Para sa Maliliit na Bata
Parang Pasko Araw-araw
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Lahat ng regalo ay nakabalot na at nasa ilalim ng Christmas tree. O baka hindi pa?
“Maligayang Pasko! Saya’y ikalat ninyo!” (Children’s Songbook, 51).
Malapit na ang Pasko. Sabik na sabik na si Amalie. Malapit na niyang mabuksan ang mga regalo sa ilalim ng Christmas tree!
Sa family home evening, si Inay ang magbibigay ng lesson.
“Bakit tayo namimigay ng mga regalo sa araw ng Pasko?” tanong ni Inay.
“Kasi po kaarawan ni Jesus!” sabi ni Amalie.
“Kung gayon hindi ba dapat magbigay tayo ng regalo sa Kanya?” sabi ni Inay.
Tinulungan ni Itay ang kapatid ni Amalie na si Noah na basahin ang isang talata sa banal na kasulatan. Sabi roon, kapag naglilingkod tayo sa ibang tao, naglilingkod tayo sa Diyos (tingnan sa Mosias 2:17).
“Ang paglilingkod ba sa iba ay pagreregalo kay Jesus?” tanong ni Inay.
Tumango si Noah.
“Ano pa?”
“Pagsunod po sa mga utos,” sabi ni Amalie.
“Pagiging mabait,” sabi ni Noah.
“Magaling!” sabi ni Inay. “Ngayo’y maglaro tayo. Babanggit ako ng isang regalong ibinigay ng isang tao kay Jesus. Sabihin ninyo sa akin kung kilala ninyo siya. Heto na. Ang taong ito ay nagbigay ng mga Christmas card sa care center.”
Nagtaas ng kamay si Noah. “Si Amalie po ang gumawa niyan!”
“Ang taong ito ay nag-home teaching.”
“Si Itay po ‘yan,” sabi ni Amalie.
Di-nagtagal marami na silang nabanggit na mga regalong naibigay nila sa Tagapagligtas.
“Maaari tayong magbigay ng mga regalo araw-araw,” sabi ni Inay.
Kinaumagahan oras na para maglinis ng bahay. “Ano ba ‘yan,” pagdaing ni Amalie. Pero may naalala siya. Ang paglilingkod sa iba ay isang regalo! Kung tutulungan niya si Inay, parang tinulungan na rin niya si Jesus. Kumuha siya ng basahan at pinunasan ang mga counter hanggang sa kumintab ang mga ito.
Kinabukasan kumita nang kaunti si Amalie.
“Ang ikapu mo ay singkuwenta sentimos,” sabi ni Inay.
May naalala ulit si Amalie. Ang ikapu ay isang utos, kaya ang pagbabayad nito ay isang regalo. Naglagay siya ng singkuwenta sentimos sa garapon ng kanyang ikapu.
Kalaunan ng linggong iyon tumulong si Amalie sa pagliligpit ng mga unan. Pinaghahagis ng kanyang bunsong kapatid ang mga ito mula sa sopa. “Isa pang regalo para kay Jesus,” sabi niya.
Sa Bisperas ng Pasko, sinabi nina Inay at Itay na ipinagmamalaki nila si Amalie. “Buong linggo kang nagregalo kay Jesus,” sabi ni Itay. “Parang Pasko iyan araw-araw.”