Ang Ating Paniniwala
Ang Ikapu ay Tumutulong na Maitatag ang Kaharian ng Diyos
Naniniwala tayo sa pagbibigay ng ikasampu ng ating kita sa Panginoon para makatulong sa pagtatatag ng Kanyang kaharian. Hinihingi sa batas ng ikapu na isakripisyo natin ang ilan sa ating materyal na kabuhayan para magtamasa tayo ng mas dakilang espirituwal na mga pagpapala.
Ang alituntunin ng ikapu ay sinusunod na noon pa mang unang ituro ang ebanghelyo sa lupa. Si Abraham, halimbawa, ay nagbayad ng mga ikapu sa high priest na si Melchizedek (tingnan sa Genesis 14:18–20). Inutusan ng Panginoon si Moises na turuan ang mga tao tungkol sa ikapu (tingnan sa Levitico 27:30–34). Kalaunan, nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, ibinigay Niya sa kanila ang batas ng ikapu (tingnan sa 3 Nephi 24). At sa ating panahon, ipinanumbalik Niya ang utos na ito sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 119).
Para masunod ang utos na ito, nagbibigay tayo ng ikasampu ng ating kita sa Panginoon sa pamamagitan ng lokal na mga lider ng priesthood. Ang pondo ay ipinadadala sa headquarters ng Simbahan, kung saan isang council na binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric ang nagpapasiya kung paano gagamitin ang mga sagradong pondo (tingnan sa D at T 120).
Tinutulutan ng ikapu ang Simbahan na magtayo at magmentena ng mga templo at meetinghouse, suportahan ang mga seminary at institute, maglaan ng mga materyal para sa mga miyembro ng Simbahan, at suportahan ang gawain sa misyon, templo, at family history.
Naniniwala kami sa kusang-loob na pagbabayad ng ikapu, “sapagka’t iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya” (II Mga Taga Corinto 9:7). Ang pagbabayad ng ikapu ay isang paraan na makatutulong tayo sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa at makapagpapasalamat sa Ama sa Langit sa pagbibigay sa atin ng lahat ng mayroon tayo. Gayunman ang pagbabayad ng ikapu ay naghahatid ng mas maraming pagpapala sa ating buhay. Tulad ng itinuro ni Malakias: “Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10). Ang mga espirituwal at temporal na pagpapala ay maaaring dumating sa lahat ng nagbabayad ng tapat na ikapu, kahit maliit lang ang halaga nito.