2014
Ang Nawawalang 500 Taon: Mula kay Malakias Hanggang kay Juan Bautista
Disyembre 2014


Ang Nawawalang 500 Taon: Mula kay Malakias Hanggang kay Juan Bautista

Maituturo sa atin ng 500 taon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan ang tungkol sa mga kalagayan sa sinaunang Palestina bago dumating si Jesucristo at matutulungan tayong panibaguhin ang ating pangakong sundin ang Tagapagligtas.

Nang mamatay ang propetang si Malakias noong mga 450 b.c., wala nang narinig na tinig ng tunay na propeta sa loob ng mga 500 taon. Alam natin na ito ang panahon sa pagitan ng dalawang tipan—ang puwang sa pagitan ng mga dispensasyon sa Luma at Bagong Tipan. Dahil walang propeta, ang mga tao sa lupain ay nagsimulang mahati sa mga partido at grupo, bawat isa’y nagsasabing may karapatan siya na bigyang-kahulugan ang mga banal na kasulatan at pamunuan ang mga tao. Ang tamang pagkaunawa tungkol kay Jehova ay naglaho sa mga grupong ito. Sinundan ito ng mahabang panahon ng kalituhan, na nagwakas nang magpadala ang Diyos ng isang bagong propeta, si Juan Bautista, para pasimulan ang isang bagong dispensasyon. Bagama’t tinuruan ni Juan Bautista at ng Tagapagligtas ang mga tao, hindi pa rin nawala sa marami ang mga tradisyon at paniniwalang nabuo at tumindi sa mga panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan. Kapag naunawaan natin ang 500 taon na ito at ang kalituhang kaakibat nito, higit nating mauunawaan ang ministeryo ng Tagapagligtas at mapapanibago ang ating pangakong sundin Siya.

Pagkataboy at Pagkaalipin: Ang Kabayaran ng Pagsuway

Ang mga propetang tulad nina Isaias at Jeremias ay nagbabala sa mga mamamayan ng Jerusalem na kung patuloy nilang lalabagin ang kanilang mga tipan sa Panginoon, wawasakin ang lungsod at ang kanilang templo. Nagkatotoo ang propesiyang ito nang unang sakupin ng Babilonia ang Juda noong mga 600 b.c., at winasak ang mga nayon, bayan, lungsod, at relihiyon nito.

Sa huli ay bumagsak ang Jerusalem noong 587 b.c., at ang itinaboy na mga Judio ay sapilitang pinaalis sa nawasak nilang bayan (tingnan sa Mga Awit 137:1). Iilang tao ang nanatili sa loob at paligid ng Jerusalem—kabilang na ang mga Samaritano, na sa huli ay nagsipag-asawa ng mga hindi Israelita (tingnan sa Jeremias 40:7, 11–12). Kalaunan ang mga itinaboy ay nagsimulang bumalik sa Palestina at muling binuo ang kanilang mga tahanan at relihiyon (tingnan sa Ezra 3). Ang templo sa Jerusalem, na muling itinayo noong 515 b.c., ay muling naging sentro ng pagsamba ng mga Judio.

Dahil tinanggihan ng mga Judio ang alok na tulong ng mga Samaritano sa muling pagtatayo ng templo, nagtayo ng kahaliling templo ang mga Samaritano sa huling bahagi ng ikaapat na siglo sa Bundok Gerizim, mga 40 milya (64 km) sa hilaga ng Jerusalem. Sa gayon, ang pagsamba at paniniwala kay Jehova ay nahati sa pagitan ng bagong templo sa Bundok Gerizim at sa templo sa Jerusalem dahil bawat isa ay nagsasabing nasa kanila ang awtoridad ng priesthood (tingnan sa Juan 4:20).

Ngunit hindi nagtagal ang panunumbalik na ito sa relihiyosong pamumuhay. Pagkatapos ni Malakias, gaya ng ipinropesiya ng propetang si Amos, nagpadala ang Panginoon ng “kagutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon” (Amos 8:11). Ang malaking pagbabagong ito ay nagkaroon ng malaking epekto nang tangkaing unawain at ipamuhay ng mga tao ang batas nang walang mga turo at pagbibigay-kahulugan ng isang propeta.

Ang mga Sitwasyon sa Panahon ng Apostasiya

Bunga ng apostasiyang ito, nahati ang mga tao sa mga grupong iba-iba ang mga hangarin ukol sa pulitika, relihiyon, at lipunan. Magkakaiba rin ang kanilang mga paniniwala at tradisyon tungkol sa Mesiyas. Sinikap ng mga grupo ng relihiyon na ipamuhay ang batas ni Moises ayon sa pagkaunawa nila rito, ngunit bawat grupo ay iba ang pakahulugan sa mga banal na kasulatan ayon sa iba-ibang pananaw kaya’t lalong nagkawatak-watak ang lipunan ng mga Judio. Bunga nito, ang totoong kaalaman tungkol sa kung sino ang Tagapagligtas ay naging magulo.

Nang hindi na marinig ang tinig ng mga propeta, ang mga saserdote at kapwa nila manggagawa sa templo, ang mga Levita, ang naging pinakamahahalagang pinuno sa kalipunan ng mga Judio at inangkin nila ang karapatan na bigyang-kahulugan ang banal na kasulatan. Gayunman, ang katungkulan ng mataas na saserdote ay napuno ng katiwalian dahil ito ay nabibili at naibebenta sa panahong ito.

Nadama ng maraming Judio na hindi ginagampanan ng mga saserdote at Levita ang kanilang tungkuling ituro nang wasto ang batas (tingnan sa Deuteronomio 33:10), kaya’t may nabuong panibagong grupo na naghangad na ituro ang batas. Kilala bilang mga eskriba, itinulad nila ang kanilang sarili kay Ezra, na tinulungan ang kanyang mga tao na madama na kailangang matutuhan at sundin ang batas (tingnan sa Ezra 7:25; Nehemias 8:1–8).

Sinakop ni Alexander the Great ang rehiyon noong 332 b.c. Nang mamatay siya, ang kanyang kaharian ay pinaghati-hatian ng kanyang mga heneral. Dumating ang panahon na sumailalim ang Palestina sa pamumuno ng mga emperador ng Seleucid na ang wika ay Griyego. Noong 167 b.c., ipinagbawal ng mga pinunong Seleucid ang relihiyon ng mga Judio, at ipinagbawal ang pagpapatuli at nilapastangan ang templo sa pamamagitan ng pag-aalay ng baboy sa altar. Tumutol ang maraming Judio, sa pamumuno ng isang pamilyang kilala bilang mga Maccabee o Hasmonean. Ang paghihimagsik—na tinawag na Maccabean War—ay nagpalaya kalaunan sa mga Judio at lumikha ng bansang Judio sa unang pagkakataon simula nang bumagsak ang Jerusalem. Kasabay nito, isa pang grupo ng relihiyon ang nabuo na kilala bilang mga Hasidean, “ang mga taong relihiyoso.” Ipinakita nila ang kanilang katapatan sa Diyos sa pagsisikap na sundin ang bawat aspeto ng batas ni Moises ayon sa pagkaunawa nila rito.

Nagsulputan din ang iba pang mga relihiyon sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan, at bawat isa ay nagsasabing sila lang ay may karapatang magbigay-kahulugan sa mga banal na kasulatan. Ang mga Fariseo ay isang indipendiyenteng grupo ng relihiyon na nabuo kaagad pagkatapos ng Maccabean War. Naging napakalakas ng impluwensya nila sa lipunan ng mga Judio sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa mga batas ukol sa pagkain at kadalisayan ng ritwal, mga aspetong naaayon lamang sa sinasambit nilang mga tradisyon, hindi sa banal na kasulatan. Sa kanilang mga tahanan, sinisikap nilang kumilos na para bang nakatira sila sa templo.

Ang mga Saduceo naman, sa kabilang banda, na hindi pa matukoy kung saan nagmula, ay tinanggihan ang awtoridad ng tradisyong iyon at mahigpit na nanangan sa limang aklat ni Moises, at tinalikuran ang mga isinulat ng iba pang mga propeta. Karamihan sa mga kasapi sa grupong ito ang mayayaman sa lipunan ng Jerusalem. Nang isilang si Jesus, napalaganap na nila ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng sapilitang pagkontrol sa templo sa Jerusalem.

Bawat isa sa mga grupong ito ng relihiyon ay iningatan ang mga tradisyon at doktrina na pinaniniwalaan nilang mahalaga sa tapat na pamumuhay. Ngunit dahil wala silang patnubay ng isang tunay na propeta, umasa na lamang sila sa sarili nilang pang-unawa.

Paghihintay sa Isang Bagong Dispensasyon

Anuman ang kanilang paniniwala, inasam pa rin ng mabubuting kalalakihan at kababaihan ang pagdating ng Mesiyas sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan. Nag-awitan ang mga makata, at ang karaniwang mga mamamayan naman ay nagdasal, nag-usap-usap, at nangarap sa Kanyang pagdating—isang Hari na mula kay David na nakatadhanang iligtas ang Kanyang mga tao.

Ang isang grupong naghihintay sa Mesiyas ay ang mga Essene, na nabuo noong nagkakagulo ang mga Maccabean. Naniwala ang mga Essene na ang mga saserdote ng templo sa Jerusalem ay tiwali at kailangang magkaroon ng malaking pagbabago sa templo. Sa kanilang pananaw, ang pagdating ng Mesiyas ay malapit na. Sila ay naniwala na sasamahan Niya sila upang pabagsakin ang nagpapahirap na imperyo ng Roma, na ang mga pinuno ay sinakop ang Palestina sa loob ng mga 60 taon bago isinilang si Jesus.

Tulad ng Reformation na naganap bago ang Pagpapanumbalik, ang panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan ay kinapapalooban din ng mga pangyayaring naghanda sa mundo para sa pagparito ni Jesucristo. Sa panahong ito ay kapansin-pansin ang paglilimbag ng mga literatura ukol sa relihiyon, kabilang na ang pagsasalin ng Bibliang Hebreo sa wikang Griyego at ang pagsisimula ng pagkakaroon ng Dead Sea Scrolls at ng Apocrypha. Sa panahong ito nabuo at nilinaw ang mga ideya tungkol sa mga anghel, pagkabuhay na mag-uli, at ang mga konsepto tungkol sa langit at impiyerno.

Gayunman, dahil walang propetang gagabay sa kanila, nagtalu-talo ang mga Judio hinggil sa kahulugan ng mga banal na kasulatan at kung sino ang magiging Mesiyas. Habang hinihintay ng karamihan sa mga tao ang isang Mesiyas na mula kay David (nagmula sa angkan ni Haring David), inaasam naman ng iba ang isang Mesiyas na mula sa angkan ni Aaron—isang mala-saserdoteng Mesiyas. Ang iba naman ay hindi umaasang darating ang Mesiyas.

Napakaraming inasam ang iba’t ibang grupo sa panahon sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan kaya nga hindi na alam ng mga grupo kung paano makikilala ang tunay na Mesiyas nang dumating Siya sa kanilang kalipunan. Wala ni isa sa mga grupo—mga eskriba, Fariseo, Essene, o Saduceo—ang tumanggap kay Juan Bautista bilang propeta o kay Jesus bilang Mesiyas. Ilang miyembro ng mga grupong ito ang naging matinding kaaway nina Juan at Jesus sa panahon ng kanilang ministeryo (tingnan sa Mateo 21:23–46).

Ang mga debate at pagtatalo tungkol sa Mesiyas ay nagpatuloy sa magkakaibang grupo. Ipinahayag ng unang propeta ng bagong dispensasyon, si Juan Bautista, ang pagdating ng tunay na Mesiyas at nilinaw ang uri ng kaligtasang ilalaan Niya. Sa pagtukoy kay Jesucristo, sinabi ni Juan, “Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan” (Juan 1:29). Maraming Judio ang tumanggap kay Juan habang inihahanda niya ang mga tao sa pagdating ni Cristo.

Nang simulan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo, nagturo Siya sa mga tao “tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba” (Mateo 7:29). Marami Siyang tinalakay sa mga pinuno ng relihiyon, na naglilinaw sa mga doktrina ng kasal, pagkabuhay na mag-uli, sa Panguluhang Diyos, at sa Kanyang papel bilang Tagapagligtas. Dahil tinanggihan Siya ng marami sa mga pinuno ng relihiyon (tingnan sa Mateo 26:4), sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako’y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.” Dagdag pa Niya, “Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako” (Juan 8:19, 42).

Dahil ang inasahan nila ay isang Mesiyas na kakaiba kay Jesus, tinanggihan nila Siya. Salamat na lamang at nabubuhay tayo sa panahon na ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay nakatatag sa pundasyon ng mga turo ng mga propeta at apostol (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:20). Hindi na natin kailangang pumili sa iba’t ibang magkakasalungat na espirituwal na impluwensya na sumusulpot nang walang patnubay ng mga propeta at apostol. Habang sinusunod natin ang ating mga propeta at apostol sa mga huling araw, mauunawaan natin ang tunay na doktrina ng Tagapagligtas na si Jesucristo, tulad ng pagkahayag nito kay Propetang Joseph Smith:

“Sapagkat siya ay [aking] nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at [aking] narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos” (D at T 76:23–24).

700 b.c.

600 b.c.

500 b.c.

400 b.c.

300 b.c.

200 b.c.

150 b.c.

100 b.c.

50 b.c.

1 b.c.

4 b.c.

Apostasiya sa Juda

Mga Taga-Babilonia 597 b.c.

Ang Imperyo ng Persia 539 b.c.

Ang mga Griyego 332 b.c.

Ang mga SelEucid 198 b.c.

Paghihimagsik 164 b.c.

Independiyenteng Bansa ng mga Judio 142 b.c.

Ang mga Romano 63 b.c.

Herod the Great

Augusto Cesar

Pontio Pilato

Binalaan ng mga propetang sina Isaias at Jeremias ang mga mamamayan ng Juda na sasakupin sila ng ibang mga bansa. Nagkatotoo ang kanilang mga propesiya nang sakupin ang rehiyon ng sunud-sunod na mga hari mula sa iba’t ibang bansa: Haring Nabucodonosor ng Babilonia, Cyrus the Great ng Persia, Haring Dario ng Persia, at Alexander the Great ng Greece. Nang mamatay si Alexander, pinaghati-hatian ng kanyang mga heneral ang kanyang teritoryo; sinakop ni Ptolemy I ang Palestina.

Ang Palestina ay napailalim sa pamumuno ng mga emperador na Seleucid, at isa sa kanila si Antiochus IV Epiphanes. Sapilitang ipinatupad ni Antiochus ang kulturang Griyego sa mga Judio, at may pagkakataong ipinapatay ang maraming Judio, ipinagbawal ang mga seremonyang pang-relihiyon ng mga Judio, at nilapastangan ang templo. Si Judas Maccabeus, pinuno ng mga Judio na tutol sa mga Griyego, ang namuno sa paghihimagsik at muli niyang inilaan ang templo. Ipinagdiwang ng mga tao ang unang Hanukkah.

Pagkaraan ng maikling panahon ng kalayaan, bumagsak ang Jerusalem sa kamay ng mga Romano nang lusubin ni Pompey the Great ang lungsod. Iniluklok ng mga Romano si Herod the Great, na inapo ni Esau, bilang hari sa Judea na suportado ng Roma. Muli niyang itinayo ang Jerusalem at pinalawak ang lugar ng Templo. Winakasan ni Augusto Cesar ang pamumunong republikano sa Roma at naging ikalawang emperador ng Roma pagkatapos ni Julius Caesar.

Noong namumuno sina Augusto Cesar at Herod the Great, isinilang ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa Betlehem. Isinilang Siyang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon (tingnan sa Isaias 44:6).

Ipinropesiya ni Propetang Isaias ang Pagsilang ni Cristo, ni Harry Anderson; Itinaboy na mga Judio—Ang Palasyo © Nabucodonosor, Babilonia, ni Balage Balough/ArtResource/NY; larawan ng mga ningas ng apoy na iginuhit ng Wavebreakmedia Ltd./Thinkstock; larawan ni Cyrus the Great na guhit ni Dorling Kindersley/Thinkstock; IMAHE NG Darius I, bas-relief SA Apadana, Persepolis, NI Giannia Dagli Orti/The Art Archive at Art Resource, NY; LARAWAN NG HALIGING GRIYEGO NA KUHA NI olmarmar/Shutterstock.com; IMAHE NG BARYA NA MAY LARAWAN NI Soter Prolemaios I SA KAGANDAHANG-LOOB NI bpk, Berlin/Muenzkabinett, Staatliche Museen, Berlin/Reinhard Saczewski/Art Resource, NY

KALIWA: LARAWAN ng BUSTO NI Antiochus IV SA KAGANDAHANG-LOOB NI bpk, Berlin/Altes, Museen of Staatliche/Ingrid Geske/Art Resource, NY; larawan ng nililok na Pompey the Great na kuha ni Alinari/Art Resource, NY; larawan ng menorah na kuha ni Pumba1/iStock/Thinkstock; larawan ng modelo ng Templo ni Herodes na kuha ni Timothy L. Taggart © IRI

Larawan ng mga ulap na kuha ng IgDrZh/iStock/Thinkstock; larawan ng Qumran cave 4 na kuha ni Richo-fan/iStock/Thinkstock