2014
Malakias
Disyembre 2014


Mga Propeta sa Lumang Tipan

Malakias

“Iniutos [ni Jesus] sa kanila na nararapat nilang isulat ang mga salitang ibinigay ng Ama kay Malakias” (3 Nephi 24:1).

Ang kahulugan ng pangalan ko ay “ang aking sugo,” at sa tungkuling iyon ay ipinarating ko ang “hula na salita ng Panginoon sa Israel.”1 Noong panahon ko, mga 450 taon bago isinilang si Cristo,2 marami sa mga Judio ang nawalan ng pag-asa at hindi na namuhay nang matwid.3 Pinagsabihan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng aking mga turo.

Ang mga saserdoteng Judio mula sa lipi ni Levi ay karaniwang nakatalaga sa pagsasagawa ng mga ordenansa, ngunit tiwali ang mga Levita sa panahon ko. Wala silang utang-na-loob, ayaw nilang purihin ang Diyos, at naghandog sila ng karumal-dumal na hain at nagsakripisyo ng mga hayop na may dungis.4 Nilabag nila ang tipan ng priesthood na ibinigay ng Diyos kay Levi.

Ang mga tao—hindi lamang ang mga saserdote—ay tiwali rin. Nangag-aasawa sila noon sa labas ng tipan, dinidiborsyo nila ang mga napangasawa nila noong bata pa sila, at ayaw nilang magbayad ng ikapu at mga handog.5

Ngunit kahit nagsalita ang Panginoon laban sa mga kasamaang ito, handa Siyang magpatawad dahil mahal Niya ang Kanyang mga tao: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.”6 Ang isang paraan para makabalik sa Panginoon ay dalhin “ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig.”7

Nagreklamo ang mga tao, “Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos: … silang nagsisigawa ng kasamaan ay [maunlad],”8 ngunit itinuro ko na ang mga pangalan ng mga taong “nangatakot sa Panginoon … at gumunita sa kaniyang pangalan” ay nakasulat sa “aklat ng alaala.”9

Ipinropesiya ko rin na sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon, ang masasama “ay magiging parang dayami” ngunit sa mga taong nangatatakot sa Kanyang pangalan “ay sisikat ang araw ng katuwiran na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak.”10

Ipinropesiya ko na bago sumapit ang Ikalawang Pagparito, darating ang propetang si Elijah upang ipanumbalik ang mga susi ng priesthood na “papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.”11

Sa pamamagitan ng aking mga turo, naunawaan natin na naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga tao at tinutupad ang Kanyang mga pangako sa Kanyang matatapat na anak. Nais Niya tayong manalig sa mga pangakong ito at, sa pamamagitan ng pagsisisi, makabalik sa Kanya.12

Larawan ng mga bato na kinunan ni Pavlo Vakrushev/iStock/Thinkstock; larawan ng dates na kinunan ng aksphoto/iStock/Thinkstock