2014
Ang Katotohanan ng Pasko
Disyembre 2014


Ang Katotohanan ng Pasko

Kung wala ang pagsilang at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, wala tayong Tagapamagitan, walang Tagapamagitan sa Ama, at walang Tagapamagitan na gagawa ng paraan upang makabalik tayo sa piling ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at mamuhay nang sama-sama bilang mga walang-hanggang pamilya.

Noong bata pa ang tatay ko, tumira siya sa isang munting bayan sa gitnang Utah malapit sa Utah Lake. Noong wala pa ang mga pioneer, mga Katutubong Amerikano ang nangangaso at nangingisda sa lugar na iyon. Ilang lugar sa palibot ng lawa ang naging popular sa mga naghahanap ng mga ulo ng palaso na naiwan ng mga sinaunang tao.

Sa isang aktibidad ng mga ama at mga anak na lalaki noong limang taong gulang ang tatay ko, nagpunta ang kanyang ward sa Utah Lake para maghanap ng mga ulo ng palaso. Matapos gugulin ng grupo ang maghapon sa paghahanap, tinanong ng lolo ko ang tatay ko kung nakakita na siya ng mga ulo ng palaso.

“Wala pa po akong nakita,” sagot ng tatay ko. Pagkatapos ay dumukot siya sa kanyang bulsa at nagsabing, “Pero nakita ko po itong magandang bato na hugis Christmas tree.”

Nakakita pala ng ulo ng palaso ang tatay ko, pero hindi niya alam na iyon na ang ulo ng palaso. Hawak niya ang tunay na ulo ng palaso, pero hindi niya ito nakilala.

Pagkilala sa Manunubos

Para sa maraming tao ngayon, ang pananaw nila kung ano ang tunay at pinakamahalaga—si Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo—ay pinalabo ng mga bagay na hindi totoo.

Kamakailan ay napanood ko ang isang programa sa telebisyon tungkol kay Jesucristo na nagdududa kung talagang ipinanganak nga Siya ni Birheng Maria. Kahit ang magagaling na propesor mula sa kilalang mga paaralan ay nag-iisip-isip kung nangyari nga ito.

Sa pagtugon sa mga nagdududang iyon, sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Hangad tayong kumbinsihin ng mga tinatawag ang kanilang sarili na mga iskolar na ang banal na pagsilang ni Cristo ayon sa nakasaad sa Bagong Tipan ay hindi naman banal at na si Maria ay hindi birhen nang ipaglihi si Jesus. Nais nilang paniwalain tayo na si Jose, na ama-amahan ni Jesus, ang Kanyang tunay na ama, at samakatwid ay tao si Jesus sa lahat ng katangian at pag-uugali. Mukhang labis ang papuri nila sa Kanya kapag sinasabi nila na Siya ay isang magaling at mabait na pilosopo, na marahil ay siyang pinakamagaling. Ngunit ang tunay na layunin ng kanilang pagpuri ay upang tanggihan ang pagiging anak ng Diyos ni Jesus, sapagkat sa doktrinang iyan nakasalalay ang iba pang pahayag ng Kristiyanismo.”1

Nakapag-ski na ako sa artipisyal na snow, at nakapagdekorasyon na sa mga pekeng Christmas tree ng mga pekeng icicle. Kung minsa’y mahirap malaman kung ano ang totoo, lalo na sa panahon na mukhang totoo ang peke. Kaya paano natin malalaman kung ano ang totoo? Paano tayo magtatamo ng patotoo na totoo si Jesucristo?

Nagkakaroon tayo ng patotoo sa kung ano ang totoo kapag binasa natin ang salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan—kapwa ang sinauna at makabago. Nalalaman natin ang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas kapag pinakinggan at binasa natin ang patotoo ng mga buhay na propeta at apostol. Nalalaman natin ang katotohanan kapag nanalangin tayo nang “may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” (Moroni 10:4). Natutuklasan natin “ang tamang landas” kapag tayo ay “[na]niwala kay Cristo, at hindi [natin] siya [itinatwa]” at kapag “[sinamba natin] siya nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas, at nang buo [nating] kaluluwa” (2 Nephi 25:29).

Mga Propesiya Tungkol sa Pagsilang ni Cristo

Actors depicting the Nativity.

Karaniwan na sa mga banal na kasulatan ang propesiya tungkol sa pagsilang ni Cristo—ang unang Pasko. Maaari nating malimutan kapag binabasa natin ang mga propesiyang ito sa banal na kasulatan na ang mga ito ay talagang mga propesiya. Maraming detalye roon tungkol sa mangyayari ngunit hindi pa nangyayari.

Walong daang taon bago isinilang si Cristo, sinabi ni Isaias, “Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Anim na raang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, inilarawan ni Nephi ang isa niyang pangitain tungkol sa ina ng Anak ng Diyos:

“Tumingin ako at namasdan ang … lunsod ng Nazaret; at sa lunsod ng Nazaret ay namasdan ko ang isang birhen, at siya ay napakaganda at napakaputi. …

“At sinabi [ng anghel] sa akin: Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos. …

“At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos” (1 Nephi 11:13, 18, 20–21).

Isandaan at dalawampu’t apat na taon bago isinilang ang Tagapagligtas, sinabi ni Haring Benjamin:

“Masdan, ang panahon ay darating, at hindi na nalalayo, na taglay ang kapangyarihan, ang Panginoong Makapangyarihan … ay bababa mula sa langit sa mga anak ng tao, at mananahan sa isang katawang-lupa, at hahayo sa mga tao, gagawa ng mga makapangyarihang himala. …

“At siya ay tatawaging Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula sa simula; at ang kanyang ina ay tatawaging Maria” (Mosias 3:5, 8).

Walumpu’t tatlong taon bago isinilang si Cristo, sinabi ni Alma, “At masdan, [ang Anak ng Diyos] ay isisilang ni Maria, sa may Jerusalem na lupain ng ating mga ninuno, siya na isang birhen, isang mahalaga at piniling nilikha” (Alma 7:10).

At anim na taon na lamang bago sumapit ang unang Pasko, ipinahayag ni Samuel na Lamanita:

“At masdan, ito ang ibibigay ko sa inyo bilang palatandaan sa panahon ng kanyang pagparito; sapagkat masdan, magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, kung kaya nga’t sa gabi bago siya pumarito ay hindi magkakaroon ng kadiliman. …

“At masdan, sisikat ang isang bagong bituin, isa na hindi pa kailanman namamasdan” (Helaman 14:3, 5).

Buong pananabik na hinintay ng mga Judio ang dakilang kaganapang ito. Alam nilang darating ang Mesiyas, at inasahan nilang Siya ay darating sa kaluwalhatian, palalayain sila sa pisikal na pagkabihag, magtatatag ng kaharian sa lupa, at mamumuno bilang kanilang Hari.

Sino ang unang makakaalam sa pagsilang ng Mesiyas? Ang Sanhedrin ba o iba pang taong makapangyarihan at maimpluwensya?

Sinabi sa atin ng Biblia na ang abang mga pastol na natutulog sa lupa ang sinabihan ng isang anghel ng “mabubuting balita ng malaking kagalakan” (Lucas 2:10) at ang mga Pantas na Lalake mula sa malayo ang nakakita sa “kaniyang bituin sa silanganan, at [pumaroon] upang siya’y sambahin” (Mateo 2:2). Ang mga makapangyarihan at maimpluwensya, na ang kaisipan ay pinalabo ng mga pilosopiya ng mundong ito, ay hindi kasama ng Tagapagligtas sa Kanyang pagsilang o sa Kanyang ministeryo. Nasa harapan na nila ang katotohanan ngunit hindi nila ito nakilala o tinanggap.

Pagiging Higit na Katulad ni Cristo

Sinabi ni Pangulong Benson na ang isa sa mga pinakamagandang bagay tungkol sa Kapaskuhan ay na pinag-iibayo nito ang pagiging sensitibo natin sa mga bagay na nauukol sa Diyos:

“Ito ang naghihikayat sa atin na pagnilayan ang kaugnayan natin sa ating Ama at kung gaano kalaki ang ating katapatan sa Diyos.

“Hinihikayat tayo nito na maging mas maawain at mapagbigay, mas isipin ang iba, mas bukas-palad at tapat, mas puspos ng pag-asa at pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal—lahat ng katangiang taglay ni Cristo. Hindi kataka-taka na naaantig ng diwa ng Pasko ang puso ng mga tao sa buong mundo. … Kahit sa maikling panahon, naitutuon ang ibayong pansin at katapatan sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.”2

Sa Paskong ito, habang nanunuot ang diwa ng Kapaskuhan sa ating puso, gumawa tayo ng isang bagay na magpapadama ng ating pagmamahal sa iba, na nagpapakita na nauunawaan natin na ang sanggol na isinilang sa Betlehem ang tunay na Manunubos. Nagbigay si Pangulong Howard W. Hunter (1907–95) ng ilang praktikal na payo na tutulong sa atin na magawa iyan:

“Ngayong Pasko, makipagbati sa isang kagalit. Hanapin ang isang kaibigang matagal nang hindi nakikita. Alisin ang paghihinala at palitan ito ng pagtitiwala. Sumulat ng isang liham. Sumagot nang magalang. Hikayatin ang mga kabataan. Ipakita ang inyong katapatan sa salita at gawa. Tuparin ang pangako. Kalimutan ang hinanakit. Patawarin ang kaaway. Humingi ng paumanhin. Sikaping makaunawa. Suriin ang hinihingi o ipinagagawa ninyo sa ibang tao. Isipin muna ang iba. Maging mabait. Maging mahinahon. Tumawa pa nang kaunti. Magpasalamat. Malugod na tanggapin ang isang estranghero. Pasayahin ang isang bata. Masiyahan sa kariktan at kahanga-hangang pagkalikha ng daigdig. Ipahayag ang inyong pagmamahal at paulit-ulit itong sabihin.”3

Kung wala si Cristo, wala ring Pasko. Kung wala si Cristo, walang lubos na kagalakan. Kung wala ang pagsilang at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, wala tayong Tagapamagitan, walang Tagapamagitan sa Ama, at walang Tagapamagitan na gagawa ng paraan upang makabalik tayo sa piling ng ating mapagmahal na Ama sa Langit at mamuhay nang sama-sama bilang mga walang-hanggang pamilya.

Kasama ninyo ako sa pagdiriwang ng maganda at mahimalang katotohanan ng pagsilang at misyon ng Anak ng Diyos, at pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos—ang ipinangakong Mesiyas.

Mga Tala

  1. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 128.

  2. Ezra Taft Benson, sa Larry C. Porter, “Remembering Christmas Past: Presidents of the Church Celebrate the Birth of the Son of Man and Remember His Servant Joseph Smith,” BYU Studies, vol. 40, blg. 3. (2001), 108.

  3. Howard W. Hunter, “The Gifts of Christmas,” Ensign, Dis. 2002, 18–19.