2014
Ang Aking Regalo sa Pasko
Disyembre 2014


Ang Aking Regalo sa Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ano ang ibibigay ko sa Tagapagligtas ngayong taon?

illustration of a chapel being held in young man's hands

Paglalarawan ni Ben Simonsen

Ang karaniwan kong upuan sa ninth-grade seminary ay nasa likuran, kung saan maaari akong makipagkuwentuhan at makipagbiruan sa aking kaibigan. Nag-enrol lang ako sa seminary dahil may bakanteng oras pa sa iskedyul ko. Iniaalok ang seminary sa pinapasukan kong eskuwelahan, at iminungkahi ng school counselor na mag-enrol ako rito dahil isa naman akong Banal sa mga Huling Araw. Nalaman ko ang pangalan ng titser, at iyon lang ang natutuhan ko sa klase.

At isang araw ay wala ang kaibigan ko, kaya nagkaroon ako ng problema: wala akong makakabiruan. Paano ko palilipasin ang oras? Sa kabiglaanan, ginawa ko ang nag-iisa pang opsiyon—nakinig ako. Iyon ang unang pagkakataong nakinig ako sa titser.

Kapag ginugunita ko ito, wala akong maalala sa sinabi niya nang araw na iyon, pero natatandaan ko na namangha ako. Pumasok na ang kaibigan ko kinabukasan, pero sa halip na makipagbiruan, nakinig ako at muling namangha sa itinuro.

Kalaunan mula sa likuran ay lumipat na ako ng upuan sa harapan, kung saan ako mas makakapakinig na mabuti. Sa bawat klaseng nagdaan hindi nawala ang interes ko sa aralin o sa mga estudyanteng nagbahagi ng kanilang patotoo.

Nasiyahan ako sa seminary kaya nag-enrol ulit ako nang sumunod na taon. Nabinyagan ako noong walong taong gulang ako pero hindi pa talaga ako nakapagsimba. Pero may nabago isang araw ng Disyembre bago kami nagbakasyon para sa Pasko. Inanyayahan kami ng titser na pumunta sa harapan ng klase at sabihin kung anong regalo ang ibibigay namin kay Cristo sa taong iyon.

“Walang pupunta sa harapan,” naisip ko. Pero laking gulat ko nang isa-isang magpuntahan ang mga estudyante sa harapan ng klase. Ang ilan ay lumuha, ang iba ay nagbahagi ng mga mithiing itinakda nila, at nagkuwento ang iba. Hindi ako makapaniwala.

Lumilipas na ang oras. Ako na lang ang hindi pa nagsasalita. Bago ko namalayan, nakatayo na ako. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Maya-maya, nanginginig ang boses na sinabi ko, “Sa taong ito sa kaarawan ni Cristo, sisimulan ko nang magsimba.”

Mula nang araw na iyon, sinimulan ko nang magsimba bilang regalo ko sa Tagapagligtas. Ang kakatwa roon ay ako ang siyang nakatanggap ng regalo. Nagbago ang buhay ko nang bumalik ako sa simbahan, at nagsimula iyon sa araw na tumigil ako sa pagdaldal na nagbigay sa akin ng sapat na panahon upang pakinggan ang Espiritu at maantig Niya ang puso ko.

Nangungusap pa rin sa akin ang Espiritu. Ang kailangan ko lang gawin ay tumigil at makinig—at sumunod pagkatapos.