Ang Dead Sea Scrolls—Makatutulong sa Pag-unawa sa Makabagong Biblia
Sa simula ng 1947, tatlong pastol na kabilang sa Ta‘amireh Bedouin ang naghahanap sa isang nawawalang hayop. Isa sa kanila ang naghagis ng bato sa isang yungib at narinig niya na may nabasag na banga. Pagpasok nila sa yungib, nakita nila roon ang ilang malalaking banga, at ang ilan dito ay may mga scroll.* Nang sumunod na mga taon, natagpuan ng mga Bedouin at arkeologo ang ilang daang scroll sa 11 yungib sa hilagang-kanlurang baybayin ng Dead Sea.
Maraming iskolar ang naniniwala na ang Dead Sea Scrolls ang pinakamalaking tuklas ng arkeolohiya sa ika-20 siglo. Ang mga scroll ay naglalaan ng sinaunang talaan na naglalaman ng mahigit 900 teksto, na karamihan ay nakasulat sa orihinal na Hebreo ng Lumang Tipan. Mga 225 sa mga scroll ang naglalaman ng pinakalumang kopya ng Lumang Tipan (maliban sa aklat ni Esther), na mahigit 1,000 taon ang tanda kaysa mga kopyang ginamit noong Middle Ages. Ang petsa ng karamihan sa mga scroll ay nasa pagitan ng 150 b.c. at a.d. 68, bagama’t may ilang teksto na ang petsa ay noon pang third century b.c.
Bukod sa tradisyonal na mga teksto ng Biblia, kabilang din sa Dead Sea Scrolls ang Temple Scroll (na naglalarawan sa isang templong itatayo sa Jerusalem at sa ulirang pinagtipanang lipunan), ang War Scroll (na naglalarawan sa kaguluhan sa mga huling araw), at mga tekstong kahalintulad sa Biblia (gaya ng mga aklat nina Enoc, Noe, Melquisedec, at mga tipan nina Jacob, Juda, at Levi). Kakaunti ang nabanggit tungkol kay Enoc sa Biblia, ngunit sa mga scroll, si Enoc ay isang mahalagang tauhan—isang makapangyarihang propeta na may natatanging mga kaloob.
Karamihan sa mga scroll ay punit-punit na dahil sa kalumaan at pagkalantad sa mga elemento (hangin, ulan, atbp.), ngunit nakakuha ng maraming impormasyon ang mga iskolar kung paano isinasagawa ng mga eskriba ang kanilang gawain. Ang maingat at metikulosong paggawa ng mga eskriba ay tanda ng mataas na antas ng propesyonalismo at kahusayan sa pagkopya at paglilipat nila ng mga sagradong teksto mula sa isang henerasyon tungo sa susunod na henerasyon. Tayong mga nagmamahal at nagpapahalaga sa mga banal na kasulatan ay dapat na lubos na magpasalamat sa mga eskribang ito sa kanilang maingat na paggawa.
Kapag inisip natin ang mga sinaunang pamamaraan ng manu-manong pagpapasa ng mga teksto, matatanto natin na ang Biblia ay nagdaan sa pambihirang proseso para makaabot sa siglong ito. Ang Dead Sea Scrolls ay nagsisilbing saksi na ang Lumang Tipan ay naipasa sa loob ng maraming siglo nang may lubos na katumpakan. Dahil dito, dapat tayong magpasalamat sa mga propeta, eskriba, tagakopya, at sa lahat ng may kinalaman sa pagpapasa ng Biblia sa bawat henerasyon.