2014
Ang Pinakamaganda Naming Regalo sa Pasko
Disyembre 2014


Ang Pinakamaganda Naming Regalo sa Pasko

Adriana Nava Navarro, Bolivia

illustration of family sitting together

Bisperas ng Pasko noon, at nakatipon ang aming pamilya tulad ng ginagawa namin taun-taon para magdiwang. Malapit nang mag-alas-dose nang tawagin kaming lahat ni Itay, at sinabing may ipapakita siya sa amin.

Dahil sa lahat ng paghahanda at kasiglahan sa Bisperas ng Pasko, hindi namin napansin ng mga kapatid kong babae at ni Inay ang inihanda ni Itay para sa okasyon. Nang maayos na kaming nakatipong lahat, sinimulan niyang ipakita sa amin ang ilang larawan.

Sa kanyang slide show, na nagtampok sa isang ipinintang larawan ng Tagapagligtas, mga tagpo sa Pasko, at maingat na idinisenyong mga salita, ipinadama ni Itay ang pagmamahal niya sa amin. Ipinaalala rin sa amin ng kanyang pagtatanghal ang tunay na kahulugan ng Pasko at ang kaligayahan at pasasalamat na dapat naming madama sa pagsilang ng Tagapagligtas. Makikita rin sa isang slide ng makulay na Christmas tree ang mga salitang, “Sa Paskong ito ang pag-ibig ni Jesucristo ay magdudulot sa akin ng panibagong buhay.”

Ang pinaka-espesyal na bahagi ng pagtatanghal ni Itay ay nang gumamit siya ng isang slide ng ipinintang larawan ng Tagapagligtas para maghatid sa amin ng balita. Hindi iyon basta balita; iyon ang pinakamagandang balita sa lahat. Sa bandang itaas ng Tagapagligtas ay lumitaw ang mga salitang “Nagpasiya akong magpabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Sa wakas ay nagpasiya ang aming ama na sumapi sa Simbahan! Ang desisyong iyon ay maaaring madali para sa ilang tao, ngunit hindi para sa aming ama. Pinag-aralan niya ang ebanghelyo at ang tungkol sa Simbahan sa loob ng 25 taon. Sa kabila ng aming pinakamatitinding pagsisikap at ng maraming talakayan ng mga missionary, hindi pa rin siya nabinyagan. Hindi namin naunawaan ang dahilan, ngunit alam naming hindi pa siya handa.

Inaamin ko na may mga pagkakataong nadama ko na hindi na mabibinyagan ang tatay ko kahit kailan. Gayunman, sa aking kalooban, hindi ako nawalan ng pag-asa kailanman, at patuloy namin siyang ipinagdasal. Sa Bisperas ng Pasko, sinagot ng Panginoon ang aming mga dalangin.

Nang ipahayag ito ni Itay, noong una’y wala kaming nagawang lahat kundi umiyak sa tuwa. Halu-halo ang naramdaman namin—pananabik, pagkagulat, at higit sa lahat, isang napakalaking kaligayahan na mahirap ipaliwanag.

Hindi lang binago ng pahayag ni Itay ang Bisperas ng Pasko—binago nito ang buhay ng aming buong pamilya. Kailangan pa naming sikaping umunlad bilang mga indibiduwal at bilang pamilya, ngunit alam ko na mas madali nang sumulong ngayong magkakasama na kami sa Simbahan.

Labis akong nagpapasalamat sa Panginoon para sa pagpapalang ito. Sa loob ng ilang buwan ay mabubuklod na kami sa templo bilang pamilya. Ang pahayag ni Itay ang talagang pinakamagandang regalo sa Pasko.

Ang pinaka-espesyal na bahagi ng pagtatanghal ni Itay ay nang gumamit siya ng isang slide ng ipinintang larawan ng Tagapagligtas para ihatid sa amin ang pinakamagandang balita.