2014
Kailangan Niya ang Paglilingkod Ko Ngayon
Disyembre 2014


Kailangan Niya ang Paglilingkod Ko Ngayon

Jean Hedengren Moultrie, Washington, USA

Nakaupo ako sa harap ng makina at tinatahi ang mga gilid ng pranela. Mga padron na pambata na mapusyaw ang kulay ang nakapalamuti sa ibabaw, at magkakatugmang kulay ang nasa likod ng mga baby blanket na tinatahi ko.

Ang aming ward Relief Society ay nagtitipon ng mga newborn kit para sa mahihirap at napinsala ng kalamidad. Baguhan pa lang akong mananahi, pero desidido akong makibahagi. Natutuwa akong pumili ng tela para sa proyekto at gupitin ito sa sukat ng kumot.

Pinagdurugtong ko ang mga gilid ng tela, tinatahi ang mga ito, at may iniiwang bukas na bahagi para maibaligtad ang kumot para ang tamang bahagi nito ang nakalabas. Pagkatapos ay tinatahi ko ang mga gilid, iniipit ang mga sulok, ibinabaligtad ang kumot para nakalabas ang makulay na bahagi, at tinatahi ang bukas na bahagi.

Tinatahi ko ang ibabaw ng mga gilid para mas tumibay ang tahi. Maingat kong ipinapatong sa makina ang tela at mabilis itong tinatahi. Habang nagmamadali akong makatapos para mabalikan ko ang mga gawaing-bahay, may naisip ako: “Paano kung tinatahi ko ang kumot na ito para sa sanggol na si Jesus?”

Habang naiisip iyon, hindi na ako nagmadali at itinuwid nang maayos ang mga tutop. Ngunit kahit inayos ko na, hindi pa rin tuwid ang tahi ko.

Kasunod nito ay nagtahi ako ng 10-pulgadang (25 cm) kuwadrado sa gitna para mailapat ang tela sa harap at likod. Gumawa ako ng makapal na padron, iginitna ko ito sa kumot, at bahagyang minarkahan ang palibot nito. Inilatag ko ang tela sa makina, ibinaba ang karayom, at maingat na nanahi.

Kapag tapos na ako, pinuputol ko ang dulo ng mga sinulid at hinahatak ang natapos na kumot. Hindi ito kuwadrado—magkahalong trapezoid at parallelogram ang tabas nito.

Itinabi ko ang kumot, kumuha ako ng panibagong pranela, at nagsimulang muli—na higit na pinagbubuti ang paggawa nito para maging karapat-dapat ang regalong ito sa Maykapal. Ngunit kahit pagbutihan ko pa, mas maganda lang nang kaunti ang mga resulta. Bawat kumot na tinatahi ko ay hindi perpekto.

Pakiramdam ko’y hindi ko puwedeng dalhin ang alinman sa mga kumot sa collection site, kahit sa taon man lang na ito. Patuloy akong magpapraktis, at marahil balang-araw may maiaambag ako.

At may isa pang pumasok sa isip ko: “Kung hihintayin mong maging perpekto ang pananahi mo, mapupunta na ang batang Cristo sa Egipto.”

Naunawaan ko. Mawawala na ang pagkakataong maglingkod. Tinatanggap ng Tagapagligtas ang ating mga handog kapag ginagawa natin ang lahat sa abot ng ating makakaya, kahit hindi ito perpekto. Alam ko na ang isang bagong-silang na sanggol, na nakabalot sa malambot at malinis na kumot, ay hindi tatangging matulog dahil hindi kuwadrado ang mga sulok nito.

Nang pag-isipan ko kung may epekto ang mga pagsisikap ko sa mga pangangailangan ng buong mundo, naalala ko ang payo ni Cristo: “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).

Kaya patuloy akong nanahi ng mga kumot, at nagsisikap na gawing kaakit-akit ang mga ito sa abot ng makakaya ko. Alam kong kailangan ito ngayon, hindi sa iba pang panahon sa hinaharap kung kailan matatahi ko ang mga ito nang perpekto.