2014
Mga Aral mula sa Sagradong Kakayuhan
Disyembre 2014


Mga Aral m ula sa Sagradong Kakayuhan

Mula sa isang mensahe sa CES devotional, na “Stand in the Sacred Grove,” na ibinigay sa California, USA, noong Mayo 6, 2012. Para sa buong mensahe, bumisita sa cesdevotionals.lds.org.

Hinihikayat ko kayong laging ilagay sa inyong puso’t isipan ang Sagradong Kakayuhan at maging tapat sa mga katotohanang sinimulang ihayag ng Diyos doon.

Noong 1993, apat na taon matapos akong tawagin sa Pitumpu, kami ng aking pamilya ay hinilingang maglingkod sa New York Rochester Mission. Kasama sa mission na iyon ang bayan ng Palmyra (kung saan halos buong 1820s ay nanirahan si Joseph Smith at ang kanyang pamilya) at ang Fayette (kung saan ang Simbahan ay inorganisa noong Abril 1830).

Magandang lugar iyon, na naliligiran ng mga burol na puno ng kakayuhan; malilinaw na lawa at sapa; at mababait at nakatutuwang mga tao. Iyon ay lugar din na ginawang sagrado ng mga nangyari doon.

Sa isang kakayuhan ng matataas na puno ng beech, oak, maple, at iba pang mga puno na wala pang kahalating kilometro ang layo sa kanluran ng tahanan ng pamilya nina Joseph at Lucy Mack Smith malapit sa Palmyra, nakita ng 14-na-taong-gulang na si Joseph Smith sa pangitain ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang banal na pagpapakitang ito, bilang tugon sa panalangin ni Joseph na malaman ang katotohanan hinggil sa relihiyon, ang nagpasimula sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa huling dispensasyong ito. Pinagpipitaganan din ang kakayuhang iyon sa kasaysayan ng Simbahan—isang lugar na ikinararangal nating tawaging Sagradong Kakayuhan.

Napamahal sa amin ng aking pamilya ang kakayuhang iyon at dama namin ang kasagraduhan nito. Madalas kaming magpunta roon. Bawat buwan kapag may dumating na mga bagong missionary at may paalis na mga patapos na sa kanilang misyon, dinadala namin sila doon.

Habang mapitagan akong naglalakad sa Sagradong Kakayuhan o nakaupo at nag-iisip sa mga bangkong naroon, madalas akong magmuni-muni tungkol sa saganang paglalarawan sa mga banal na kasulatan ng mga puno, sanga, ugat, binhi, bunga, at kagubatan. Ang isang taong matamang magmasid ay may ilang aral na matututuhan mula sa ecosystem doon. Nais kong ibahagi nang maikli ang apat sa mga aral na iyon.1

1. Ang mga puno ay laging lumalaki paharap sa liwanag.

photo of trees in the sacred grove

Mga paglalarawan ni Royce Bair

Sa Sagradong Kakayuhan, ang mga punong tumutubo sa gilid ng orihinal na gubat at sa gilid ng marami sa mga daanan sa looban ay tumubo palabas upang takasan ang mga sanga at dahon na nakatakip sa liwanag sa ibabaw nila at pataas upang sumagap ng sikat ng araw. Ang baluktot na mga katawan at sanga ay ibang-iba sa katabing mga punong lumalaki nang halos tuwid na tuwid. Ang mga puno, gaya ng halos lahat ng organismong nabubuhay, ay kailangan ng liwanag upang manatiling buhay. Gagawin nila ang lahat ng kaya nila upang masagap ang lahat ng sikat ng araw na masasagap nila para magkaroon ng photosynthesis—ang prosesong pinagdaraanan ng light energy para maging chemical energy.

Ang liwanag ay mas mahalaga sa pagpapasigla ng espirituwalidad kaysa ng kalikasan. Nangyayari ito dahil ang liwanag ay mahalaga sa ating espirituwal na paglago at sa katuparan ng ating lubos na potensyal bilang mga anak ng Diyos.

Kadiliman ang kabaligtaran ng liwanag at kumakatawan sa mga puwersa sa mundo na naghahangad na ilayo tayo sa Diyos at biguin ang Kanyang banal na plano para sa ating buhay. Karaniwan ay sa takipsilim o sa madidilim na lugar ibinubuhos ng mga puwersa ng kasamaan ang kanilang pinakamalaking impluwensya. Ang mga paglabag sa batas ng kalinisang-puri, pagnanakaw, paglabag sa Word of Wisdom, at iba pang mga asal na ipinagbabawal ng ating Ama sa Langit ay karaniwang nagaganap sa dilim. Kahit piliin nating gumawa ng mali sa liwanag ng araw, hindi natin mapipigilang madama ang kadiliman.

Mabuti na lang, ang Espiritu ni Cristo “ay nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa pamamagitan ng daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.

“At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging [sa] Ama” (D at T 84:46–47).

Maganda ang paglalarawan sa talatang ito tungkol sa likas na pagnanais ng mga anak ng Diyos na maghangad ng mga espirituwal na bagay, ang espirituwal na simbuyo ng damdamin na bigay ng Diyos sa ating lahat—kung hindi natin ito pipigilin—na lumapit sa liwanag at, sa paggawa nito, lumapit sa Diyos at sa Kanyang Anak at maging lalong katulad Nila. Sabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Sarili, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).

Hinihimok ko kayo na iwasan ang kadiliman ng kasalanan sa lahat ng masasamang anyo nito at puspusin ang inyong buhay ng Espiritu, katotohanan, at liwanag ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Magagawa ninyo ito sa pamamagitan ng paghahangad ng mabubuting kaibigan, nagbibigay-inspirasyong musika at sining, kaalaman mula sa pinakamagagandang aklat (lalo na sa mga banal na kasulatan), mga sandali ng taos na panalangin, tahimik na paggugol ng oras sa kalikasan, makabuluhang mga aktibidad at pakikipag-usap, at isang buhay na nakasentro kay Cristo at sa Kanyang mga turo tungkol sa pagmamahal at paglilingkod.

2. Ang mga puno ay kailangan ng oposisyon upang magampanan ang layunin ng paglikha sa mga ito.

photo of a row of stones in the sacred grove

Marami nang nasunod na teoriya tungkol sa pamamahala sa kagubatan sa pagdaan ng mga taon sa pangangalaga sa Sagradong Kakayuhan. Minsa’y isang test plot ang pinili para subukan ang tinatawag na release thinning (pagbabawas ng mga puno para kaunti lamang ang mag-agawan sa sikat ng araw at iba pa). Tinukoy ng mga forester ang inakala nilang potensyal na pinakamalalaki at pinakamalalagong batang puno sa test plot, at saka nila pinutol at pinungusan ang di-gaanong malalagong puno at ang kaagaw nitong maliliit na puno. Ipinalagay nila na kapag nabawasan ang nag-aagawan sa tubig, sikat ng araw, at nutrisyon mula sa lupa, magiging malaya ang mga piling puno na lumaki at lumago sa pambihirang mga paraan.

Pagkaraan ng ilang taon kitang-kita na kabaligtaran nito ang nangyayari. Nang mawala na ang mga kaagaw, naging kampante ang mga piling puno. Sa halip na umunat pataas sa liwanag, bumagal ang kanilang paglaki, naglabas sila ng maraming sanga sa ibaba na kalauna’y nawalan ng silbi nang matakpan ng maraming dahon sa ibabaw ang sikat ng araw. Walang puno sa test plot ang nakahambing sa laki o sigla ng mga punong kinailangang makipag-agawan at madaig ang oposisyon upang manatiling buhay.

Isa sa mga pangunahing doktrina ng Aklat ni Mormon ay na kailangang magkaroon ng “pagsalungat [oposisyon] sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Ang isang mundong may magkakasalungat ay nagbibigay ng mga pagpipilian sa pagitan sa mabuti at masama para magamit ang kalayaang pumili. Gayunman, mahalaga rin ang alituntunin na kailangang magkaroon ng oposisyon para magkaroon ng espirituwal na pag-unlad. Pag-unawa at pagsunod sa alituntuning ito ang susi sa pagtanggap at pagiging masaya sa buhay. Kailangan din ito upang makaranas ng kinakailangang personal na paglago at pag-unlad.

Sa malao’t madali, lahat tayo ay mahaharap sa oposisyon at paghihirap. Ang ilan sa mga ito ay resulta lamang ng mortal na buhay rito sa isang mundo ng kasamaan. Maaaring kasama rito ang mga puwersa ng kalikasan, karamdaman at sakit, mga tukso, kalungkutan, o kapansanan sa katawan o isipan. Kung minsa’y dumarating ang oposisyon at kagipitan dahil sa ating mga maling pagpili. Dapat tayong magpasalamat nang husto sa ating Tagapagligtas, na ang Pagbabayad-sala ay naglalaan ng paraan para maitama ang lahat ng pagkakamali.

Labis akong napanatag sa mga salita ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail noong halos hindi na makayanan ni Joseph ang kanyang mga pasanin: “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti” (D at T 122:7).

Ang ilang puno sa Sagradong Kakayuhan ay nagpapamalas na maaari tayong makinabang sa oposisyon at na sa pinakamahirap na sitwasyon tayo kadalasan maraming natututuhan. Ang mga punong ito ay kinailangang makabawi mula sa iba’t ibang uri ng oposisyon o paghihirap—isang tama ng kidlat, isang malakas na hangin, isang makapal na snow o yelo, pakikialam at pang-aabuso ng pabayang mga tao, at kung minsa’y panggigipit ng kalapit na puno. Sa masasamang sitwasyong ito lumalabas ang ilan sa pinakamatatag at nakakaakit na mga puno sa kakayuhan.

3. Ang mga puno ay higit na lumalago sa kagubatan, hindi sa pagkabukod.

photo of tree trunks in the sacred grove

Sa kalikasan hindi karaniwang makakita ng isang punong nakatayong mag-isa. Ang mga puno ay halos laging lumalago sa mga kakayuhan, at sa paglipas ng panahon nagiging gubat ang mga kakayuhan. Gayunman, ang Sagradong Kakayuhan ay higit pa sa simpleng grupo ng mga puno. Ito ay isang kumplikadong ecosystem na kinabibilangan ng maraming klase ng mga halaman at hayop.

May mamamalas na pagkakaugnay ang lahat ng iba’t ibang uri ng mga ligaw na bulaklak, palumpong, puno, kabute, lumot, ibon, mga hayop na katulad ng daga, kuneho, usa, at iba pang nilalang doon. Ang mga ito ay nag-uugnayan at umaasa sa isa’t isa para sa pagkain, kanlungan, at epektibong pagtutulungan at isang kapaligiran kung saan iikot ang gulong ng kanilang buhay.

Ang plano ng Diyos para sa ating buhay ay may gayon ding kaugnayan para sa atin. Pagsisikapan natin ang ating kaligtasan nang magkakasama, hindi nang nag-iisa. Ang Simbahan ay nagtatayo ng mga meetinghouse, hindi ng mga taguan ng ermitanyo.

Mula nang magsimula ang Panunumbalik, ipinag-utos nang magtipun-tipon tayo sa mga komunidad, kung saan tayo matututong mamuhay na magkakasundo at sumusuporta sa isa’t isa sa pamamagitan ng paggalang sa ating mga tipan sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10). Bilang mga anak ng Diyos, hindi tayo uunlad nang mag-isa na tulad ng isang puno na nag-iisa. Kailangan ng malulusog na puno ang ecosystem; kailangan ng malulusog na tao ang isa’t isa.

Mabuti na lang, inaasam nating lahat na makihalubilo sa lipunan, makisama, at magkaroon ng matatapat na kaibigan. Bilang mga miyembro ng walang-hanggang pamilya ng Diyos, lahat tayo ay nasasabik sa kasiyahan at seguridad na dulot ng malapit at matibay na mga ugnayang iyon. Bagama’t ang mga social networking site ay walang-alinlangang naglalaan ng isang uri ng pakikihalubilo, hindi nito mahahalinhan ang tapat, bukas, at harapang komunikasyong kailangang mangyari upang magkaroon ng tunay at nagtatagal na mga ugnayan.

Walang alinlangan na ang pinakauna at pinakamahusay na lugar para matutong makisama sa iba ay ang tahanan. Sa bahay natututo tayong maglingkod, maging di-makasarili, magpatawad, at magpasensya na mahalaga sa pagbubuo ng nagtatagal na mga kaugnayan sa iba.

Mabuti na lang, ang inspiradong organisasyon ng Simbahan ay naglalaan din ng mga sitwasyon kung saan tayo matututong makisama. Sa mga calling, miting, klase, korum, council, aktibidad, at iba’t iba pang pagkakataong makisama sa Simbahan, nagkakaroon tayo ng mga katangian at kasanayan sa pakikisama na maghahanda sa atin sa maayos na pagsasamahang iiral sa langit.

Patungkol sa nakatataas na kaayusang ito, sinabi ni Propetang Joseph Smith, “At yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (D at T 130:2).

4. Ang mga puno ay humuhugot ng lakas sa nutrisyong dulot ng mga naunang henerasyon ng mga puno.

photo of a tree with fungus at the base of tree

May isang pagkakataon na ipinasiya ng mga responsable sa pangangalaga sa Sagradong Kakayuhan na dapat linisin at ayusin ang kakayuhan. Sa gayon ay nag-organisa sila ng mga proyektong pangserbisyo upang alisin ang naputol na mga puno at sanga, maliliit na halaman, mga tuod, at nalaglag na mga dahon sa loob ng kakayuhan. Matapos itong gawin, hindi nagtagal ay nagsimulang mabawasan ang sigla ng kakayuhan. Bumagal ang paglaki ng mga puno, iilan lang ang tumubong mga bagong puno, nagsimulang maglaho ang ilang uri ng ligaw na bulaklak at halaman, at nabawasan ang dami ng mga ibon at iba pang mga hayop sa gubat.

Kalaunan, sa rekomendasyon na iwanang natural ang kakayuhan hangga’t maaari, hinayaan na ang naputol na mga puno at sanga na mabulok at patabain ang lupa. Hinayaan na ang mga dahon kung saan sila nalaglag. Ang mga bisita ay hinilingang manatili sa mga markadong daan para di-gaanong magambala ang kakayuhan at di-gaanong masiksik ang lupa sa loob ng kakayuhan. Sa loob lamang ng ilang taon, nagsimulang yumabong at manariwang muli ang kakayuhan sa pambihirang paraan. Ngayo’y mayabong ito sa halos dalisay na kalagayan, na may malalagong halaman at saganang mga hayop.

Ang aral na matututuhan sa karanasang ito ay mahalaga sa akin. Sa loob ng pitong taon naging pribilehiyo kong maglingkod bilang historian at recorder ng Simbahan. Bakit napakahalaga ng record keeping at pagkolekta, pag-iingat, at pagbabahagi ng kasaysayan sa Simbahan ni Jesucristo? Bakit napakahalagang malaman natin at paghugutan ng lakas ang nakaraang mga henerasyon? (Tingnan sa D at T 21:1; 69:3, 8.)

Nais kong sabihin na imposibleng mabuhay nang lubos sa kasalukuyan—at magplano para sa ating tadhana sa hinaharap—nang walang pundasyon ng nakaraan. Ang pag-unawa sa kaugnayan ng nakaraan sa kasalukuyan at sa hinaharap ay tinutulungan tayong mas lubos na pahalagahan ang pakahulugan ng Panginoon sa katotohanan ayon sa pagkahayag kay Joseph Smith: “Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa” (D at T 93:24).

Ang ating kaalaman tungkol sa ating nakaraan dahil sa mga talaang naingatan at tungkol sa ating hinaharap dahil sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta ay naglalaan sa atin ng kontekstong nagtutulot na magamit natin nang matalino ang ating kalayaan.

Mahalagang maging pamilyar tayo sa kasaysayan ng ating Simbahan, lalo na sa mga kuwento tungkol sa pagtatatag nito. Ang mga kuwentong ito—ang Unang Pangitain ni Joseph Smith, pagkalathala ng Aklat ni Mormon, mga pagbisita nina Juan Bautista, Pedro, Santiago, Juan, Elijah, Elias, at iba pa—ay naglalaman ng mga katotohanan ng pagtatatag kung saan ibinatay ang Panunumbalik.

Ang malungkot, sa panahong ito ng teknolohiya, kung saan laganap ang impormasyon—na ang ilan ay pinupulaan ang mga kaganapan at mga tao sa kasaysayan ng Simbahan—nasubukan ang pananampalataya ng ilang Banal sa mga Huling Araw at nagsimula silang mag-alinlangan sa matagal na nilang pinaniniwalaan. Sa nag-aalinlangang mga taong iyon ipinararating ko ang aking pagmamahal, pag-unawa, at pagtiyak na kung susunod sila sa mga alituntunin ng ebanghelyo at mapanalangin nilang patuloy na pag-aaralan ang kasaysayan ng Simbahan—na nag-aaral nang sapat upang magtamo ng mas kumpleto sa halip na mangilan-ngilan o kulang-kulang na kaalaman—pagtitibayin ng Espiritu Santo ang kanilang pananampalataya sa mahahalagang kaganapan sa kasaysayan ng Simbahan sa pamamagitan ng pagpapadama ng kapayapaan sa kanilang isipan. Sa ganitong paraan tatatag ang kanilang pananalig hinggil sa kasaysayan ng ipinanumbalik na Simbahan.

Katapusan

Noong naglilingkod kami sa aming misyon malapit sa Palmyra, may mga pagkakataon na mag-isa akong nagpupunta sa Sagradong Kakayuhan at mapitagang tumatayo sa tabi ng paborito kong “witness tree [punong saksi]”—isa sa tatlong buhay na punong tumubo sa kakayuhan nang maganap ang Unang Pangitain. Madalas kong isipin na kung makapagsasalita lang ang punong iyon, ikukuwento niyon sa akin ang nasaksihan nito sa araw ng tagsibol na iyon noong 1820. Ngunit hindi talaga kailangang magkuwento pa sa akin ang punong iyon—alam ko na.

Dahil sa espirituwal na mga karanasan at pakiramdam simula pa noong kabataan ko hanggang sa oras na ito, nalaman ko na ang ating Diyos Ama ay buhay. Alam ko rin na ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Alam ko na ang dalawang niluwalhating Nilalang na ito ay nagpakita kay Joseph Smith.

Ang maluluwalhating katotohanang ito ay nagsimula sa Sagradong Kakayuhan. Hinihikayat ko kayong tumayo palagi sa sagradong lugar na iyon sa inyong puso’t isipan at maging tapat sa mga katotohanang sinimulang ihayag ng Diyos doon.

Tala

  1. Pinasasalamatan ko si Robert Parrott, isang forester at naturalist na nagtatrabaho sa Simbahan na naninirahan sa Palmyra, sa pagpapaalam sa akin ng ilang impormasyon tungkol sa Sagradong Kakayuhan na ibinahagi ko.