Ang Unang Pasko
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Maaaring isadula ito ng inyong pamilya, mga kaibigan, o klase sa Primary. Basahin ang Lucas 2:1–16 para matulungan kayong maghanda.
Awit: “Nang si Jose ay Magtungo sa Bethlehem,” unang talata (Aklat ng mga Awit Pambata, 22).
Maria: Sana makahanap tayo agad ng matutuluyan. Matagal na tayong naglalakbay.
Jose: May bahay-tuluyan sa banda roon. Maghintay ka rito at magpahinga at titingnan ko kung may silid pa para sa atin.
[Pauupuin ni Jose si Maria at kakatok siya sa “pinto.” Sasagot ang tagapangasiwa ng bahay-tuluyan.]
Tagapangasiwa: Ano’ng kailangan mo?
Jose: Naghahanap ako ng matutuluyan. Malayo ang nilakbay naming mag-asawa, at kailangan namin ng matutulugan.
Tagapangasiwa: Pasensya na, pero puno na ang bahay-tuluyan.
Jose: Pakiusap, puwede mo ba kaming tulungan? Manganganak na ang asawa ko.
Tagapangasiwa: Puwede siguro kayong matulog sa kuwadra. Iyon lang ang maitutulong ko.
Jose: Salamat. Napakabuti mo.
[Pupuntahan ni Jose si Maria at tutulungan siyang tumayo.]
Jose: Walang silid sa bahay-tuluyan, pero sabi ng tagapangasiwa puwede tayong matulog sa kuwadra.
Maria: Ah, masaya ako’t may matutuluyan tayo ngayong gabi.
[Maglalakad sila papunta sa kuwadra. Mauupo sina Maria at Jose, at magwawakas ang tagpo.]
Awit: “Nang si Jose ay Magtungo sa Bethlehem,” ikalawa at ikatlong talata (Aklat ng mga Awit Pambata, 22).
[Binabantayan ng mga pastol ang kanilang mga tupa. Darating ang anghel, at luluhod ang mga pastol.]
Pastol 1: Sino ka?
Pastol 2: Huwag mo kaming sasaktan.
Anghel: Huwag kayong matakot. May dala akong masayang balita! Ngayong gabi ang Anak ng Diyos ay isinilang sa Betlehem. Matatagpuan ninyo ang sanggol na nakahiga sa isang sabsaban.
Pastol 1: Halikayo at tingnan natin ang batang ito.
Anghel: Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
Awit: “Nagningning ang mga Tala” (Aklat ng mga Awit Pambata, 24).
[Pupunta ang mga pastol sa bahay-tuluyan at kakatok sa “pinto.” Sasagot ang tagapangasiwa.]
Pastol 2: Narito kami para makita ang batang Cristo.
Pastol 1: Sinabi sa amin ng isang anghel na nakahiga Siya sa isang sabsaban.
Pastol 2: Alam mo ba kung nasaan Siya?
Tagapangasiwa: Isang bata ang isinilang sa aking kuwadra ngayong gabi. Ihahatid ko kayo.
[Susundan ng mga pastol ang tagapangasiwa papunta sa kuwadra, kung saan nakaupo sina Jose at Maria sa tabi ng sabsaban na hinihigaan ng sanggol na si Jesus.]
Pastol 1: Totoo nga! Talagang may sanggol na nakahiga sa isang sabsaban, tulad ng sinabi ng mga anghel.
Pastol 2: Ito nga ang Tagapagligtas, si Cristo na Panginoon.
[Luluhod ang mga pastol at tagapangasiwa sa palibot ng sabsaban.]
Awit: “Kay Tahimik ng Paligid” (Mga Himno, blg. 125).