2014
Ang Simbahan sa Sweden: Paglago, Pandarayuhan, at Katatagan
Disyembre 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

Ang Simbahan sa Sweden: Paglago, Pandarayuhan, at Katatagan

Ang awtor ay naninirahan sa Sweden.

Nalampasan ng Simbahan sa Sweden ang pandarayuhan sa ibang bayan ng matatapat na miyembro, di-magagandang ulat sa media, at nag-iibayong sekular na kapaligiran, ngunit pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain sa piling lupaing ito.

Church members in Sweden.

Noong 1849, si Pangulong Brigham Young ay tumawag ng ilang kalalakihan upang maglakbay sa iba’t ibang panig ng mundo para ipangaral ang ebanghelyo. Isang dating marinong Swedish, si John Forsgren, na sumapi sa Simbahan sa Massachusetts, USA, at naglakbay patungong Salt Lake Valley, ang humiling kay Pangulong Young na isugo siya sa Sweden bilang missionary. Tinawag siyang maglingkod at dumating sa Sweden noong Hunyo 1850.

Unang binisita ni Elder Forsgren ang nakababata niyang mga kapatid sa Gävle. May karamdaman ang kapatid niyang si Peter, at sinabi ng mga doktor na wala na siyang pag-asa. Ipinaliwanag ni Elder Forsgren ang layunin ng kanyang misyon sa kanyang mga kapatid, pagkatapos ay pinahiran ng langis at binasbasan si Peter, at nanumbalik ang kalusugan nito. Noong Hulyo 19, 1850, bininyagan ni Elder Forsgren ang kanyang kapatid, na siyang unang nabinyagan sa Sweden.

Ang kapatid na babae ni Elder Forsgren, si Erika, ay nagkaroon ng nakatutuwang karanasan na naghanda sa kanila ni Peter para tanggapin ang ebanghelyo. Ilang buwan bago dumating ang kanyang kapatid, nagsimba siya, tulad ng kanyang nakagawian. Habang kumakanta ng himno, nakita niyang may isang taong tumayo sa kanyang harapan at nagsabing, “Sa ikalimang araw ng Hulyo pupuntahan ka ng isang lalaki na may dalang tatlong aklat at lahat ng maniniwala sa mga bagay na nakasulat sa mga aklat na iyon ay maliligtas.” Nang dumating ang kuya niya na may dalang Biblia, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan, naniwala siya sa patotoo nito nang walang pag-aalinlangan.1

The Church in Sweden

Sa kasamaang-palad, kinailangang lisanin ni Elder Forsgren ang bansa pagkaraan lamang ng tatlong buwan. Sa loob ng ilang taon nagpadala ng iba pang mga missionary sa Sweden. Nalaman nila na ang mga tao sa Skönabäck, sa lalawigan ng Skåne, ay handang pakinggan ang ebanghelyo. Napakaraming nabinyagan kaya nabuo ang unang branch doon noong 1853 na may 36 miyembro. Isa sa mga unang lider sa Skåne si Carl Capson, na tinawag bilang branch president sa Lund. Mga 100 miyembro ang dumalo sa unang kumperensya ng Simbahan sa kamalig ni Carl, na idinaos sa gabi para makaiwas sa pang-uusig.2

Kababaihang May Pananampalataya

Ang kababaihang tumanggap sa ebanghelyo ang naging mga halimbawa at napagkunan ng lakas sa Sweden. Isang halimbawa si Britta Olsdotter Persson, ang unang taong tumanggap sa ebanghelyo sa Vingåker. Noong 1877, para makatulong sa pagsuporta sa kanyang pamilya, naglakbay siya patungong Stockholm para ibenta ang kanyang mga tinahi. Doon niya nakilala ang mga missionary at natanto na katotohanan ang kanilang itinuturo at bininyagan siya, sa edad na 50.

Ang kanyang pagsapi at magiting na pagsisikap na ipalaganap ang gawain ng Panginoon ay nauwi sa marami pang mga binyag kalaunan, at isang branch ang itinatag sa Vingåker. Ang kanyang mga inapo ay aktibo pa rin sa Simbahan. Sabi ng apo-sa-talampakan ni Sister Persson na si Laila Krylborn, “Masayang makita ang nangyari sa mga henerasyon ng aming mga anak at apo. Ngayo’y may ilang priesthood holder at missionary na sa aming pamilya.”

Ang isa pang babaeng pioneer ay si Lovisa Munter ng Uppsala. Naging miyembro siya noong 1886 at naging tapat hanggang kamatayan sa edad na 91. Maraming Linggo siyang nagpunta sa mga meeting hall, nagbukas ng ilaw, at naghintay sa pagdating ng iba pang mga miyembro. Kadalasa’y walang dumarating. Pagsapit ng alas-11:00 n.u. sinasabi niya sa kanyang sarili, “Hindi dapat paghintayin ang Diyos.” Kakanta siya, magdarasal, magbibigay ng maikling mensahe, at pagkatapos ay magtatapos sa isa pang awit at panalangin.

Kapag naglalakbay siya noon patungong Stockholm sakay ng tren, namimigay si Sister Munter ng mga polyeto tungkol sa Simbahan. Patuloy ang kanyang pamana ng pananampalataya: ilan sa kanyang mga inapo ang nakabalik na sa Sweden bilang mga missionary.3

Bumisita rin ang mga missionary sa Smedjebacken, sa lalawigan ng Dalarna. Kabilang sa mga naging miyembro ng Simbahan ang pamilya Jansson noong 1886. Isang inapo ng pamilyang iyon si Reid Johnson, isang missionary na dumating sa Sweden pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilang beses siyang nagbalik pagkatapos ng kanyang misyon—bilang mission president, regional representative, at temple president. Nagbuhat din sa pamilya Jansson ang maybahay ng isang propeta, si Sister Frances Monson.

Pagtitiis sa Kabila ng Pang-uusig

Sa loob ng maraming dekada, matindi ang pang-uusig sa mga miyembro ng Simbahan. Maraming missionary na nabilanggo, kabilang na si Mikael Jonsson, isang katutubong Swede. Dinakip siya noong 1852 at dinala nang 480 milya (770 km) na nakakadena patungong Malmö, kung saan siya ibinilanggo sa piitan ng kastilyo, na labis ang pagkagutom at pagkapagod. Binisita siya ng isang pari, na nalaman na si Elder Jonsson ay isang matalinong tao na kahit paano ay nakapag-aral. Sinabi ng pari na handa itong tumulong sa kanya at nangakong pag-aaralin pa siya—sa kundisyon na sasapi siya sa relihiyong Lutheran at itatakwil niya ang “Mormonismo.” Hindi itinakwil ni Elder Jonsson ang kanyang relihiyon, kaya itinapon siya sa ibang lugar.4

Ang isa pang tapat na missionary ay si Carl A. Carlquist, ipinanganak malapit sa Vänersborg noong 1857. Sa edad na 17, nakadama siya ng matinding hangaring ipangaral ang ebanghelyo at inutusan siyang mamahagi ng mga polyeto ng Simbahan sa paligid ng Jönköping. Mahirap lang siya, kaya ang mga miyembro ng kanyang branch, pitong biyuda at ang mga anak nito, ay naghanap ng amerikana at sapatos para sa kanya. Walang sariling amerikana si Carl nang sumapit ang taglamig, ngunit pinahiram siya nang ilang oras bawat araw ng ilan sa mga miyembro kapag hindi nila ito kailangan.5

Kalaunan ay nandayuhan si Carl sa Utah at pinakasalan si Hulda Östergren, isang dayong Swedish. Dalawang beses pa siyang nagmisyon sa Sweden, pati na bilang mission president ng Scandinavian Mission. Halos buong huling misyon niya ay nagugol sa pagtatama ng mga maling ulat tungkol sa Simbahan na inilathala ni Reverend P. E. Åslev, isang pastor na nanirahan sa Salt Lake City at inupahan upang magpalaganap ng mga ulat laban sa mga Mormon sa Sweden. Halimbawa, noong 1912, sumulat ng isang artikulo si Åslev sa pahayagang Svenska Dagbladet kung saan sinabi niya na si Brother Carlquist ay polygamist [maraming asawa].6 Kasama sa mga pagsisikap ni Carl ang pagkausap niya kay King Gustaf V at pinabulaanan niya ang mga pahayag ni Åslev sa mga pampublikong pulong.7

Para mapabulaanan ang mga pinagsasabi ni Åslev, isang miyembro doon, si Einar Johansson, ang nagboluntaryong magsalita para sa Simbahan. Dumulog siya sa batas dahil sinabi rin ni Åslev na ang mission office ng Simbahan “ay isang negosyong nagbebenta ng aliw,” na isang paninirang-puri.8 Si Brother Johansson ay naging mahalaga at epektibong lider ng Simbahan sa Sweden, kabilang na ang pagiging branch president sa Stockholm.9

Sa kabila ng pang-uusig sa panahong ito, maraming tumanggap sa ebanghelyo. Ang pinakamatagumpay na taon hanggang sa ngayon ay noong 1862, nang 640 katao ang nabinyagan at nakumpirma. Gayunman, karamihan sa mga sumapi ay naglakbay kaagad patungong Utah. Noong panahong iyon, hinikayat ng mga lider ang pandarayuhang ito upang patatagin ang Simbahan doon. Ang mga resulta ng pandarayuhang iyon ay makikita ngayon: halos kalahati ng mga naninirahan sa Utah ay taga-Scandinavia ang mga ninuno.

Gayunman, noong 1910, binisita ni Pangulong Joseph F. Smith ang Stockholm at hinikayat ang mga miyembro na manatili roon at patatagin ang Simbahan sa Sweden.

Ang Simbahan Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Nang magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lahat ng Amerikanong missionary ay pinauwi. Mga lokal na kalalakihang Swedish ang hinilingang maglingkod bilang mga missionary. Si C. Fritz Johansson, na sumapi sa Simbahan noong 1931, ang tinawag bilang bagong mission president. Isang taon bago sumiklab ang digmaan, ibinenta niya ang kanyang negosyong grocery at naging missionary silang mag-asawa kasama ang tatlong anak nila. Pagkatapos ng digmaan, tinawag si President Johansson at pitong missionary mula sa Sweden upang muling buksan ang gawaing misyonero sa Finland, na natigil dahil sa digmaan.

Nang bumalik ang mga Amerikanong missionary sa Sweden noong 1946, nagturo sila ng Ingles bilang bahagi ng kanilang gawaing misyonero, at marami sa kanilang mga estudyante ang naging miyembro ng Simbahan. Gayunman, hindi nagtagal ang paglago dahil maraming miyembrong Swedish ang nandayuhan sa Utah. Dahil takot sa dati nilang mga kaaway, ang panghihikayat ng mission president, at pagkakataong matanggap ang kanilang mga ordenansa sa templo ang nakahikayat sa 250 aktibong mga miyembro na lisanin ang Sweden sa pagitan ng 1948 at 1950.

Isa sa mga pamilyang iyon sina Oskar at Albertina Andersson, na naging mga miyembro ng Simbahan noong 1915. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, gumawa ng napakahirap na desisyon sina Oskar, Albertina, at pito sa kanilang mga anak na nag-asawa ng mga miyembro, na ibenta ang lahat ng kanilang ari-arian at “maglakbay patungong Sion.” Mula 1949 hanggang 1950, 29 na mga miyembro ng pamilya Andersson ang lumisan ng Sweden. Iniwan nina Oskar at Albertina ang kanilang tahanan, tatlong anak, at apat na apo, na hinding-hindi na nila muling makikita. Dumating sila sa isang disyerto at lungsod kung saan ang wikang sinasalita ng mga tao ay hindi nila maintindihan. Ngunit para sa matatapat na miyembrong ito, mas mahalaga ang mapalapit sa templo kaysa anupamang bagay.

Ang mga miyembro ng pamilya Andersson ay naglingkod simula noon bilang mga missionary at lider ng Simbahan sa lahat ng panig ng mundo, pati na bilang Area President sa Africa at temple president sa Sweden.

Gayunman ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay nagpasiyang manatili sa Sweden at naging mga lider. Isa sa kanila si Bo Wennerlund, isang bata pang ama na nabinyagan noong 1949. Siya ay naging mahalagang lider ng Simbahan sa Sweden, at naglingkod bilang mission president, regional representative, at temple president.

Mga Pagpapala ng Templo sa Sweden

Ganap na tumigil ang pandarayuhan nang ilaan ang isang templo sa Switzerland noong 1955. Sa loob ng 30 taon ilang beses nagbiyahe nang ilang araw ang mga miyembrong Swedish patungo doon sakay ng tren, bus, kotse, at maging ng eroplano—kung minsa’y ilang beses sa isang taon.

Lubos na nagalak ang mga miyembro nang itayo ang isang templo sa Stockholm at ilaan ito noong 1985. Inilarawan ni Berit Vennerholm, miyembro ng Västerhaninge Ward, ang paglalaan bilang “isang pinakaaasam at maluwalhating karanasan. Ang hinding-hindi ko malilimutan ay nang iwagayway naming lahat ang aming puting panyo at sumigaw kami ng, ‘Hosanna!’”

Gordon B Hinckley and Thomas S Monson at the Swedish Temple cornerstone ceremony in 1985.

Ginabayan ng kamay ng Panginoon ang pagpili ng lote para sa templo. Matapos ang maraming pakikipagtalakayan sa ilang bayan sa Stockholm, dalawang angkop na lote ang natagpuan. Isang komite ng mga lokal na lider ng Simbahan ang nagmungkahi sa isa sa mga ito, ngunit ipinasiya ng Pangulo ng Simbahan na mas maganda ang isa pang lote. Napatunayang inspirado ang desisyong ito, dahil kalaunan ang naunang lote ay napatunayang hindi akma para sa isang templo.

Bagama’t nahirapan ang Simbahan na tumanggap ng magandang puna sa Swedish media, tumanggap ito ng magandang puna noong 1984, nang mapanalunan ng magkakapatid na binata sa pamilya Herrey ang pinakamalaking paligsahan sa pagkanta sa Europa. Ang paglabas nila sa telebisyon at sa mga pahayagan ay nagbigay ng magandang publisidad sa Simbahan, at maraming kabataang sumapi sa Simbahan sa panahong iyon.

Noong mga huling taon ng 1980s, ang isa pang miyembrong tumanggap ng magandang atensyon ng media ay ang 35-taong-gulang na U.S. ambassador sa Sweden na si Gregory Newell, na madalas makita sa iba’t ibang pampublikong kaganapan. Nagbalik silang mag-asawa sa Sweden noong 2011 upang mamuno sa Sweden Stockholm Mission hanggang Hulyo 2014.

Si President Newell ay namuno sa lumalagong bilang ng mga missionary, na mula 84 ay naging 205. Dahil kakaunti at mahal ang mga apartment sa Sweden, inilarawan niya ito bilang “isang himala na nakakita ang mission ng karagdagang 56 na apartment para sa parating naming mga missionary.”

Tunay na Paglago

family with parents, children, grandmother

Pagkatapos ng digmaan, naging masyadong sekular na bansa ang Sweden. Gayunman, maraming dayuhang naghahanap sa Diyos. Isa sa bawat anim na Swede ngayon ay isinilang sa labas ng bansa. Karamihan sa mga sumasapi sa Simbahan sa Sweden ay mga dayuhan. Inilarawan ni President Newell ang ilang kabibinyag pa lamang: “Ang mga kapatid na nagmula sa 28 iba’t ibang bansa ang sumapi sa Simbahan sa Sweden. Naipahayag ko na ang aking pananaw na tinitipon ng Panginoon ang Israel sa pamamagitan ng pagkakalat sa kanila mula sa kanilang mga bayang sinilangan. Talagang pinabibilis ang gawain sa ating panahon sa piling lupaing ito.”

Lumalago rin ang Simbahan sa puso ng mga miyembro. Ang mga multi-stake conference ay umaakit sa maraming kabataan mula sa kalapit na mga bansa at nakakatulong sa pagtatatag ng mga bagong pamilya. Dahil sa malalaking child allowance ng gobyerno at bayad na bakasyon para sa mga magulang na nagkaanak, posible nang bumuo ng medyo malalaking pamilya ang mga mag-asawa.

Ngayon, karamihan sa mga aktibong kabataang miyembro ay naglilingkod sa mga mission sa lahat ng panig ng mundo. Ang isang nakauwi nang missionary, si David Halldén, ang unang missionary sa Yekaterinburg, Russia, ay mayroon na ngayong magandang pamilya na may anim na anak. Ikinuwento niya kung paano nakakatulong ang ebanghelyo sa kanyang pamilya: “Napakaraming tinig na maaaring ikaligaw ng landas ng mga bata. Tinutulungan tayo ng ebanghelyo na palakasin sila at makuha ang kanilang tiwala.”

Sa kabila ng sekular na kapaligiran at ilang masasamang publisidad, maraming matatapat na miyembro at matatatag na lider ng Simbahan na naninirahan sa Sweden. Pinasasalamatan ng mga miyembro ang tulong na ibinibigay ng mga turo at aktibidad ng Simbahan sa mga pamilya at tao, at matindi ang hangarin nilang tanggapin ng mas marami pang tao ang masayang mensahe ni Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Box Elder Lore of the Nineteenth Century (1951), 58.

  2. Tingnan sa Andrew Jenson, History of the Scandinavian Mission (1979), 81.

  3. Tingnan sa Inger Höglund at Caj-Aage Johansson, Steg i tro (2000), 122.

  4. Tingnan sa Jenson, History of the Scandinavian Mission, 53.

  5. Tingnan sa Myrtle McDonald, No Regrets: The Life of Carl A. Carlquist (1985), 19–21.

  6. Tingnan sa McDonald, No Regrets, 219.

  7. Tingnan sa Jenson, History of the Scandinavian Mission, 331.

  8. Sa McDonald, No Regrets, 239.

  9. Tingnan sa McDonald, No Regrets, 219.

Nagpulong ang mga miyembro sa Västerås sa tahanang ito noong 1950s.

Nagtanghal ang Mormon Tabernacle Choir sa Stockholm Concert Hall noong 1982.

Mga larawang kuha ni Michael Ellehammer, maliban kung iba ang nakasaad; kaliwang itaas: larawang kuha ng PinkBadger/iStock/Thinkstock; gitnang kaliwa: larawan ni Ezra Taft Benson nang bumisita sa Stockholm; kaliwang ibaba: larawang kuha ni adisa/iStock/Thinkstock

Larawan ng Västerås Branch meetinghouse at mga missionary sa kagandahang-loob ng Church History Library; LARAWAN NI PETER FORSGREN SA KAGANDAHANG-LOOB NI Susan Easton Black.

Kanan: larawan ni Pangulong Monson na bumisita sa hari sa kagandahang-loob ng Church News