Tingnan ang Nasa Loob!
Bago sumapit ang Pasko bumili ng isang kahong puno ng mga Aklat ni Mormon ang mga magulang ko para ipamigay sa mga tao. Noon ko naisip na magdala ng ilan sa paaralan at iregalo ang mga ito sa tatlo sa mga titser ko.
Pagdating ko sa music classroom, nakita ko ang titser ko sa musika at naisip ko, “Sige, Sophia. Bigyan mo siya ng isa!” Dahan-dahan akong lumakad papunta sa titser ko. Pero wala akong lakas-ng-loob na ibigay sa kanya ang aklat.
Nagpunta ako sa isang sulok ng silid at tahimik na nagdasal. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo akong ibigay ang aklat na ito sa titser ko.” Pagkatapos kong magdasal, nadama ko nang husto na dapat kong ibigay ang aklat sa kanya. Bigla akong nagkaroon ng lakas-ng-loob.
Nilapitan ko siya. Tumingin siya sa akin, at ibinigay ko sa kanya ang Aklat ni Mormon at sinabi ko, “Titser, mahal ko kayo mula sa kaibuturan ng puso ko, at gusto kong ibigay sa inyo itong Aklat ni Mormon!”
Kinuha niya ito at tiningnan ang pabalat. “Tingnan po ninyo ang nasa loob!” sabi ko. Nakita niya na may isinulat ako roon.
Niyakap niya ako at sinabing, “Oh, Sophia, salamat sa pagbibigay mo nito sa akin!”
Nang makaupo na ako, sinabi niya sa klase, “Tingnan ninyo ang ibinigay ni Sophia sa akin. Babasahin ko ito sa bakasyon!”
Pag-uwi ko, tumakbo ako kay Inay at sinabi ko, “Hulaan po ninyo! Binigyan ko po ang titser ko ng Aklat ni Mormon.”
Ngumiti siya at sinabing, “Magaling! Magandang halimbawa ka sa akin, Sophia.”
Nagpasiya kaming magdasal para pasalamatan ang Ama sa Langit sa pagbibigay sa akin ng lakas-ng-loob na ibigay sa titser ko ang Aklat ni Mormon.