Paano Magbibigay ng mga Regalo kay Cristo
Mula sa mensahe sa Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan noong 2010 na pinamagatang “Ang Kaloob na Tagapagligtas.”
Iyan ang diwa ng Pasko na naglalagay sa ating puso ng hangarin na magbigay ng galak sa ibang tao. Ang pagdiriwang ng Pasko ay tumutulong para tuparin natin ang ating pangako na laging aalalahanin ang Panginoon at ang Kanyang mga kaloob sa atin. At ang pag-alaalang iyan ay naghihikayat sa ating hangarin na bigyan Siya ng mga regalo.
Sinabi Niya kung ano ang maaari nating ibigay na makapagpapasaya sa Kanya. Una, maaari tayong magbigay, dahil sa pananampalataya sa Kanya, ng bagbag na puso at nagsisising espiritu. Maaari tayong magsisi at gumawa ng mga sagradong tipan sa Kanya.
Ikalawa, maibibigay ninyo sa Kanya ang regalo ng paggawa ng gagawin Niya para sa kanila. Sa aklat ni Mateo ay may mahabang listahan ng maaaring gawin. Doon ay mababasa natin ang mga salita ng ating Manunubos, na inaasam nating lahat na marinig at bigkasin kapag nakita natin Siya sa kabilang-buhay:
“Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?
“Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?
“At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?
“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:37–40).
Sa mga salitang iyon niliwanag ng Panginoon ang mga regalo ng pasasalamat na maibibigay natin sa Kanya. Bawat kabaitan sa sinuman ay nagiging kabaitan sa Kanya dahil mahal Niya ang lahat ng anak ng Ama sa Langit. At dahil nagdudulot iyan sa Kanya ng kagalakan, nagdudulot din ito ng kagalakan sa Kanyang Ama na dapat nating pasalamatan nang labis.
Marami sa inyo ang makakakita ng mga paraan sa Kapaskuhang ito na mapakain ang mga taong nagugutom. Sa paggawa nito, mapapasaya ninyo ang Panginoon. Subalit itinuro Niya sa atin na may paraan para makapagbigay ng mas mahalaga at nagtatagal na regalo. Sabi Niya, “Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw” (Juan 6:35). Sa lahat ng kabaitang ibinibigay natin para sa Kanya, ang pinakadakilang maihahandog natin ay ang ilapit sa Kanya ang ating mga minamahal at pinaglilingkuran, na tanging pinagmumulan ng buhay na walang-hanggan.