2014
Ang Sagot sa Lahat ng Mahihirap na Tanong
Disyembre 2014


Ang Sagot sa Lahat ng Mahihirap na Tanong

Kapag naharap sa mahihirap na tanong, isang tanong lang ang mahalaga sa huli.

Depiction of Jesus and the woman taken in adultery.  They are both standing together.

Ang mga tanong natin sa buhay ay hindi palaging madaling sagutin. Ang ilan sa personal na mga hamon sa atin—halimbawa ang pagkamatay ng isang anak, panloloko ng isang kaibigan, o problema sa pera—ay kadalasang hindi madaling unawain, at kailangan natin ang mahabaging pagdamay ng mga tao sa ating paligid. Kung minsan ang pinakamahirap na pakikibaka sa ganitong mga sitwasyon ay ang tanggapin na mahal tayo ng ating Ama sa Langit at hindi Niya tayo pinarurusahan, bagama’t ang dahilan ng mga pagsubok, kung may dahilan man, ay hindi pa natin maunawaan sa ngayon.

Ang ilan sa pinakamahihirap na katanungan ay dumarating kapag ang ating pinaniniwalaan ay sinasalungat ng pabagu-bagong kalakaran sa kultura o ng bagong impormasyon, kung minsan ng maling impormasyon, na ibinabato sa atin ng mga tumutuligsa sa Simbahan. Sa gayong mga pagkakataon, tila ang ating pundasyon sa doktrina o kasaysayan ay hindi kasintatag ng inaakala natin. Maaari tayong matuksong pagdudahan ang mga katotohanang nabalewala natin at ang mga espirituwal na karanasang humubog sa ating pananampalataya.

Ano ang gagawin natin kapag pumasok sa ating puso ang pagdududa? May mga sagot nga ba sa mahihirap na tanong na iyon?

Oo, mayroon. Sa katunayan, lahat ng sagot—lahat ng tamang sagot—ay nakasalalay sa sagot sa isang tanong lamang: nagtitiwala ba ako sa Diyos nang higit sa lahat?

Simple Ngunit Hindi Madali

Napakasimple ba ng ganyang pananaw? napakadali?

Siguro nga. Ang katotohanan ay hindi palaging madaling makita, lalo na kung kailangan nitong makipagkumpetensya sa mga alternatibong nakalahad sa kaakit-akit na paraan. Kadalasan bahagi lamang ng katotohanan ang nauunawaan natin, samantalang ang kabuuan ay kailangan pang alamin. At sa pag-alam, nahaharap tayo sa di-komportableng posibilidad ng pagtalikod sa di-perpektong pagkaunawa ngunit nagbibigay-kapanatagan hanggang sa panahong ito. Ngunit ang pagtitiwala na may sagot ang Diyos sa lahat ng bagay, na mahal Niya tayo, at na sasagutin Niya ang lahat ng tanong natin—sa Kanyang paraan, sa Kanyang takdang-panahon—ay magpapadali sa ating paghahanap. Maaaring hindi laging madali, ngunit ang simpleng pagtitiwala sa payo ng Diyos ay makatutulong para hindi tayo malito.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 2013, ipinahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang malinaw na pagkaunawang ito:

“Natural lamang ang magtanong—ang binhi ng tapat na pagtatanong ay kadalasang sumisibol at lumalagong tulad ng malaking puno ng pang-unawa. May ilang mga miyembro ng Simbahan na, sa anumang pagkakataon, ay hindi nagkaroon ng anumang malalim o sensitibong tanong. Isa sa mga layunin ng Simbahan ang pangalagaan at linangin ang binhi ng pananampalataya—ito man ay nasa lupa ng pagdududa at walang katiyakan. Ang pananampalataya ay pag-asa sa mga bagay na hindi nakikita ngunit totoo.

“Kung gayon, mahal kong mga kapatid—mahal kong mga kaibigan—mangyaring pagdudahan muna ang inyong pagdududa bago ninyo pagdudahan ang inyong pananampalataya. Hindi natin dapat hayaang pigilan tayo ng pagdududa at ilayo tayo sa dakilang pagmamahal, kapayapaan, at mga natatanging kaloob na dulot ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”1

Ilang Alituntuning Makatutulong

Paano natin tapat na mapagdududahan ang ating mga pagdududa? Paano natin iaangkla ang ating pananampalataya sa matibay na bato ng paghahayag at hindi sa mabuhanging lupa ng pabagu-bagong pang-unawa ng tao? Maaaring makatulong na isaisip ang sumusunod na mga alituntunin.

Alituntunin 1: Talagang Walang Hanggan ang Nalalaman ng Diyos Kaysa Atin. Kapag naharap tayo sa mga tanong—ito man ay personal, tungkol sa lipunan, o tungkol sa doktrina—makakaasa tayo sa katotohanan na mas maraming alam ang Lumikha ng sansinukob kaysa atin. Kung tinugon man Niya ang isang paksa (at kung minsa’y hindi), maaari tayong magtiwala na ang Kanyang mga pananaw ay mas malinaw kaysa atin.

“Sapagka’t ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

“Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip” (Isaias 55:8–9).

Alituntunin 2: Ibinabahagi ng Diyos ang Ilan sa Kanyang Kaalaman. Ang epekto ng alituntunin 1 ay na ibinabahagi sa atin ng Diyos ang marami sa Kanyang nalalaman kapag handa na tayong tumanggap at handa Siyang ibigay ito. Kailangan lang nating ihanda ang ating sarili na tanggapin ito, at saka ito hanapin. Sinasagot ng mga banal na kasulatan ang maraming tanong. Ang isa sa malalaking kasiyahan sa buhay na ito ay ang maturuan ng Espiritu Santo gamit ang mga banal na kasulatan upang maghayag nang “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30) bilang tugon sa ating masigasig na pag-aaral.

May ilang tanong, lalo na ukol sa kasaysayan, na may makatwirang mga paliwanag, at kapag mas maraming impormasyon ang nahahayag dahil sa masigasig na pag-aaral, mas lumilinaw ang ating pananaw.

Mapalad din tayong magkaroon ng mga buhay na propeta at apostol para turuan tayo ayon sa inspirasyon ng langit. Hindi natin kailangang “[ma]pahapay dito’t doon at [ma]dala sa magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral.” Makapagtitiwala tayo na tutulungan tayo ng kanilang sama-samang patnubay “hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios.” (Tingnan sa Mga Taga Efeso 4:11–15.)

Alituntunin 3: Maaari Tayong Magtiwala sa Pagmamahal ng Diyos. Mahal na mahal tayo ng Diyos nang higit kaysa inaakala natin. Tayo’y Kanyang mga anak, at nais Niyang bumalik tayo sa Kanyang piling bilang mga nilalang na husto ang pang-unawa at niluwalhati na may kakayahang maging katulad Niya (tingnan sa Moises 1:39). Lahat ng payong ibinibigay Niya sa atin ay ibinibigay nang buong pagmamahal para pagpalain tayo magpasawalang-hanggan. Maaari tayong magtiwala nang lubusan sa pagmamahal na iyan.

“Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! at ang mga anak ng tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak” (Mga Awit 36:7).

Alituntunin 4: Kailangan Nating Hangarin ang mga Espirituwal na Pagpapatibay. Kung malaking bahagi ng karunungan ng daigdig ang tila salungat sa karunungan ng Diyos, hindi tayo dapat magtaka. Tutal, ayon sa banal na plano, nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo kung saan tayo napalayo sa piling at isipan ng Diyos. Nagpapahirap ang gayong kalagayan sa pag-unawa sa mga bagay na ukol sa Diyos, “sapagka’t sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. …

“Ngunit ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya: at hindi niya nauunawa, sapagka’t ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:11, 14).

Para maunawaan natin ang mga bagay na ukol sa Diyos, hindi tayo maaaring umasa na lamang sa karunungan ng tao. Kailangan natin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos “upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios. … [na] itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu” (I Mga Taga Corinto 2:12–13).

Nang mabinyagan tayo at makumpirmang mga miyembro ng Simbahan ni Cristo, binigyan tayo ng kaloob na Espiritu Santo. Sa kaloob na iyan, maaari tayong matuto mula sa Espiritu at tumanggap ng Kanyang nakapapanatag na mga pagpapatibay sa katotohanan. Ang pagtanggap ng gayong espirituwal na mga katibayan ay mas tiyak pumapawi sa pagdududa kaysa sa pinaka-nakakukumbinsing katwiran, at ito ay para sa lahat ng naghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal, masigasig na pag-aaral, at pagsunod sa mga utos ng Panginoon.

“Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7).

Alituntunin 5: Maaaring Kailanganin Nating Maghintay sa Panginoon. Kung minsa’y walang nangyayari sa pagsisikap nating unawain ang ating mga pagsubok at tanong sa buhay. Anuman ang gawin natin, hindi natin ito maunawaan. Parang sarado ang kalangitan. Diyan tayo matutulungan ng ating pagtitiwala sa Diyos na magtiyaga sa paghihintay sa Kanya. Hindi lahat ng tanong ay masasagot kaagad o maging sa buhay na ito. Hindi lahat ng pagsubok ay gagaan bago maghiwalay ang katawan at espiritu. Ngunit kung mahal natin ang Diyos nang higit sa lahat, kung nagtitiwala tayo sa Kanyang pagmamahal sa atin, makapagtitiis tayo nang may pananampalataya hanggang sa dumating ang araw na umangat ang tabing at maging malinaw ang lahat.

“Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kanya; at kaniyang papangyayarihin.

“At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.

“Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya” (Mga Awit 37:5–7).

Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.