2014
Paano Maghanda para sa Ikalawang Pagparito
Disyembre 2014


Paano Maghanda para sa Ikalawang Pagparito

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2004.

“Ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32). Naghahanda ba tayo?

Paano kung bukas na ang pagdating Niya? Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas—sa maagang pagkamatay natin o sa di-inaasahang pagdating Niya—ano ang gagawin natin ngayon? Ano ang mga ipagtatapat natin? Anong mga gawi ang ititigil na natin? Anong mga pagkukulang ang pagbabayaran natin? Ano ang gagawin nating pagpapatawad? Anong mga patotoo ang ibibigay natin?

Kung gagawin natin ang mga bagay na ito, bakit hindi pa ngayon? Bakit hindi hangarin ang kapayapaan hangga’t maaari pa itong matamo?

Ang kasamaang dati’y nasa iisang lugar lang at tago ay legal na ngayon at ibinabandera. Ang pinakaugat at sandigan (tanggulan) ng sibilisasyon ay pinag-aalinlanganan o binabatikos. Isinasantabi na ng mga bansa ang kinagisnan nilang relihiyon. Ang mga pananagutan sa asawa at pamilya ay itinuturing na sagabal sa kasiyahan ng tao. Ang mga pelikula at magasin at telebisyon na humuhubog sa ating pag-uugali ay puno ng mga kuwento o anyo na naglalarawan sa mga anak ng Diyos bilang malulupit na halimaw, o dili kaya’y bilang simpleng mga nilikha na hangad ay medyo higit pa sa personal na kasiyahan. At tanggap na ito ng marami sa atin bilang libangan.

Ang mabait, tunay, at maganda ay napapalitan ng walang silbi, ng “kahit ano,” at ng walang halagang kapritso. Hindi kataka-taka na marami sa ating mga kabataan at matatanda ang nalululong sa pornograpiya, sa paganong pagbubutas ng mga bahagi ng katawan, sa paghahanap ng sariling kasiyahan, sa kasinungalingan, sa masagwang pananamit, sa pagmumura, at sa pagpapasasa sa seks na nakapagpapababa ng pagkatao.

Lahat ng ito’y kasuklam-suklam sa paningin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa lahat ng Kanyang mga anak at nagbabawal sa mga kaugaliang humahadlang sa pagbabalik ng sinuman sa Kanyang piling.

Ano ang katayuan ng sarili nating paghahanda para sa buhay na walang hanggan? Ang mga tao ng Diyos ay pinagtipanang mga tao noon pa man, pati na sa sagradong mga pangakong ginawa natin sa tubig ng binyag, sa pagtanggap ng banal na priesthood ng Diyos at sa mga templo ng Diyos. Tayo ba’y mga taong mahilig mangako ngunit hindi tumutupad at mga sumasampalatayang hindi kumikilos?

Sinusunod ba natin ang utos ng Panginoon na, “Tumayo kayo sa mga banal na lugar, at huwag matinag, hanggang sa ang araw ng Panginoon ay dumating; sapagkat masdan, ito ay dagling darating”? (D at T 87:8).

Nalilibutan tayo ng mga hamon sa lahat ng dako (tingnan sa II Mga Taga Corinto 4:8–9). Ngunit sa pagsampalataya sa Diyos, nagtitiwala tayo sa mga biyayang pangako Niya sa tumutupad sa Kanyang mga utos. Nananalig tayo sa kinabukasan, at pinaghahandaan natin ito.

The resurrected Jesus Christ (wearing white robes with a magenta sash) standing above a large gathering of clouds. Christ has His arms partially extended. The wounds in the hands of Christ are visible. Numerous angels (each blowing a trumpet) are gathered on both sides of Christ. A desert landscape is visible below the clouds. The painting depicts the Second coming of Christ. (Acts 1:11)

Detalye mula sa Ang Ikalawang Pagparito, ni Harry Anderson

“Dahil dito,” sabi ng Tagapagligtas, “maging matapat, nananalangin tuwina, taglay ang inyong mga ilawan na tinabasan at nagniningas, at may langis na dala kayo, upang kayo ay maging handa sa pagparito ng Kasintahang lalaki—

“Sapagka’t masdan, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako ay madaling paparito” (D at T 33:17–18).