Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko sasagutin ang mga tanong ng mga kaibigan ko tungkol sa templo samantalang ako mismo ay walang gaanong alam tungkol dito?”
Mahirap magsalita tungkol sa isang bagay na hindi mo nauunawaan, at napakarami nating hindi mauunawaan tungkol sa templo hangga’t hindi tayo mismong nakakapunta roon. Sa labas ng templo maingat tayo sa pagtalakay sa mga ordenansa dahil sagrado ang mga ito. Gayunman, maaari pa rin nating pag-usapan ang tungkol sa mga pagpapala at layunin ng templo. Maaari nating sabihin sa ating mga kaibigan na sa loob ng templo ay natututuhan ng mga miyembro ang mga walang-hanggang katotohanan, natatanggap ang mga sagradong ordenansa para sa kanilang sarili, at naisasagawa ang mga ordenansang ito para sa kanilang mga ninuno at sa iba pang pumanaw na.
Kapag mas marami kang alam tungkol sa mga templo, mas handa kang sagutin ang mga tanong ng iyong mga kaibigan. Para madagdagan ang nalalaman, kausapin ang iyong mga magulang o mga lider ng Simbahan. Maaari mo ring basahin at ng mga kaibigan mo ang espesyal na isyu ng Liahona tungkol sa mga templo (Oktubre 2010) at hanapin ang mga sagot sa Mormon.org sa ilalim ng “Mga Templo” sa Frequently Asked Questions [Mga Bagay na Madalas Itanong].
Maaari mo ring ibahagi ang nadarama mo tungkol sa templo. Kung nakapasok ka na sa templo para magsagawa ng mga binyag o nakatuntong na sa bakuran ng templo, maaari mong banggitin sa mga kaibigan mo ang payapang damdamin na nadama mo habang naroon ka.
Kung itatanong ng mga kaibigan mo kung bakit hindi bukas para sa lahat ang templo, maaari mong ipaliwanag na dahil sagrado ang gawain sa loob ng templo, tanging ang mga handa sa espirituwal na bagay at mayhawak na balidong temple recommend ang makapapasok doon. Bago ilaan ang mga bagong templo, idinaraos ang isang open house upang makapasok ang mga tao sa komunidad at malibot ang templo at madagdagan ang nalalaman ukol dito. Pagkatapos mailaan ang templo, maaaring lumibot ang kahit sino sa mga bakuran nito. Kung maaari, yayain ang iyong mga kaibigan sa open house ng templo o kaya’y isama mo sa paglibot sa bakuran ng templo.
Anyayahan ang Iyong mga Kaibigan na Makipag-usap sa mga Misyonero
Kapag nagtatanong ang mga kaibigan ko tungkol sa templo, sinasabi ko na ito ang bahay ng Panginoon, kung saan maaari nating isagawa ang espesyal na mga ordenansa na naglalapit sa atin sa ating Ama sa Langit at dahil dito maaari tayong makabalik sa Kanyang piling. Tinatanong ko rin ang mga kaibigan ko kung gusto ba nilang makipag-usap sa mga missionary para marami pa silang malaman. Kapag sinabi nilang hindi, isinusulat ko ang kanilang mga tanong at ako mismo ang nagtatanong sa mga missionary. Pagkatapos ay ipinaaalam ko sa mga kaibigan ko ang napag-alaman ko. Sa ganitong paraan nadaragdagan din ang nalalaman ko tungkol sa templo.
Kimmie H., edad 13, Montana, USA
Maging Karapat-dapat sa Templo
Sasabihin ko sa mga kaibigan ko kung ano ang kinakatawan ng templo para sa akin: kaligayahan, kalakasan, sakripisyo, at mga pamilyang walang-hanggan. Ipaliliwanag ko kung paano manatiling karapat-dapat. Kung makikita nila na isa sa mga pinakamahalagang mithiin ko sa buhay ang mamuhay nang karapat-dapat sa templo, madarama nila ang kapangyarihan ng templo. Nakikita ng lahat ang panlabas na ganda ng templo, ngunit sa pamumuhay nang matwid, maipakikita ko sa mga kaibigan ko ang pag-asa at kaligayahan na dulot ng pagpasok sa templo.
Emma R., edad 18, Utah, USA
Anyayahan ang Iyong mga Kaibigan na Alamin Pa ang Tungkol Dito
Sabihin sa mga kaibigan mo ang lahat ng nalalaman mo—basta angkop ito. Sabihin sa kanila na hindi natin pinag-uusapan ang ilang bagay tungkol sa templo dahil sagrado ang mga ito. Kung may itatanong silang bagay na hindi mo alam, buong katapatang sabihin sa kanila na hindi mo alam ito. At kung nais nilang malaman pa ang tungkol dito, anyayahan silang magsimba at sabihin sa kanila na pinagpapala ng Diyos ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan nang dagdag na espirituwal na kaalaman. Naniniwala tayo na natututuhan ang mga espirituwal na bagay nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin.
Carmela B., edad 18, Pilipinas
Kausapin ang Iyong mga Magulang
Hanapin ang mga sagot. Basahin ang mga banal na kasulatan at magtanong sa mga teacher sa Sunday School. Maaaring masagot ang mga tanong; ang kailangan mo lang gawin ay maghanap. Ipagdasal ito! Kapag may mga tanong ako tungkol sa templo, nagtatanong ako sa mga magulang ko. Madali silang kausapin at handa silang tumulong.
Bryson B., edad 18, Utah, USA
Manalangin na Gabayan ng Espiritu ang Iyong Sagot
Sa pagsagot sa mga tanong ng mga kaibigan ko, nagdarasal muna ako sa Ama sa Langit at itinatanong kung ano ang dapat kong sabihin. Maaaring kailangang magtiyaga, ngunit sulit ang paghihintay na magabayan ka ng Espiritu sa iyong sasabihin. Pangalawa, magsimba at magpunta sa bautismuhan ng templo para tumanggap ng dagdag na espirituwal na kaalaman. Nang magtanong ang kaibigan ko tungkol sa templo, sinabi ko sa kanya na ang mga pagbibinyag ay ginagawa para sa mga yumao nating ninuno na hindi nagkaroon ng pagkakataong maging bahagi ng ebanghelyo noong nabubuhay pa sila. At sa langit ay maaari nilang piliing tanggapin o tanggihan ang ordenansa.
Lydia P., edad 13, Florida, USA
Ipakita ang mga Larawan ng mga Templo
Gustung-gusto kong basahin ang mga aklat na nagpapakita ng mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Nang tanungin ako ng isang kaibigan tungkol sa mga templo, alam kong hindi sapat ang paliwanag ko para tulungan siyang maunawaan ito. Kaya’t dinala ko ang aking aklat ng mga templo at ipinakita sa kanya kung ano ang templo, ang layunin ng templo, at kung gaano ang pasasalamat natin na mabisita ang templo. Nagpasiya akong yayain siyang magsimba sa araw ng Linggo, kung saan matutulungan siya ng mga missionary at mga Sunday School teacher na madagdagan ang kanyang nalalaman.
Jessica A., edad 18, Indonesia
Magpunta sa Templo
Kung sisikapin nating magpunta nang madalas sa templo, mas mauunawaan natin ang ating Ama sa Langit. Ibig sabihin makapagdarasal tayo sa Kanya tungkol sa mga tanong ng ating mga kaibigan. Kung kaunti lang ang alam natin tungkol sa templo, ibig sabihin kailangan nating mag-aral pang mabuti. Sa tuwina bago magpunta sa templo, pag-aralan at ipanalangin kung ano ang dapat mong isipin habang nasa templo. Sa gayon ay masasagot natin ang mga tanong na gaya ng “Ano ang damdamin mo ukol sa templo?”
Sara T., edad 14, Idaho, USA