Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Prinsipe ng Kapayapaan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga papel na ginagampanan ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
“Ang Tagapagligtas ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan,” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Nakakaranas man ng mga pagsubok sa buhay, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya, ang matwid na pamumuhay ay gagantimpalaan ng kapayapaan sa sarili.”1 Ang pag-unawa na si Jesucristo ang Prinsipe ng Kapayapaan ay makatutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan ng kalooban at magkaroon ng ibayong pananampalataya sa Kanya.
Sinabi ni Jesucristo: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33). Sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanang iyan, sinabi ni Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency: “Naawa sa akin ang Panginoon at tinulungan akong gumaan ang aking mga pasanin. Tinulungan Niya akong makadama ng malaking kapayapaan.”2
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamagandang lugar para sa kapayapaan … ay sa loob ng sarili nating tahanan, kung saan natin nagagawa ang lahat para maging sentro doon ang Panginoong Jesucristo.”3
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Isaias 9:6; Lucas 2:14; Juan 14:27; 1 Nephi 13:37; Doktrina at mga Tipan 59:23
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Ipinropesiya ni Isaias ang pagsilang ni Jesucristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan (tingnan sa Isaias 9:6). Sa mga lupain ng Amerika, sinabi ni Samuel na Lamanita ang mga palatandaang kaakibat ng pagsilang ni Cristo pagkaraan ng limang taon (tingnan sa Helaman 14:3, 5). Nang palapit na ang ipinropesiyang araw, nagbanta ang mga hindi naniniwala na papatayin nila ang lahat ng Kristiyano kung hindi magaganap ang mga palatandaang ito. Ang propetang si Nephi ay “nagsumamo nang buong taimtim sa Panginoon sa buong araw na yaon; at masdan, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanya, sinasabing: … Kinabukasan, paparito ako sa daigdig” (3 Nephi 1:12–13). Lumitaw ang mga palatandaan, at sa pagsilang ni Cristo, “ang mga tao ay nagsimulang magkaroong muli ng kapayapaan sa lupain” (talata 23).
Sa Betlehem, “ipinanganak [ni Maria] ang panganay niyang anak na lalake; at ito’y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban” (Lucas 2:7).