Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Alam Kong Siya ay Buhay
Ibibigay ko ang buo kong pagkatao, ang lahat ng inaasam kong maging, upang madama ang nadama ko noon!
Gustung-gusto kong pagnilayan ang tiniis ng ating Ama sa Langit upang ipagkaloob sa atin ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang karapat-dapat na Anak na iyon ng ating Ama, na lubos na nagmahal sa sanlibutan kaya Niya ibinuwis ang Kanyang buhay upang tubusin ang sanlibutan, upang tayo ay iligtas at espirituwal na pangalagaan habang nabubuhay tayo, at ihanda tayo sa pagpunta at pagtahan sa piling Niya sa mga daigdig na walang-hanggan. …
Naaalala ko ang isang karanasan ko … , na nagpatotoo sa aking kaluluwa sa katotohanan ng kamatayan [ng Tagapagligtas], sa Pagpapako sa Kanya sa Krus, at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, na hinding-hindi ko malilimutan. …
… Isang gabi, habang nananaginip ako ay natagpuan ko ang aking sarili sa loob ng sagradong gusaling iyon, ang templo. Pagkatapos ng sandaling pananalangin at pagsasaya, sinabihan ako na magkakaroon ako ng pribilehiyong pumasok sa isa sa mga silid upang makadaupang palad ang isang maluwalhating nilalang, at, habang pumapasok ako sa pintuan, nakita ko, na nakaupo sa isang mataas na plataporma, ang pinakamaluwalhating Nilalang na noon ko lamang nakita o noon ko lamang naisip na nabuhay sa mga daigdig na walang hanggan.
Sa paglapit ko upang maipakilala, tumayo Siya at lumapit sa akin na nakaunat ang mga kamay, at ngumiti nang sambitin Niya nang mahina ang aking pangalan. Kung mabubuhay ako nang isang milyong taon, hinding-hindi ko malilimutan ang ngiting iyon. Niyakap Niya ako at hinagkan, kinabig ako sa Kanyang dibdib, at ako ay binasbasan, hanggang sa tila matunaw ang utak ng aking mga buto! Nang matapos na Siya, lumuhod ako sa paanan Niya, at, habang pinaliliguan ang mga iyon ng aking mga luha at halik, nakita ko ang bakas ng mga pako sa paa ng Manunubos ng daigdig. Ang nadama ko sa harapan Niya na namamahala sa lahat ng bagay, na mapasaakin ang pagmamahal Niya, pag-aaruga Niya, at basbas Niya ay napakatindi kung kaya’t kung matatanggap ko ang bagay na iyon na natikman ko ay ibibigay ko ang buo kong pagkatao, ang lahat ng inaasam kong maging, upang madama ang nadama ko noon!
… Hindi ko nakikita si Jesus ngayon na nakapako sa krus. Hindi ko nakikita ang Kanyang noo na natutusukan ng mga tinik ni ang Kanyang mga kamay na nakapako, kundi nakikita ko Siyang nakangiti, nakaunat ang mga bisig, sinasabi sa ating lahat: “Magsilapit kayo sa akin!”