2014
Hindi Kailangan ang mga Anghel
Disyembre 2014


Mula sa Misyon

Hindi Kailangan ang mga Anghel

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Noong umagang iyon ng Pasko sa isang ospital sa Guatemala, hindi namin mapaawit ang mga anghel. Ngunit maaaring kami mismo ang umawit.

A sister missionary visiting with a woman who is lying in a hospital bed.

Paglalarawan ni Craig Stapley

Mga paputok, makukulay na belen, at mga piging na may handang pinalamanang tamales—ganyan ang Pasko sa Guatemala. Bilang full-time missionary, nakita kong ibang-iba ang mga tradisyon doon kumpara sa sarili kong mga tradisyon sa Estados Unidos. Nangulila ako sa pamilya ko at naisip ko na magiging malungkot ang aking Pasko.

Sabi ng kompayon kong si Sister Anaya, magiging masaya ang aming Pasko kapag naglingkod kami sa iba. Iminungkahi niya na gugulin namin ang umaga sa pag-awit sa ospital, at niyaya namin ang iba pang mga missionary.

Habang palapit kami sa pintuan, minasdan ko ang mga taong nakapila na dadalaw sa kanilang mga mahal sa buhay. Malungkot ang mukha nila, marumi ang mga paa nilang nakasandalyas, at kupas na ang damit nila. Sama-sama kaming naghintay. Nang papasukin na kami sa gusali, naglakad kami sa makikitid na pasilyo na nagtutuklapan na ang berdeng pintura at sementadong sahig. Nanlumo ako sa amoy ng gamot at mga sakit.

Sa malamlam na liwanag nakita ko ang mga pasyenteng nakaratay sa mga kama sa isang malaking kuwarto na halos walang pumapasok na hangin o walang privacy. Nakaratay sila roon, ang ilan ay nakabenda, ang iba ay nakasuwero, ang iba naman ay kinabitan ng oxygen para makahinga. Ang ilan ay tahimik na dumaraing. Ang iba naman ay tulog. Hindi ko alam kung bakit kami nagpunta roon. Karamihan sa aming maliit na grupo ng mga missionary ay nakatayo sa may pintuan, at hindi alam ang gagawin.

Pero hindi si Sister Anaya. Isa-isa niyang pinuntahan ang mga kama, kinausap ang mga maysakit, kinumusta sila, at binati sila ng maligayang Pasko. Ipinaalala sa amin ng kanyang katapangan kung bakit kami nagpunta roon, at nagsimula kaming kumanta ng mga awiting Pamasko, mahina sa simula ngunit mas may tiwala nang magpatuloy kami. Ang ilan sa mga pasyente ay ngumiti, ang iba ay nakahiga lang at parang walang napansin, at ang iba naman ay sumabay sa paghimig.

Hawak ang himnaryo habang umaawit, nilapitan ni Sister Anaya ang isang babaeng nakabenda. Nagsimulang humikbi ang babae, at magiliw na hinaplos ng kompanyon ko ang buhok nito. Habang lumuluha sinabi ng babae, “Mga anghel kayo. Mga anghel kayo.”

Hindi ko malilimutan kailanman ang sagot ni Sister Anaya. “Hindi mga anghel ang naririnig mo,” sagot niya. “Mga Banal sa mga Huling Araw ang naririnig mo.”

Nang isilang si Jesucristo, ibinalita ng anghel ang Kanyang pagsilang at isang malaking hukbo ng langit ang nagsipagpuri sa Diyos (tingnan sa Lucas 2:8–14). Iniisip ko ang mga anghel na iyon tuwing Pasko.

Pero iniisip ko rin si Sister Anaya. Naaalala ko ang panghihikayat niya sa amin na kumanta sa ospital at kung paano kami naging maligaya sa pagpapasaya sa iba. Naaalala ko ang paghaplos niya sa buhok ng babaeng maysakit. At naaalala ko na hindi ko kailangang maging anghel para makapaglingkod sa iba. Mapaglilingkuran ko sila bilang Banal sa mga Huling Araw.