2014
Punuin ang Mundo ng Pag-ibig ni Cristo
Disyembre 2014


Mensahe ng Unang Panguluhan

Punuin ang Mundo ng Pag-ibig ni Cristo

Kapag naiisip natin ang Pasko, madalas nating naiisip ang pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo. Ang mga regalo ay maaaring bahagi ng isang itinatanging tradisyon, ngunit maaari din nitong masapawan ang simpleng karangalan ng panahon at maging hadlang sa pagdiriwang ng pagsilang ng ating Tagapagligtas sa makabuluhang paraan.

Alam ko mula sa personal kong karanasan na ang mga di-malilimutang Pasko ay maaaring iyong pinakahamak. Ang mga regalo noong bata pa ako ay tunay na hamak batay sa mga pamantayan ngayon. Kung minsan nakakatanggap ako ng kamisetang may sulsi o isang pares ng guwantes o medyas. Naaalala ko ang isang espesyal na Pasko nang bigyan ako ng kuya ko ng kutsilyong kahoy na nililok niya.

Hindi kailangan ang mamahaling mga regalo para maging makabuluhan ang Pasko. Naaalala ko ang kuwento ni Elder Glen L. Rudd, na naglingkod bilang miyembro ng Pitumpu mula 1987 hanggang 1992. Isang araw bago sumapit ang Pasko ilang taon na ang nakalilipas, habang pinamamahalaan niya ang isang bishops’ storehouse, nalaman niya mula sa isang lider sa simbahan ang tungkol sa isang pamilyang nangangailangan na kalilipat lang sa lungsod nila. Nang bisitahin niya ang kanilang munting apartment, natuklasan niya ang isang bata pang ina na mag-isang nagtataguyod sa apat na anak niya na wala pang 10 taong gulang ang mga edad.

Napakalaki ng pangangailangan ng pamilya kaya hindi makabili ang ina ng pagkain o mga regalo para sa kanyang mga anak sa Paskong iyon—ni hindi niya kayang bumili ng Christmas tree. Kinausap ni Brother Rudd ang pamilya at nalaman niya na magugustuhan ng tatlong batang babae ang manyika o stuffed animal. Nang tanungin niya ang anim-na-taong-gulang na anak na lalaki kung ano ang gusto nito, sumagot ang batang gutom, “Gusto ko po ng isang mangkok ng oatmeal.”

Pinangakuan ni Brother Rudd ng oatmeal ang bata at siguro’y may iba pa. Pagkatapos ay nagtungo siya sa bishops’ storehouse at nangalap ng pagkain at iba pang mga suplay para matugunan ang mga agarang pangangailangan ng pamilya.

Noong umagang iyon mismo isang mapagbigay na Banal sa mga Huling Araw ang nagbigay sa kanya ng 50 dolyar “para sa isang taong nangangailangan.” Gamit ang donasyong iyon, binihisan ni Brother Rudd ang tatlo sa sarili niyang mga anak at bumili ng mga Pamasko—ang kanyang mga anak ang pumili ng mga laruan para sa mga batang nangangailangan.

Matapos isakay sa kotse ang pagkain, damit, mga regalo, isang Christmas tree, at ilang dekorasyon, nagpunta ang mga Rudd sa apartment ng pamilya. Doo’y tinulungan nila ang ina at ang kanyang mga anak na itayo ang Christmas tree. Pagkatapos ay inilagay nila ang mga regalo sa ilalim nito at ibinigay sa batang lalaki ang malaking pakete ng oatmeal.

Napaiyak ang ina, natuwa ang mga bata, at nagkantahan silang lahat ng isang Pamaskong awitin. Noong gabing iyon nang magtipon sa hapunan ang pamilya Rudd, nagpasalamat sila na nakapagdulot sila ng kaunting galak sa Pasko sa isa pang pamilya at nabigyan ng isang mangkok ng oatmeal ang batang lalaki.1

Composite of several photo's from Thinkstock/Istock of the planet earth with stars, bowl of oatmeal, and spoon

Si Cristo at ang Diwa ng Pagbibigay

Isipin ang simple ngunit marangal na paraang pinili ng ating Ama sa Langit para ipagbunyi ang pagsilang ng Kanyang Anak. Noong banal na gabing iyon, nagpakita ang mga anghel hindi sa mayayaman kundi sa mga pastol. Isinilang ang batang Cristo hindi sa isang mansiyon kundi sa isang sabsaban. Nakabalot Siya hindi ng sutlang tela kundi ng lampin.

Ang kasimplihan ng unang Paskong iyon ang nagbadya ng buhay ng Tagapagligtas. Bagama’t Siya ang lumikha sa daigdig, namuhay sa karingalan at kaluwalhatian, at tumayo sa kanang kamay ng Ama, bumaba Siya sa lupa bilang isang sanggol na wala pang lakas at kakayahan. Ang Kanyang buhay ay huwaran ng maringal na pagpapakumbaba, at namuhay Siya sa piling ng mga maralita, maysakit, nalulungkot, at may mabibigat na pasanin.

Bagama’t Siya’y isang hari, hindi Siya naghangad ng papuri ni ng yaman ng mga tao. Ang Kanyang buhay, mga salita, at araw-araw na gawain ay mga halimbawa ng simple subalit matinding dignidad o karangalan.

Ipinakita sa atin ni Jesucristo, na lubos na nakakaalam kung paano magbigay, ang halimbawa ng pagbibigay. Sa mga tao na ang puso ay nalulumbay at nalulungkot, naghahatid Siya ng habag at aliw. Sa mga tao na ang katawan at isipan ay puno ng pagdaramdam at pagdurusa, naghahatid Siya ng pagmamahal at paghilom. Sa mga tao na ang kaluluwa ay nabibigatan sa kasalanan, nag-aalok Siya ng pag-asa, kapatawaran, at pagtubos.

Kung kapiling natin ang Tagapagligtas ngayon, matatagpuan natin Siya kung saan Siya laging naroroon—naglilingkod sa maamo, malungkot, mapagpakumbaba, may problema, at aba sa espiritu. Sa Kapaskuhang ito at sa tuwina, nawa’y magbigay tayo sa Kanya sa pamamagitan ng pagmamahal sa iba na katulad ng ipinapakita Niyang pagmamahal. Nawa’y maalala natin ang abang karangalan ng Kanyang pagsilang, mga kaloob, at buhay. At nawa, sa pamamagitan ng pagpapakita ng simpleng kabaitan, pag-ibig sa kapwa, at habag, ay punuin natin ang mundo ng liwanag ng Kanyang pagmamahal at nagpapagaling na kapangyarihan.

Tala

  1. Tingnan sa Glen L. Rudd, Pure Religion: The Story of Church Welfare since 1930 (1995), 352–53; tingnan din sa Glen L. Rudd, “A Bowl of Oatmeal,” Church News, Dis. 2, 2006, 16.

Larawan ng mga bituin na kuha ni Alexandrum79/iStock/Thinkstock; NG DAIGDIG NA KUHA NI ng mangkok na kuha ni seregam/iStock/Thinkstock; ng oatmeal na kuha ni Lisaison/iStock/Thinkstock; ng kutsara na kuha ni Okea/iStock/Thinkstock