Choir. Nang sumunod na linggo nakatanggap kami ng 22 pang kahilingan. Sinimulan naming turuan ng kompanyon ko ang mga taong ito at nakapasok sa maraming tahanan bunga ng proyektong ito.
Hindi ko malilimutan ang galak at pagmamahal na nadama sa espesyal na proyektong iyon, nang tumulong kaming ipalaganap ang ebanghelyo at maghatid ng ginhawa sa maraming pamilyang nagugutom. Naibsan kapwa ang espirituwal at pisikal na pagkagutom.
Alam ko na sa pamamagitan ng maliliit at simpleng bagay (gaya ng pass-along card) maraming malalaki at kagila-gilalas na mga bagay (gaya ng kaligtasan ng kaluluwa ng mga tao) ang naisasakatuparan. Ang karanasang ito ay patunay na maraming oportunidad ang nakapalibot sa atin sa panahon ng Kapaskuhan at sa iba pang panahon upang maisakatuparan itong kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain.