2014
Ang Pamaskong Kubrekama ni Inay
Disyembre 2014


Ang Pamaskong Kubrekama ni Inay

Jed Packer, Utah, USA

drawing of a woman wrapped in quilt by Christmas tree

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Nangyari ang isa sa mga pinakamalaking hamon sa buhay ko nang mamatay ang aming 10-taong-gulang na anak na babae dahil sa kanser sa utak. Ang kasabihang “Hindi mo iyan madadala sa langit” ay naging malinaw habang minamasdan namin ang kanyang silid isang Sabado ng hapon.

Wala na si Clarissa, ngunit bakas pa rin sa kanyang silid ang malinaw na katibayan ng panahong inilagi niya rito sa lupa. Kami na ngayon ang magpapasiya kung ano ang gagawin sa kanyang mga personal na gamit. Alam kong hindi magiging madaling magtapon ng kahit isang bagay, lalo na para sa asawa ko.

Dahil sa pag-aasikaso sa napakaraming detalyeng may kinalaman sa mga ospital, chemotherapy, at radiation ay halos wala na kaming oras para maglinis at mag-ayos.

Nagbalik ang mga alaala nang iempake namin ang mga bagay na inilagay niya sa kanyang headboard o bookshelf. Lahat ay may kahulugan sa amin—mula sa kanyang paboritong kumot, aklat, o kuwintas hanggang sa kanyang mga stuffed animal, aklat sa paaralan, at football. Napaiyak ang asawa ko nang magtanong kami kung ano ang gagawin sa bawat gamit.

Tinipon namin ang karamihan sa mga aklat ni Clarissa at dinala ito sa kanyang paaralang elementarya para magamit ng iba pang mga bata. Ibinigay namin ang kanyang tokador sa isang kapitbahay. Ang ilan sa mga damit niya ay napunta sa kanyang mga pinsan. Ang pagtutuon sa iba ay nakatulong upang maging magaan ang mawalay sa kanyang mga gamit.

Ilang linggo kalaunan, habang papalapit ang Pasko, tinanong ng dalawa kong tinedyer na anak na babae ang nanay nila kung puwede nilang gamitin ang ilang damit ni Clarissa para makagawa ng espesyal na regalo sa Pasko. Pinili nila ang bawat piraso ng damit ayon sa kahalagahan nito sa alaala ng pamilya at maingat na gumupit ng kuwadra-kuwadrado na kumakatawan sa mahahalagang sandali sa kanyang buhay.

Ilang araw bago sumapit ang Pasko, ipinakita nila at ng kanilang lider sa Young Women, na tumulong sa kanila sa pag-iisip ng ideyang ito, ang isang kubrekamang ginagawa nila. Hangang-hanga ako habang nakatingin sa bawat kuwadrado ng tela, na kumakatawan sa isang kaganapan sa buhay ni Clarissa: isang kuwadrado mula sa kanyang uniporme sa football, isang kuwadrado mula sa kamisetang binili namin para sa kanya nang magbiyahe ang pamilya, isang kuwadrado mula sa pajama na isinuot niya sa ospital. Bawat piraso, na katangi-tangi at napakaganda, ay nagpagunita sa akin ng panahong kapiling namin siya. Sinabi ko sa aking mga anak na napakaganda niyon. Alam kong magugustuhan ito ng kanilang ina.

Noong umagang iyon ng Pasko nakita ko ang isang regalong nagmula sa puso. Lagi kong maaalala ang ekspresyon ng asawa ko nang buksan niya ang regalo at nakita ang ginawa ng mga anak namin para sa kanya. Gabi-gabi simula noon ay nakakumot na sa kanya ang kanyang Pamaskong kubrekama, at ginugunita ang mga alaala at pinapangarap ang araw na muling magkakasama-sama ang aming pamilya—salamat sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Lagi kong maaalala ang ekspresyon ng asawa ko nang buksan niya ang regalo at makita ang ginawa ng mga anak namin para sa kanya.