Pagtulong sa Iba na Manampalataya kay Cristo
Mula sa isang mensahe sa Church Educational System fireside, “We Were the Greatest Generation,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Marso 6, 2011. Para sa buong mensahe, magpunta sa cesdevotionals.lds.org.
Hinahamon ko kayo na tulungan ang mga anak ng Diyos na ibalik ang kanilang pananampalataya kay Cristo at bumalik sa matatag na pundasyon ng relihiyon na napakahalaga para sa kapanatagan ng isipan at tunay na kaligayahan.
Sinabi ni Pope Benedict XVI, na nanangis sa panghihina ng mga simbahang Kristiyano sa Europa, Australia, at Estados Unidos, “Wala nang katibayan na kailangan ang Diyos, lalo na si Cristo.” Dagdag pa niya, “Ang tinatawag na tradisyonal na mga simbahan ay mukhang naglalaho na.”1
Lumayo na tayo sa tradisyonal na pagsamba. Mas maraming tao ang nagsasabi na sila ay espirituwal sa halip na relihiyoso. Kung akma ang isang turo sa uri ng kanilang pamumuhay, tinatanggap nila ito at nagiging bahagi ito ng kanilang pananampalataya. Kung hindi naman, gumagawa sila ng sarili nilang paraan ng pagsampalataya. Ang pananampalataya at espirituwalidad ay itinuturing ngayon na mga produktong nabibili. Napalitan at nahalinhan na ng materyalismo ang Diyos.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, kailangang marinig ang ating tinig na sumasalungat sa mapanganib na mga kalakarang ito na layong sirain ang pananampalataya ng sangkatauhan. Paulit-ulit tayong binabalaan sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtitiwala sa mga bagay na hindi nagtatagal sa halip na sa Diyos. Nang ilarawan niya ang panahon na maraming Nephitang nanghihina ang pananampalataya, sinabi ni Mormon: “Sila ay naging palalo, naging mapagmataas sa kanilang mga puso, dahil sa kanilang labis-labis na kayamanan; anupa’t sila ay naging mayayaman sa kanilang sariling mga paningin, at tumangging makinig sa … mga salita [ng mga propeta], na lumakad [na]ng matwid sa harapan ng Diyos” (Alma 45:24).
Kapag nakita ninyo ang panghihina ng pananampalataya ng lipunan kay Cristo, kailangang maging mas matatag at tiyak ang inyong sariling pananampalataya. Sabi ni Helaman, “Tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Ipinaaalala ni Nephi sa atin:
“Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan … [at] sa buhay na yaong na kay Cristo. …
“… Sapagkat ang tamang landas ay maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:26–28).
May pundasyon ba tayong susuporta sa pahayag na iyon?
Ang mga Simbolo ng Sakripisyo ni Cristo
Ang pinakamagandang nakatalang katotohanan sa buong kasaysayan ay ang salaysay tungkol sa pagsilang at misyon ng Panginoong Jesucristo sa lupa. Ang Kanyang misyon ay ipinropesiya noon pang panahon ng una nating mga magulang. Mababasa natin sa aklat ni Moises:
“At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay nanawagan sa pangalan ng Panginoon, at kanilang narinig ang tinig ng Panginoon sa daan patungo sa Halamanan ng Eden, nangungusap sa kanila, at siya ay hindi nila nakita; sapagkat sila ay pinagsarhan mula sa kanyang harapan.
“At siya ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, na kanilang nararapat sambahin ang Panginoon nilang Diyos, at nararapat ialay ang mga panganay ng kanilang mga kawan, bilang isang handog sa Panginoon. At si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.
“At pagkalipas ng maraming araw, isang anghel ng Panginoon ang nagpakita kay Adan, nagsasabing: Bakit ka nag-aalay ng mga hain sa Panginoon? At sinabi ni Adan sa kanya: Hindi ko batid, maliban sa iniutos sa akin ng Panginoon.
“At sa gayon nangusap ang anghel, nagsasabing: Ang bagay na ito ay kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan.
“Kaya nga, gawin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa pangalan ng Anak, at ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:4–8).
Kaya nga, pinasimulan ang mga pag-aalay sa lupa bilang ordenansa ng ebanghelyo, upang gawin at isagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood, na sagisag ng gagawing pag-aalay o sakripisyo ng Anak ng Tao, na magbubuwis ng Kanyang buhay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
Ang anyo ng ordenansa ay isinaayos upang idetalye ang mga bahagi ng sakripisyo ng Panginoon pagdating Niya sa kalagitnaan ng panahon. Itinakda ng sumunod na pag-aalay sa Paskua, halimbawa, na isang korderong lalaki na isang taon, na walang kapintasan o dungis, ang pipiliing ialay. Pinatulo ang dugo at iningatan na walang butong mabali—lahat ay simbolo ng paraan ng pagkamatay ng Tagapagligtas.
Kamangha-mangha na ang pag-aalay ng sakripisyo ay nagpatuloy sa paglipas ng mga panahon mula kay Adan hanggang sa panahon ng Tagapagligtas. Kahit nagdaan ang mga anak ni Israel sa maraming panahon ng apostasiya, ang pag-asa na magbabayad-sala ang Bugtong na Anak para sa mga kasalanan ng sangkatauhan at na gagawing posible ng kanyang nagbabayad-salang dugo ang imortalidad ay nanatili sa puso ng marami.
Ang nakaugaliang pag-aalay ng mga sakripisyo ay nagwakas matapos ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Pinasimulan ang sakramento para ipaalala sa Kanyang mga alagad na bumaba Siya at naglingkod sa lupa. Mababasa natin sa Lucas:
“At siya’y dumampot ng tinapay, at nang siya’y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito’y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
“Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito’y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo” (Lucas 22:19–20).
Muli akong namangha na ang paalalang ito, kahit sa madidilim na panahon ng apostasiya, ay kinaugaliang gawin sa maraming anyo at sa maraming paraan sa paglipas ng mga henerasyon hanggang sa panahon ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, nang ipanumbalik sa lupa ang kapangyarihan ng priesthood para isagawa ang sagrado at nakapagliligtas na ordenansang ito.
Sa paglipas ng lahat ng panahon ng nakatalang kasaysayan makikita natin palagi ang paalala ng misyon ng ating Tagapagligtas. Pumarito Siya sa lupa bilang isang tao na dalawa ang pagkamamamayan—isa sa Diyos at isa sa tao. Dahil dito ay naisagawa Niya ang Kanyang napakadakilang sakripisyo para sa ating lahat sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. May iba pa bang mas malakas na katibayan na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, kaysa sa pag-aaral at pamumuhay ng Kanyang nakapagliligtas na mga doktrina, na Kanyang inihayag sa lahat ng dispensasyon ng mundo? Naibigay na Niya sa atin ang Kanyang ebanghelyo upang gabayan at patnubayan tayo habang nabubuhay tayo sa daigdig.
Ang Ebanghelyo ang Solusyon
Sabi ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):
“Ang responsibilidad na ipakita sa mundo na lulutasin ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga problema nito ay nakasalalay sa mga taong nagpapahayag nito. … Naniniwala rin ako na bawat problema ng mundo ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.
“Ang solusyon sa malalaking problema ng mundo ay narito sa Simbahan ni Jesucristo. Sapat ang inilaan hindi lamang para sa mga pangangailangan ng bawat tao, kundi para din sa bansa at grupo ng mga bansa. … Inaamin ko na mukhang ipinagyayabang natin na tayo ang pinakamagaling, pero hindi naman. Ginagamit lang natin ang plano ng Diyos sa mga problema ng mundo. Kayong mga mayhawak ng priesthood ay may mas mabigat na responsibilidad ngayon, ngayong nabubuhay kayo sa sandaling ito sa kasaysayan ng daigdig, kaysa mga naunang panahon sa Simbahan. Inuulit ko ito. Kung ipinapahayag natin na nasa atin ang katotohanan, obligasyon ng bawat Banal sa mga Huling Araw na mamuhay sa paraan na kapag dumating ang mga tao ng mundo, na tumugon sa panawagan na tikman ang bunga ng puno, ay matagpuan nilang ito ay masarap at mabuti.”2
Ang dakilang mensaheng hatid natin sa mundo ay na ang ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas ay naipanumbalik na sa lupa. Ang Kanyang Simbahan ay naritong muli sa lupa na may kapangyarihan at kaluwalhatian ng banal na priesthood.
Ang mga taong naorden dito ay binigyan ng kapangyarihang kumilos para sa Kanya bilang Kanyang mga kinatawan upang ihatid ang mga doktrina, ordenansa, alituntunin, at kapangyarihang magbigkis sa lupa tulad ng pagbibigkis sa langit. Ito ang Simbahan ng Tagapagligtas. Pinamamahalaan Niya ang mga gawain ng Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang piniling mga propeta. Ang Kanyang mga propeta naman ay itinuturo ang ebanghelyo sa iba at pinatototohanan na si Jesus ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang panahong ito ngayon ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, na nabanggit ng mga propeta sa simula pa lamang. Ito ang panahon ng katuparan ng lahat ng nabanggit ng mga propeta ng Panginoon at nakatala sa mga banal na kasulatan. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi isang bagong simbahan kundi ang ipinanumbalik na Simbahan sa mundo sa panahong ito ngayon.
Kayo ang henerasyong inilaan ng Panginoon para sa panahong ito. Umahon kayo mula sa tubig ng binyag na may tipan at pangako sa Panginoon na magiging kinatawan Niya sa pagtulong sa mga tao na iwaksi ang kanilang mga makamundong pamumuhay at bumalik sa mga pagpapalang ipinangako sa atin kung susunod tayo sa Kanya at ipamumuhay natin ang Kanyang ebanghelyo. Matutulungan ninyo ang mga anak ng inyong Ama sa Langit na bumalik sa kinamulatan nilang paniniwala kay Cristo, manampalataya sa Kanya, at muling sumunod sa Kanya.
Ang Magagawa Ninyo
Maitatanong ninyo, “Ano ang magagawa ko?” Ilang buwan na ang nakararaan nagmungkahi ang aming stake president, habang nagsasalita sa sacrament meeting, ng apat na bagay na magagawa namin upang maibalik ang pananampalataya ng iba kay Cristo:
1. Manalangin araw-araw.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Sa inyong mga nakaririnig sa akin na nahihirapan sa mga hamon at pagsubok malaki man o maliit, ang panalangin ang nagbibigay ng espirituwal na lakas. … Ang panalangin ang paraan upang makausap natin ang ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Kausapin Siya sa panalangin at [pakinggan ang] kasagutan. Ang mga himala ay nagaganap sa pamamagitan ng panalangin. … Alalahaning manalangin nang taimtim.”3
Idaos ang inyong araw-araw na mga panalangin at tulungan ang iba na ibalik ang kanilang pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na lumuhod at manalangin sa Diyos.
2. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.
May mas malakas pa bang patotoo tungkol kay Jesucristo kaysa sa mga patotoong nababasa natin sa Aklat ni Mormon? Sa 239 na mga kabanata nito, 233 ang bumabanggit sa Tagapagligtas.4 Hindi ba kamangha-mangha?
Tiyaking pinag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan araw-araw. Pagkatapos ay tulungan ang iba na ibalik ang kanilang pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na pag-aralan din ang mga banal na kasulatan araw-araw.
3. Maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
Ang ilan sa inyo ay nakapunta na sa templo; ang iba ay hindi pa. Makabubuting maunawaan kung ano ang kailangan para makakuha ng temple recommend. Malinaw nating nauunawaan ang prosesong daraanan para makalapit tayo sa isang hukom sa Israel at pagtibayin sa kanya ang ating pagkamarapat na humawak ng temple recommend at pagkatapos ay mamuhay ayon sa mga pamantayang kailangan upang manatiling karapat-dapat sa recommend na iyon.
Mamuhay sa paraan na makikita sa inyong mabuting halimbawa kung paano maging marapat sa mga pagpapala ng templo.
4. Maglingkod araw-araw.
Alalahanin ang sinabi ni Haring Benjamin: “At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17). Talagang sinasagot ng Panginoon ang ating mga dalangin sa pamamagitan ng paglilingkod natin sa iba.
Maging halimbawa ng paglilingkod na tulad ni Cristo, at tulungan ang iba na ibalik ang kanilang pananampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng paghihikayat sa kanila na maglingkod sa iba.
Panibaguhin at Patatagin ang Inyong Katapatan
Alam ko na ang Diyos ay buhay. Alam ko na tayong lahat ay Kanyang mga anak at mahal Niya tayo. Alam ko na isinugo Niya ang Kanyang Anak sa mundo upang magbayad-sala para sa buong sangkatauhan. Alam ko na ang mga lubos na tumatanggap sa Kanyang ebanghelyo at sumusunod sa Kanya ay magtatamasa ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos. Alam ko na pinamahalaan ng Tagapagligtas ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa lupa sa pamamagitan ng ministeryo ni Propetang Joseph Smith. Alam ko na ang tanging nagtatagal na kagalakan at kaligayahang masusumpungan natin sa ating karanasan sa buhay na ito ay magmumula sa pagsunod kay Jesucristo, sa Kanyang batas, at sa Kanyang mga kautusan.
Inaanyayahan ko kayong panibaguhin at patatagin ang inyong katapatan. Inaanyayahan ko kayong tulungan ang mga anak ng Diyos na muling manampalataya kay Cristo at bumalik sa matatag na pundasyon ng relihiyon na napakahalaga para sa kapayapaan ng isipan at tunay na kaligayahan sa panahon ng pagsubok sa buhay na ito.
Nawa’y biyayaan kayo ng Diyos ng lakas-ng-loob, tapang, kasigasigan, at hangaring ipanumbalik ang pananampalataya sa ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas.