2014
Isang Himala sa Araw ng Pasko
Disyembre 2014


Mga Pagbabalik-tanaw

Isang Himala sa Araw ng Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.

Tumitibok pa ang puso niya. Hindi nga lang katulad noong bago siya atakihin sa puso. Pero tumitibok pa rin ito.

Drawing of a sick husband with his wife in a hospital bed

Paglalarawan ni Julie Rogers

Panatag ang puso ko ngayong gabi. Bagamat ako’y nalulungkot, naghihinagpis, at nasasaktan. Pero payapa ang aking pakiramdam. Labis akong nagpapasalamat—matindi at marubdob na pasasalamat na parang may puwang na nabuksan sa aking kaluluwa para makaunawa, labis-labis na pasasalamat na damang-dama ko kaya hindi ko mapigil ang pagdaloy ng luha sa aking mga pisngi. Humihinga ang asawa ko. Naririnig ko iyon, malalim at mahina.

Dalawang oras pa lang ang nakalilipas, humiga ako sa kama niya sa ospital, na binabalewala ang mararahang pagsipa ng sanggol sa aking sinapupunan, at nakakita ako ng munting puwang sa gitna ng lahat ng kawad na nakakabit sa kanyang dibdib na mapaghihigaan ng ulo ko. Ang pakikinig sa tibok ng kanyang puso ay isang karanasang hindi ko malilimutan kailanman.

Tumitibok pa ang puso niya. Hindi nga lang katulad noong bago siya atakihin sa puso. Pero tumitibok pa ito.

Ang malamlam na liwanag mula sa Christmas lights na nakasabit sa paligid ng kuwarto ay nakakaginhawa sa akin ngayong gabi. Ang malamlam na liwanag nila ay nakapapanatag, ngunit ang tunay na ginhawa ay nagmumula sa pagkabatid na handang kalimutan ng tunay na mga kaibigan ang sarili nilang mga plano para sa Bisperas ng Pasko para magdekorasyon kapag inilipat ng kuwarto si Brian mula sa intensive care unit. Ang tatlong-talampakan (1 m) na Christmas tree ay nakatayo sa may bintana bilang simbolo ng kanilang pagmamahal.

Paano ko mapasasalamatan ang aming mga kaibigan? Malalaman kaya nila kung gaano kalaki ang pangangailangan at pasasalamat ko sa kanila? Samantalang wala akong maisip kundi ang asawa ko, minahal nila ang mga anak ko, nilinis ang bahay ko, nilagyan ng laman ang refrigerator ko, nilabhan ang mga damit namin, ibinalot ang aming mga regalo sa Pasko, at ipinadama ang kanilang pagmamahal sa akin sa kanilang mga yakap, hapunan, gift card, pera, tawag sa telepono, text, email, mensahe, bag ng mga pine cone na amoy-cinnamon, at isang maletang puno ng mga dekorasyon. Kasama ko silang umiyak at nanalangin at nag-ayuno. At sa paggawa ng lahat ng ito, ibinigay nila sa akin ang pinakamahalagang regalong maibibigay nila: ang kanilang oras o panahon. Mahal na mahal ko silang lahat!

Palagay ko makakatulog ako nang mahimbing ngayong gabi, dahil puspos ako ng pasasalamat sa kanilang lahat.

Ngunit higit sa lahat ay nagpapasalamat ako sa Panginoon para sa buhay ng aking asawa—ang malalim niyang paghinga, ang pagpintig ng kanyang puso, ang kanyang buhay na katawan at kaluluwa. Ang katotohanang buhay siya ay himala sa akin sa araw ng Pasko.