2014
Pasko sa Ilalim ng mga Yero
Disyembre 2014


Pasko sa Ilalim ng mga Yero

Erwin E. Wirkus, Idaho, USA

illustration of a soldier decorating a tree for a family

Nang madestino ako sa Manila, Philippines, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, madalas akong makipagpulong sa isang maliit na grupo ng iba pang mga LDS servicemen para magdaos ng sacrament meeting. Sa isang miting napansin ko ang isang Pilipina sa likuran ng aming gusaling winasak ng bomba na nakasilip sa isang siwang na dati ay isang pintuan. Naisip ko na baka naakit siya sa pagkanta namin. Habang nakapikit ang aming mga mata para sa pangwakas na panalangin, tahimik siyang umaalis.

Sa isa sa sumunod niyang mga pagbisita, inanyayahan namin siyang sumali. Ang pangalan niya ay Aniceta Fajardo, at masaya niya kaming tinanggap bilang kaibigan. Sa patuloy niyang pagdalo sa aming mga pulong, nalaman niya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Dahil papalapit na ang Pasko, nagpasiya kaming bigyan si Aniceta at ang kanyang pamilya ng ilang regalo sa Pasko. Nagtipon kami ng mga de-latang gatas, karne, at mga gulay; dalawang kumot; at isang medical kit, na may kasamang penicillin para magamot ang maysakit na apo ni Aniceta.

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko dinala namin ang mga regalo at nagpunta kami sa bahay ni Aniceta. Nakatira siya kasama ang kanyang anak na babae at apong lalaki sa ilalim ng mga yerong nakasandal sa pader na yari sa semento—na labi ng isang gusaling binomba. Naisip namin kung paano sila mananatiling ligtas sa gayon kaliit na kanlungan tuwing umuulan na madalas mangyari sa panahong iyon.

Isa sa aming mga sundalo ang humatak ng isang sanga mula sa puno ng mangga at ibinaon ito sa lupa. May nakita kaming maliliit na bagay na pandekorasyon sa sanga.

Masaya at namamanghang nakamasid si Aniceta at ang kanyang pamilya. Nang makita nila ang dala naming mga regalo, ang kanilang katuwaan ay nauwi sa mga luha ng kaligayahan at pasasalamat. Matagal na silang hindi nakakita o nakakain ng gayong pagkain, at iyak sila nang iyak kaya’t ilang sandali silang hindi nakapagsalita.

Dahil Bisperas ng Pasko, nabaling ang aming isipan sa aming tahanan at mga mahal sa buhay. Naisip ko ang cablegram na natanggap ko dalawang araw bago iyon, na nagsasabi sa akin na tatay na ako. Ibinahagi namin ang aming mga damdamin, at nagwakas sa aming patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa ipinanumbalik na ebanghelyo.

Tiniyak namin sa kahanga-hangang pamilyang ito na mahal sila ng Tagapagligtas. Napanatag sila sa aming mga sinabi, at nakadama kami ng kapayapaan noong gabing iyon. Pagkatapos ay nagpaalam na kami sa mahal naming mga kaibigan at binati sila ng maligayang Pasko.

Hindi nagtagal at inilipat ako sa ibang lugar, at hindi ko na muling nakita pa si Aniceta o ang kanyang pamilya. Ngunit makalipas ang maraming taon binuklat ko ang Church Almanac sa isang bahagi tungkol sa Pilipinas at nabasa ko na si Aniceta Pabilona Fajardo ang unang Pilipinong sumapi sa Simbahan sa kapuluan.1 Napakagandang pagpapala ang isipin ang mga binhing ipinunla sa Kapaskuhan noong 1945.

Tala

  1. Tingnan sa “Philippines,” Deseret News 1991–1992 Church Almanac, 157; mga huling isyu ng Church Almanac ang baybay ng pangalan ni Sister Fajardo ay Aneleta.

Humatak kami ng isang sanga mula sa puno ng mangga at ibinaon ito sa lupa. Masaya at namamanghang nakamasid si Aniceta at ang kanyang pamilya.